Banner Before Header

Mga iligal na droga, sunod-sunod na kumpiskado ng BoC

0 155
HINDI maitatanggi na malaki ang naitutulong ng mga X-Ray scanner sa mga paliparan at daungan sa kampanya ng gobyerno laban sa mga ipinagbabawal na gamot na kagaya ng shabu at ketamine.

Muli na naman itong napatunayan ng mga taga-Bureau of Customs (BOC) nang idaan nila sa X-Ray scanning machine sa Port of Clark sa Pampanga ang isang shipment na galing The Netherlands.

Nagkakahalaga ng P2.67 milyon, ang shipment, na deklaradong naglalaman ng clothing, ay nakitaan ng “suspicious images.”

At nang buksan nga ang shipment ay nakakita ang mga otoridad ng apat na polycarbonate sheets “concealing white crystalline substances suspected to be illegal drugs.”

Sa isang pagsusuri na ginawa ng Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF) ay nakitang naglalaman ang white crystalline substances ng “Special K” o ketamine.

Ang ketamine ay isang “anesthetic” drug na classified as “a dangerous drug” ng Republic Act (RA) 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.”

Kaagad na ibinigay ng BOC sa Philippine Drug Enforcement Agency ang samples para sa laboratory analysis.

At katulad nang inaasahan, napatunayan nga na ang samples ay nagtataglay ng ketamine.

Dahil sa findings, nagpalabas kaagad si Port of Clark District Collector Alexandra Lumontad ng warrant of seizure and detention (WSD) laban sa nasabing shipment na naglalaman ng 535.6 grams ng ketamine.

Kasama sa operasyon sa Port of Clark ang CAIDTF, ESS, CIIS, X-Ray Inspection Project at PDEA, ang law enforcement arm ng Dangerous Drugs Board.

Katulad ng ibang BOC collection districts, ang Port of Clark ay laging alerto sa posibleng pagpasok sa bansa ng mga illegal na produkto.

***

Isa pa ring shipment na galing naman ng Nigeria ang kinumpiska ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) dahil naglalaman din ito ng illegal drugs.

Na-intercept ang shipment ng 8.575 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P58.31 milyon sa San Andres, Manila ng mga taga-BOC-NAIA, PDEA, Bureau of Plant Industry at NAIA-Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (CAIDTG).

Ang iligal na droga ay nakatago sa mga pakete ng iba’t ibang assorted dried spices.

Ang nasabing kargamento ay naglalaman daw ng “food stuff” at naipasok sa bansa ng walang mga kaukulang import permits mula sa Department of Agriculture-BPI.

Sa pakikipag-ugnayan ng BOC-NAIA at DA-BPI sa PDEA at NAIA-IADITG, ay napag-desisyunan na idaan ito sa 100 percent physical examination dahil galing ito ng Nigeria.

Lumabas nga sa physical examination na ang shipment ay naglalaman ng 8.575 kilos ng crystalline substances na nakapaloob sa  isang puting plastic bowl.

Napatunayan din ng PDEA na ang crystalline substances ay mga shabu.

Kaugnay nang direktiba ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz na lalo pang pagibayuhin ang kampanya laban sa “drug monster,” sunod-sunod na seizure ng illegal na droga ang resulta ng pinaigting na operasyon na isinagawa ng mga taga-BoC.

Hanggang ngayon kasi ay malaking problema pa sa bansa ang illegal drugs na sinubukang wakasan ni dating Pangulong Duterte.

Madugo ang illegal drugs campaign ni Duterte pero tuloy-tuloy ang problema na minana naman ni Pangulong Marcos.

***

Masamang balita sa taumbayan ang posibleng pagtaas ng presyo ng bigas sa darating na buwan.

Ang presyo ng asukal, asin, toyo, bagoong, kamote at halos lahat na yata ng bilihin ay tumataas pa rin hanggang sa ngayon.

Nandiyan pa ang produktong petrolyo, kuryente at tubig.

At ngayon nga, pati bigas ay susunod na rin na lalong magpapahirap sa hirap ng mamamayang Pilipino, partikular na ang mga walang trabaho.

Ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), ang napipintong pagtaas ng presyo ng bigas ay dahil hindi naibigay ng gobyerno ang cash aid na gagamitin sana ng mga magsasaka sa panahon ng pagtatanim.

Walang nagawa ang mga magsasaka kundi umutang sa mga usurero para lang may pambili ng binhi, abono at iba pang gamit sa pagsasaka.

At inaasahang apektado ang ‘palay production’ dahil hindi sapat ang abono na ginagamit ng mga magsasaka para dumami at gumanda ang kalidad ang kanilang  ani.

Kaya kukulangin tayo ng bigas na magreresulta sa pagsipa ng presyo nito sa lokal na merkado.

Ganuon pa man, nangako ang Department of Agriculture na bibilisan nila ang pamimigay ng ayuda sa mga magsasaka.

Sana nga.

Marami na kasi ang nagsasabi na medyo mabagal daw ang galaw ng gobyerno.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Leave A Reply