NASECORE umapela kay PBBM
‘Pass-on provision’ sa mga consumer dapat ipagbawal
NANANAWAGAN ang National Association of Electricity Consumers o NASECORE kay Pangulong Bongbong Marcos para mahimok ang Energy Regulatory Commission na resolbahin ang isyu kaugnay ng electricity rates ng mga supplier kuryente ng Manila Electric Company o MERALCO.
Sa isang sulat kay PBBM ng nasabing consumers rights advocate noong Oktubre 10, 2022, kinastigo rin ng grupo sa pangunguna ni dating Department of Energy undersecretary Pete Ilagan ang pagbasura ng ERC sa joint power rate hike petition ng MERALCO at ng power unit ng San Miguel Corporation.
Ani Ilagan, bagaman “maganda” ang desisyong ERC na ibasura ang hirit ng South Premiere Power Corporation at San Miguel Energy Corporation para sa rate adjustment ng kuryenteng isinusuplay nila sa Meralco noong Mayo 2022, hindi naman ito sumasakop sa iba pang mga supplier ng Meralco at iba pang mga distribution utilities.
Sa kanilang ‘joint petition,’ humihingi ang dalawang kumpanya nang karagdagang P1.36/kilowatt hour o mula P4.045/kilowatt hour hanggang P5.41/kilowatt hour.
Sa pagbasura sa petisyon, sinabi umano ng ERC na may ‘non-escalation clause’ o pagbabawal sa ‘financial contract’ ng South Premiere at SMC Energy na magtaas ng kanilang singil sa kanilang unang joint application na tinanggap ng ERC noon pang 2019.
Pansin naman ni Ilagan, tuloy-tuloy pa rin ang pagtaas ng rates ng iba pang mga supplier ng Mercalco at iba pang mga distribution utilities na mayroon namang isinumiteng ‘physical contracts’ sa ERC.
Sa nasabing mga kontrata, walang katulad na probisyon na non-escalation clause kumpara sa kontrata ng South Premiere at SMC Energy.
Bunga nito, habang nakatali ang South Premiere at SMC Energy sa pagtatas ng singil, hindi naman napipigilan ang iba pang suppliers ng Meralco na maningil nang napakamahal.
Sa katunayan, ani Ilagan, umabot pa nang hanggang halos pitong piso per kilowatt hour ang blended rate o average rate ng MERALCO noong September 22, 2022, mula sa ibang suppliers nito.
Isa na rito aniya ang Quezon Power Philippines Limited Company na tumataga ng pinakamataas na singil na P13.34 kada kilowatt hour at pati ang ibang electric cooperatives sa Leyte at Samar ay nagtaas na rin ng generation rates noong nakaraang buwan ng Setyembre.
Ayon pa kay Ilagan, dapat maging parehas ang ERC sa pagbabawal ng ‘pass-on provision’ sa ano mang kontratang may kinalaman sa presyuhan ng kuryente upang maibsan ang paghihirap ng mga Pilipino.
Dahil sa sinasabing double standard o hindi patas na patakaran ng ERC, umaapela ang NASECORE kay PBBM na panghimasukan na ang usapin para sa kapakanan ng mga Filipino consumers.