Banner Before Header

Anyare na sa ‘OSP’ ng PNP-IAS; Ombudsman, imbestigahan?

0 135
TALAGANG nakagugulat ang ginawang suspensyon ni Ombudsman Samuel Martires kay National Irrigation (NIA) administrator, Benny Antiporda.

Noong Lunes, Nobyembre 21, 2022, “sa wakas,” o isang linggo matapos siyang suspendihin ni Martires ng “6-months without pay,” “nakarating” na rin kay Benny ang kopya ng 4 na reklamo laban sa kanya, mga reklamo na ayon pa sa mga miron, ay mas mainam na isinampa na lang sa Civil Service Commission (CSC) dahil ang mga bintang ay may kinalaman sa kanyang ‘management style’ at walang kinasasangkutan na kahit “singkong duling” na pera ng gobyerno.

Sa kopya nang mga reklamo na nakita natin, ang huling reklamo— na “amoy tsismis at hinabing kasinungalingan” lang dahil mula sa isang ayaw magpakilalang ‘concerned citizen,’— ay natanggap ng Ombudsman noong Nobyembre 3, 2022.

Inilabas naman ni Martires ang suspensyon ni Antiporda noong Nobyembre 15, 2022 o pagkaraan lang ng 12-araw, wow talaga, hindi ba, Crime and Corruption Watch (CCWI) president Carlo Batalla at Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) president, Boy Evangelista?

Kantyaw tuloy ng mga miron, kaibigang police retired colonel Nelson Yabut, bukod pala sa “parking business” (daw) para sa mga reklamong hindi pa rin gumagalaw hanggang ngayon sa OMB, mayroon na rin (daw) “expresslane” sa Ombudsman para naman sa mga “espesyal” na kaso na katulad ng kay Antiporda?

Sa madaling salita, ‘OMB Express’ ang “sumagasa” kay NIA administrator, Benny Antiporda Ano sa tingin ninyo dear readers?

***

Tama ang posisyon ng National Press Club (NPC) sa eskandalosong aksyon ni Ombudsman Martires sa mga walang kuwentang reklamo laban kay Antiporda. Ang isyu na ngayon, ayon sa pinamakalaking samahan ng mamamahayag sa bansa na dalawang beses niyang pinamunuan, ay hindi na lang si Antiporda at ang mga reklamo sa kanya,

Ang isyu na ngayon ay ang mismong Ombudsman—ang mga nangyayaring kabulastugan doon— “nagpapagamit” sa mga korap at sa pulitika—at ang kredibilidad nito bilang isang institusyon.

Tama rin ang panawagan ng CCWI sa Kongreso na imbestigahan na itong Ombudsman!

Really, folks, it’s about time!

***

Ilang kaibigan sa PNP Internal Affairs Service (PNP-IAS), ang “nagpapatanong” sa COA at kay Chief PNP Rodolfo ‘Jun’ Azurin, kung “ano” na raw kaya ang nangyari sa kanilang OSP’ (occupational specialist pay) dahil sapul pa noong 2018 (second semester), hindi pa rin nila natatanggap hanggang ngayon, wahhh!

Abah nga naman mga kabayan, apat na taon na ang lumipas at LIMA na ang Chief PNP na dumaan mula noon—Oscar Albayalde, Archie Gamboa, Camilo ‘Pikoy’ Cascolan, Debold Sinas at Guillermo Eleazar—pero ang OSP ng IAS personnel, hanggang ngayon wala pa rin umano?!

Harinawa naman na ngayong si Gen. Azurin na ang Chief PNP, makarating na sa kamay ng mga taga-IAS ang kanilang OSP? Harinawa.

Ayaw kasi nating patulan ang sinasabi ng ilang miron na kaya hindi na ito maibigay hanggang ngayon, palaging “walang pondo” ang PNP Directorate for Comptrollership?

Para naman sa COA, na-audit na ba ninyo ang bagay na ito? “Siguro” naman dahil nga higit 4 na taon na itong problema, hindi ba, mga kabayan?

Naniniwala tayong “pogi points” ito kay Chief PNP Azurin sakaling sa termino niya matapos ang problemang ito.

And yes, bosing, malapit na ang Pasko.

“Pasayahin” mo naman ang mga taga-IAS, tama ba, retired police general, James Brillantes?

Abangan!

Leave A Reply