Media groups, suportado ang NIA administrator
Pagtalaga sa ex-Ilocos mayor bilang kapalit, ‘fake news’
TINUGON ng iba’t-ibang media organizations sa bansa ang panawagan ng National Press Club of the Philippines (NPC) na hayagang ipakita ang kanilang suporta kay National Irrigation (NIA) administrator, Benny Antiporda, dahil sa kuwestyunableng 6-buwan suspensyon na ipinataw sa kanya ni Ombudsman Samuel Martires.
Ang pagbuhos ng suporta kay Antiporda ay matapos manawagan ang National Press Club of the Philippines (NPC) noong Nobyembre 20, 2022, sa mga organisasyon ng media na suportahan si Antiporda na 2-beses inihalal na pangulo ng pinakamalaking samahan ng mga aktibong mamamahayag sa Pilipinas.
Sa kanilang letter of support, sinabi ni Edd Gumban, pangulo ng Manila Police District Press Corps na nagkakaisa sila sa pagsuporta kay Antiporda sa paghahanap nito ng patas na pagtrato ng batas para sa katarungan.
Hindi umano dapat binabalewala ng Ombudsman ang legal procedure na nakasaad sa batas.
Sinabi naman ni James Catapusan, pangulo ng Reporters’ Organization of Pasay City, na hindi binigyan ng pagkakataon si Antiporda na makasagot sa gawa-gawang reklamo ng mga korap na empleyado ng NIA kung saan agad naglabas ng suspension order ang Ombudsman nang hindi ipinababatid sa kanya ang nakasaad sa reklamo.
Noong Nobyembre 15, 20202, nasorpresa si Antiporda at ang NIA nang lumabas ang kanyang ‘6-months preventive suspension without pay’ na pirmado ni Martires. Hindi man lang isinama sa suspension order ang kopya ng mga reklamo laban sa kanya.
Lumalabas din na inabot lang ng 12-araw bago nagdesisyon si Martires, matapos matanggap ang huling ‘anonymous complaint’ laban kay Antiporda noong Nobyembre 3, 2022.
Bukod dito, nabatid na nagbuo pa ng ‘special panel’ si Martires para lang dinggin ang kasong administratibo laban kay Antiporda.
Ang mabilisang suspensyon ni Antiporda at pagbubuo ng special panel para lang sa kanya ay ‘first time’ umano sa kasaysayan ng Ombudsman.
Ayon naman kay Jay Reyes, pangulo ng Manila City Hall Press Club, suportado nila si Antiporda sa kanyang ipinaglalaban na naglalayong malinis ang kanyang pangalan sa mga walang basehan at katotohanang akusasyon ng mga mapanlinlang, mapang-abuso, mapanira at mga tiwaling opisyal at kawani ng nasabing ahensya.
Naniniwala naman si Almar Danguilan, pangulo ng Quezon City Police District Press Corps, na isang pagsubok lang ang nangyari kay Antiporda na lalong magpapatibay at magbibigay sa kanya ng lakas para harapin ang mga bagong hamon sa buhay bilang opisyal ng pamahalaan na naghahangad ng malinis na gobyerno.
Mariin namang tinutulan ng Pamamarisan-Rizal Press Corps sa pamumuno ni Neil Adrales Alcober ang umano’y pagtatangkang patahimikin si Antiporda sa kanyang kampanya para malinis ang NIA sa mga korap na opisyal at empleyado.
Ganito rin halos ang nilalaman ng letter of support ng Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela Press Corps sa pamumuno ni Arlie Calalo; Central Luzon Media Association sa pangunguna ni Carmela Reyes-Estrope; Quezon City Press Club Inc., na pinamumunuan ni Rio Araja; Southern Metro Manila Press Club, Inc. sa pamumuno ni Celestino ‘Jojo’ Sicat; NCRPO Press Association na pinamumunuan ni Lea Botones; NCRPO Press Club ni Lily Reyes; Airport Press Club ni Ariel Fernandez at Press Photographers of the Philippines na pinamumunuan ni Roy Domingo.
Nagkakaisa rin ang mga ito sa panawagan sa mga kinauukuhan na halukayin at imbestigahan ang mga katiwalian at korapsyon sa NIA pati ang mabilis na paglalabas ng Ombudsman ng hatol habang inupuan lang ang nauna pang reklamong inihain ni Antiporda laban sa mga nagreklamo ring opisyal.
Una nang binatikos ng NPC ang Ombudsman na sa kabila ng mabilisang aksyon sa reklamo laban kay Antiporda ay hindi naman umaksyon sa kanyang reklamo laban sa 2 mataas na opisyal ng NIA dahil sa korapsyon at katiwalian.
Diin pa ni NPC President Lydia Bueno, nagsilbi si Antiporda bilang ehemplo ng malinis at tapat na paglilingkod sa kanyang tungkulin bilang pangulo ng NPC at lingkod-bayan.
Pagtalaga sa ex-Ilocos mayor, ‘fake news’
Samantala, mismong si ex-Piddig, Ilocos Norte mayor, Engr. Edwardo ‘Eddie’ Guillen, ang nagkumpirma na ‘fake news’ ang umiikot na mga balita sa social media na itinalaga na siya bilang kapalit ni Antiporda sa NIA.
Sa FB account ni Lito Dumapal Dungca ng DZCV Cagayan, itinanggi ni Guillen ang nasabing “balita.”
“Correction lang, hindi pa po ako NIA administrator,” paglilinaw ni Guillen sa nasabing pahayag. Si Guillen ay naging tagapagsalita sa isang pagtitipon sa Baguio City noong Huwebes, Nobyembre 24, 2022.
“Pero kinausap na tayo ng ating Presidente (Bongbong Marcos) na tumulong sa NIA…pumayag naman ako. Hihintayin po natin ‘yung ating formal appointment,” dagdag pa ni Guillen na kasama ni Antporda sa NIA Board.
Ang tinuran ni Guillen ay hindi naman nagustuhan ng mga empleyado ng NIA. Anila, sa halip na suportahan si Antiporda bilang administrator, hayagang ipinapakita ni Guillen ang kanyang interes sa posisyon gamit ang kanyang pagiging “kababayan” ni PBBM.