‘Raket’ ni Cong. sa DPWH bidding ibinuking
‘Legit contractors’ handang tumulong kay Bonoan
NAKAHANDANG makipagtulungan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang ilang ‘legit contractors’ sa bansa matapos ibulgar kay Secretary Manuel Bonoan ang ginagawa umanong maniobra at pandaraya sa bidding ng mga proyekto ng isang kongresista sa kanyang distrito sa Bicol region.
Sa 2-pahinang ‘open letter’ na ipinadala kay Bonoan nitong Lunes, Nobyembre 28, 2022, pumalag ang hindi nagpakilalang mga contractors sa mga pahayag ng mambabatas sa panahon ng kumpirmasyon ni Bonoan sa Commission on Appointments (CA) kung saan binatikos at inakusahan nito ang 9 na DPWH na “nanggugulo” lang sa mga bidding.
Nais din ng mambabatas na ilagay ni Bonoan sa blacklist ang nasabing grupo.
Miyembro ng CA ang kongresista ng Bicol na minsan na rin sinuspinde ng Ombudsman dahil sa katiwalian habang nakapasa naman sa CA si Bonoan sa pagdinig nito noong Nobyembre 22, 2022.
Anang grupo, ang mga bintang ng Bicol solon ay upang itago ang katotohanan na ito ang nagmamaniobra sa mga public works projects sa kanyang lugar kung saan mayroon na itong mga ‘taker contractors’ na una nang nagbigay sa kanya ng ‘SOP’ na 25 porsiyento bago pa man masimulan ang ano mang bidding.
Taliwas umano ito sa polisiya ng kanilang grupo na agarang ibaba ng katumbas na 25 porsiyento ang kanilang alok pabor sa gobyerno. “Ayaw” umano ng mambabatas na manalo sila sa bidding dahil “mababawasan” ang SOP nito.
Sa laki umano ng tapyas para kay congressman, “dinadaya” na lang ng mga kontraktor ang kanilang trabaho katulad ng pagbabawas ng ‘sheet pile’ sa mga flood control projects.
“Kaya ang epekto, kapag nagkaroon ng baha, sira agad ang flood control project ng DPWH dahil sa laki ng SOP na kinuha ni Cong.,” ayon pa sa grupo.
Dumaranas din umano sila ng iba’t-ibang uri ng harassment at pagbabanta mula sa mga taker-contractors ng mambabatas sakaling tumanggi silang umatras na lang sa bidding. Tinatakot din umano silang “susunugin” ang kanilang heavy equipment sakali namang manalo sila at masimulan na ang proyekto.
Nagpahiwatig din ang mga sumulat kay Bonoan na kasabwat ng mambabatas ang Bids and Awards Committee (BAC) ng DPWH dahil sa pahirap na dinaranas ng mga kontraktor na hindi kasama sa grupo ng mambabatas.
Bago ang bidding, nagagawa umano ng grupo ng mambabatas na basahin ang mga ‘technical at financial description’ ng sino mang bidders kung saan agarang diskwalipikado ang mga bidding na lampas sa 2 porsiyento ang ‘discount’ na ibinigay sa pamahalaan.
Sa ilalim ng RA 9184, mahigpit ang pagbabawal ng pagbubukas ng ano mang bid documents bago pa masimulan ang bidding.
Sa huling bahagi ng kanilang liham, nagpahayag ang grupo kay Bonoan na bilang mga “biktima,” handa silang makipagtulungan upang maibulgar ang mga “iba’t-ibang klase” ng SOP na kinasasangkutan ng mga mambabatas at ang aktwal na nangyayari sa bidding ng DPWH.
“Kami po ang unang nagiging saksi at nakararanas ng kalupitan sa tuwing kami ay sasali (sa bidding).
“Tuwing magkakaroon ng bidding ay kami ang tunay na nabibiktima lagi,” himutok pa ng grupo.