“OO, iniidolo ko siya bata pa ako,… kahit hindi ko siya madalas na makasama dahil marami siyang pinagkakaabalahan at ginagawa, hinahangaan ko ang aking ama.”
At nauunawaan niya, sabi ni Sen. Jinggoy Ejercito Estrada, ang dating presidente and former Manila Mayor Joseph Ejercito ‘Erap’ Estrada.
Isa kasing “superstar actor” bukod sa abalang mayor ng San Juan noon ang kanyang ama noong lumalaki siya, sabi ni Jinggoy.
“He may not have been always there, but he was a good provider, he took care of all our needs,” paliwanag pa ni Jinggoy.
Ang kanyang ina, si dating senadora, Dra. Loi Ejercito ang gumanap noon bilang “nanay at tatay” pa ni Jinggoy at ng mga kapatid niya.
Pero minsan, sinorpresa siya ni Erap nang dalawin siya sa paaralan noong siya ay nasa grade school.
“It boosted my morale and our team won,” masayang paggunita ni Jinggoy, at ikinuwento ang marami pang pagkakataong ipinakita ni Erap kung gaano siya kagaling na ama sa kanilang magkakapatid.
Ayaw na ayaw ni Erap na mag-artista si Jinggoy at pabiro, sinabi nito sa kanya na hindi naman siya kasing guwapo ng ama.
Pero sa huli ay pumayag na rin kung makatapos ng kolehiyo at ito ay nangyari: nagtapos si Jinggoy ng Bachelor of Arts in Economics sa University of the Philippines.
Nag-artista at naging politiko na rin si Jinggoy at ngayon nanalo ulit na senador kaya ngayon niya lubos na nauunawaan ang pagiging abala ng kanyang ama noong kabataan niya.
Ama na rin siya ngayon, at kahit senador na, humingi pa rin siya ng payo kay dating presidenre, Erap Estrada.
Naalala niya ang babala sa kanya ni Erap noong una siyang manalong senador.
“Huwag mo akong ipahiya sa Senado,” sabi sa kanya ni Erap, at ngayon, isa sa maipagmamalaking senador ng bansa si Jinggoy.
“Ang lahat ng magandang nangyayari sa akin ay utang kong lahat kay President Erap … aking Idolo!”
***
Bakit kaya may mga kapatid tayo sa hanapbuhay na ang expertise yata ay manghamak, mangutya at manira? Sa halip na ituon ang pansin nila sa pagpapabuti at pagpapahusay ng kanilang talent sa media, ang inaasikaso nila ay i-down ang inyong abang lingkod.
Nakalulungkot ito, mga kasama. Kung totoo man po ang paninirang ito sa inyong lingkod. Inaamin ko hindi naman po tayo perpekto.
Pero nagsisikap naman po tayo na sa bawat labas ng kolum ko ay mabawasan ang pagkakamali, maging maayos ang paraan ng paghahanay at paglalahad ng aking mga opinyon at kuro-kuro.
Hindi po kapintasan ang kakulangan sa kaalaman. Pero mas malaking kapintasan ay yaong mga tao na ang nakikita lamang ay ang pagkakamali — kung mayroon man — ng kanyang kapwa at ituring naman ang sarili na walang pagkakamali at madalas ay ipinagmapuri pa ang sarili.
Isang uri ng sakit ito: Inggit o kaya naman ay mala-narcissus na pagmamahal sa sarili na ang iniisip ay siya ang “pinakamagaling” sa lahat.
Mapanganib ang mga ganitong tao. Ang tawag sa kanila ay ano ba sa English? Sge, kayo na po ang magbigay ng katapat o katumbas na salita nito sa English… baka kasi tayo’y nagkamali, hehehe.
Eh, ano naman ang madalas na ginagawa ng mga kritiko natin? Lantad at alam naman ng mga kapatid natin sa media ang kanilang modus operandi ng ilang mamamahayag. Ginagamit nila ang kanilang pagiging media upang ipambraso, makapang-raket o maka-delihensya ng pera para sa kanilang kapakinabangan.
Masakit sabihin na sila ay mga kakutsaba ng ilang nasa gawaing iligal.
Hindi po tayo katulad ng iba riyan — hindi po lahat, ha? — na ginagamit ang kanilang pagiging media upang ipantakot sa mga opisyal ng pamahalaan at makahingi ng malaking halaga ng salapi.
Kapag may hinihingi na pabor at hindi napagbigyan, binabanatan ang kanilang “Kaaway” at ayaw makisamang opisyal sa kanilang nais mangyari… wow, ibang klase, di po ba?
Ang tingin nila sa sarili: kami ay mga agilang mandaragit.
At ang kolumnistang ito ay sisiw. Opo, inaamin ng inyong lingkod, tayo ay isang sisiw lamang sa larangan ng pamamahayag at sisiw sa kung ang magiging batayan ay ang husay nila sa paggamit ng media para sa pansarili lamang nilang pakinabang.
Ngunit tandaan din naman… naging sisiw rin naman ang agila.
Huwag namang hamakin ang isang sisiw. Lahat naman ay nagsimula sa pagiging isang sisiw.
***
Bakit po natin ito isinusulat? Masyado na pong hinahamak ang ating pagkatao. Wala na ba tayong lugar sa mundo nila at ang nais nila, “solohin” at sila lang ang kilalaning anak ng Diyos?
Tayo ay nasa isang bansang demokratiko at ang lahat ay may karapatan na ipursige ang nais niya — sa mabuting paraan at maayos na gawain, tulad ng pinagsisikapang gawin ng inyong lingkod.
Hindi po kayo lamang ang anak ng Diyos.
Kahit langgam o sisiw ay nilalang din ng Maykapal at may karapatan sa isinasabog niyang biyaya.
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).