Banner Before Header

Dapat talaga na ‘untainted blood’

0 223
DAPAT umanong “mag-ingat” ang Palasyo ng Malakanyang, si Department of Finance Secretary Ben Diokno at ‘Housing Czar’ Jose ‘Jerry’ Acuzar, sa pagkonsidera sa aplikasyon ni ex-Home Guaranty Corporation (HGC) president, Manuel Sanchez, bilang bagong pangulo at CEO ng ‘Philippine Guaranty Corporation’ (Philguarantee) na hawak ngayon ng respetadong ‘international development banker’ na si Alfredo Pascual.

Noong isang araw kasi ay may nabasa tayong artikulo kung saan “nagbabala” ang sumulat hinggil dito sa naging rekord ni Sanchez noong siya pa ang “nagtitimon” sa HGC sa ilalim ng administrasyon ni Noynoy Aquino.

At dahil “naintriga” tayo, “ginalugad” natin ang Internet kung saan nalaman natin na noong 2014, apat na taon matapos siyang ipuwesto ni Noynoy sa HGC noong Setyembre 2010, “kinaladkad” pala nitong ating pumanaw na kaibigan, si Atty. Alan Paguia, sa Ombudsman itong si Sanchez at ang kanyang pinalitan na si Gonzalo Bongolan.

Ang bintang ni Paguia (sumalangit nawa): “Pandarambong” (plunder) at korapsyon sa panunungkulan laban dito kay Sanchez at Bongolan sa kanilang termino sa HGC.

Noon lang nakaraang linggo, binanggit ni Bobi Tiglao sa kanyang column na itong si Sanchez ang “nag-aabugado” sa isang Chinese company sa Zambales na nagminina doon ng ating mga ‘nickel ore’ upang dalhin sa China.

Noon pang 2021, ipinapatigil na ng DENR ang operasyon ng nasabing kumpanya dahil lumalabas na “iligal” sa kawalan ng permiso (ECC) mula sa DENR, bagay na inamin err, kinumpirma nito sa inilabas pa nitong ‘1-page advertisement’ na nakita natin sa isang pahayagan.

Dati ring ‘Usec’ (undersecretary) sa DENR si Sanchez kaya dapat naman sigurong alam niya na “bawal,” as in, BAWAL sa kahit anong kumpanya na magpatuloy ng operasyon kung walang ECC mula sa DENR, dahilan para “magtaka” ang mga miron kung “bakit” ipinagtatanggol pa ito ni Sanchez?

Lumalabas din na ang kanyang asawa na ngayon pala ay nakapa-penetrate, ehek, nakapasok na sa Malakanyang ni PBBM, ang nasa likod ng palpak na desisyon ng Palasyo na kontrahin ang utos ng DENR at payagan ang Yinglong Steel na patuloy na magluwas ng mga nickel ore na kinuha nito sa Zambales (mabuti naman at binawi na ng Palasyo ang sablay nitong desisyon).

Aminin man o hindi, lumalabas na sa ilalim ni Sanchez, lalo pang nalubog sa bilyones na utang ang HGC na umabot na sa higit P12.771 bilyon noon pa lang 2011—isang taon pa lang sa termino ni Sanchez!

At dahil nga “nagkahetot-hetot” na, noong 2018, nagdesisyon si PDU30 na lusawin na lang ang HGC at ilipat ang operasyon nito sa bagong ‘Philippine Guarantee Corporation (Philguarantee). Kasama siyempre sa “nalusaw” ay ang puwesto ni Sanchez, aguy!

Nasa ilalim ngayon ng DOF ang Philgurantee bilang isang ‘attached agency’ kung saan mula sa “malufet” na pagkalugi sa ilalim ni Sanchez at administrasyong Noynoy, umabot na pala sa higit P241 bilyon ang ‘assets’ nito noong 2020; mula rin sa pagkalubog sa utang, noong 2021, kumita na ang Philgurantee ng higit P1.37 bilyon.

Bago ang pagkalusaw ng HGC, dati itong nasa ilalim ng HUDCC at kaya naman “tumitimbre” rin tayo kay Acuzar ay dahil sa posibilidad na “isa” siya sa “konsultahin” ng Palasyo kung “okay” ba sa kanya itong si Sanchez?

Para naman sa mga miron, kung ‘track record’ din lang ang pag-uusapan, eh, talagang may ‘history’ na itong si Sanchez, noon at kahit pa ngayon, tama ba, dear readers?

Dapat pa bang “pagbigyan” ang mga aplikanteng ganyan?

Tama ang rekomendasyon nang artikulong nabanggit natin sa itaas: Sa dami nang mga aplikante ngayon sa gobyerno, hindi ba puwedeng ‘untainted blood’ naman ang subukang makapaglingkod sa pamahalaan?

Abangan!

Leave A Reply