MISTULANG nakainom ng tig-isang litro na “kapeng barako” ang mga empleyado ng isang departamento ng gobyerno dahil nawala ang kanilang antok matapos silang masorpresa sa ginawang “pagtatalak” sa kanilang harapan ng kanilang “bosing” na isang matandang Cabinet Secretary.
Anang mga miron sa nangyaring eksena, hindi nila inaasahan ang ginawang “pagtataray” ni Sir dahil kilala itong malumanay magsalita dahil na rin sa edad nitong 73-anyos (ipinanganak noong 1950).
Nangyari ang “Talakan Blues” at “Self-Praise” event noong Lunes, Pebrero 6, 2023.
Sapantaha pa ng mga miron, may “hidwaan” sa ‘inner circle’ ni Cabinet Secretary dahil ang pinapatutsadahan nitong opisyal ay siya rin ang “nagdala” nang bumalik siya sa departamento matapos maitalaga sa puwesto ni PBBM.
‘Yes, dear readers, si Mr. Cabinet Official ay isa sa mga ‘comeback lolo, err, comeback kid,’ sa administrasyon ni PBBM na mas mainam sanang hinayaan na lang na maglaro ng mahjong (para naman malibang) kasama ang kanyang mga kaibigan o pamilya dahil sa kanyang katandaan.
‘Feeling insecure’ pa nga raw ang kanilang boss, sabi ng mga miron, dahil ibinibida pa sa kanila ang kanyang mga katangian at abilidad kaya nga kahit ‘granddaddy’ na ay pinabalik pa ni PBBM sa gobyerno.
Kung sabagay, hindi na rin bago sa kontrobersiya ang nasabing departamento dahil notoryus din naman ito sa katiwalian at paglustay ng pera para ipamahagi (kuno) sa mga nawalan ng trabaho kung saan ang ilang sinasabing nangyaring anomalya ay bumulaga sa ating lahat sa kasagsagan ng pandemya noong 2020.
Bagaman, naniniwala tayong maraming matitinong opisyal na gusto talagang maglingkod sa taumbayan sa departamentong ito.
Sa katunayan, dalawang mataas na opisyal na nito ang nagresign na lang sa kanilang puwesto dahil, anang isa sa kanila, “masyado nang toxic” ang sitwasyon matapos makabalik sa poder si Cabinet Secretary.
Aber, “suwerte” si Sir dahil “tahimik” na lang na umalis sa puwesto ang mga nasabing opisyal sa halip na magpunta sa media upang ibulgar ang mga nangyayaring kabalbalan sa ilalim ng pamumuno ni Mr. Secretary sa departamentong “napamahal” na rin naman sa kanila.
Isa umano sa mga hindi pa nabibistong kabulastugan nitong si Mr. Secretary ay ang talamak na “nepotismo” kung saan dalawa sa miyembro ng kanyang pamilya ay naipasok sa mataas na posisyon sa ilang mga GOCCs.
“Ibinalik” na rin umano sa departamento ang mga “matatagal” nang kaibigan at kainuman ni Mr. Secretary kaya asahang walang mangyayaring pagbabago sa departamentong ito na kritikal pa naman sa pagpapasigla ng ating ekonomiya.
Aww!