SA tulong ng partner-agencies, na kagaya ng Department of Justice (DOJ), ay puspusan ang ginagawang paglaban ng Bureau of Customs (BOC) sa mga nagpupuslit ng mga produktong agrikultura sa bansa.
Maliban sa pagkumpiska sa mga nasasakoteng kontrabando ay kaagad na naghahain ng mga kasong kriminal ang BOC sa DOJ, na pinamumunuan ni Secretary Boying Remulla, laban sa “unscrupulous importers.”
Nang umupong hepe ng ahensya si Commissioner Bievenido Y. Rubio noong Pebrero 13, 2023, ay nangako itong po-protektahan ang borders “from smuggling, particularly those involving agricultural products.”
Dahil dito ay pinalakpakan si Rubio, na tubong Batac, Ilocos Norte, ng mamamayan, lalo na ng mga magsasaka, mangingisda at ng kani-kanilang mga mahal sa buhay.
Talaga naman kasing nahihirapan na ang mga nagtatrabaho sa bukid dahil sa pagdagsa sa lokal na merkado ng mga puslit na bigas, mais, prutas, gulay, karne at isda.
Dito na naalarma ang gobyerno. At nag-utos nga si Pangulong Marcos, na taga-Ilocos Norte, isang agricultural province sa Northern Luzon, na paigtingin ang kampanya laban sa ismagling.
Kamakailan lang ay sinaksihan nina Commissioner Rubio at Assistant Secretary James Layug ng Departnent of Agriculture (DA) ang physical examination ng 58 containers.
Ang 58 containers, na nakaimbak sa Subic Bay New Container Terminal sa Zambales, ay naglalaman ng 30,000 sako ng misdeclarced na refined sugar.
“We strrongly condemn those unethical acts of fraudulent mporters as they endanger the health and safety of local consumers and negatively impact the livelihood of local farmers and businesses,” ayon kay Rubio.
Kaya noong Marso 8 ay nakipagpulong din si Commissioner Rubio kay Justice Secretary Remulla, na taga-Cavite, para pag-usapan ang binuong DOJ-BOC Task Force.
Ni-revisit din nina Remulla at Rubio ang ilang policies at circulars para maiwasan ang mga bottlenecks at ma-streamline ang communications at procedures “for case processing.”
“As we heighten our intelligence and enforcement measures to thwart smuggling attempts… we also ensure that those found guilty face the maximum lawful consequences they deserve,” ani Rubio.
Sinabi pa ni Commissioner Rubio na “highly successful” ang mga operasyon laban sa illicit goods dahil sa pagtutulugan ng iba’t ibang ahensya at opisina ng gobyerno.
Ito ang BOC, DOJ, DA, Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP). Armed Forces of the Philippines (AFP), National Bureau of Investigation (NBI) at local government units.
Sa tingin ng maraming sektor, kasama na ang mga ordinaryong mamamayan, ay talagang hindi kaya ng iisa, dadalawa o tatatlong opisina na puksain ang ismagling sa bansa.
Mayayaman at ma-impluwensya ang mga taong sangkot sa “outright at technical” smuggling sa bansa.
Kasama na diyan ang mga iligal na nagpaparating ng mga produktong agrikultura. Sila ang nagpapahirap sa mga magsasaka at mangingisda natin sa kanayunan.
Pero dahil si Pangulong Marcos na mismo ang namumuno sa anti-smuggling campaign ay siguradong may kalalagyan ang mga ismagler.
Kasama na ang mga “ninong” at “ninang” nila in government uniform, ayon sa ilang waterfront observers.
Tiyak ‘yon!
***
Nakalulungkot naman ang balitang nasa 700,000 Pilipino ang nagkakasakit ng tuberculosis (TB) taon-taon.
Ayon sa ulat, naka-apekto sa anti-TB campaign ng gobyerno ang dalawang taong COVID-19 pandemic.
Sa totoo lang, dahil sa tindi ng pandemya, ang buong atensyon ng gobyerno ay itinuon sa pagbaka sa coronavirus disease na pumatay ng milyun-milyong tao sa buong daigdig.
Napabayaan ang ibang health programs ng gobyerno, kagaya ng pagbaka sa TB.
Hindi nabigyan ng medikal na atensyon ang mga maysakit ng TB sa ibat-ibang parte ng bansa na ikinalungkot ng marami nating kababayan, lalo na ng mga mahihirap.
Mabuti na lang at na-kontrol natin ang paglaganap ng COVID-19 na pinaniniwalaang nagmula sa bansang China.
Kaya noong nakaraang taon ay nanumbalik ang sigla ng kampanya laban sa tuberculosis, isang highly-contagious na sakit na kinatatakutan hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.
Hindi kagaya ng cancer at ibang sakit, ang TB ay madaling gamutin. Puwede nga na sa bahay na lang ang gamutan.
Ang mahalaga ay sumunod sa lahat ng ibinibilin ng mga doktor para tuluyang gumaling ang mga may TB.
Tama ba kami, Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire?
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/ Email:Tingnannatin08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).