Banner Before Header

Operasyon ng LTMS, pinasususpinde ng NPTC

0 133
NAPABALITA kamakailan ang gagawing pagsasampa ng kaso sa korte ng mga organisadong transport group sa bansa para pigilan ang operasyon ng Land Transportation Management System (LTMS) ang online portal ng Land Transportation Office (LTO).

Base sa reklamo ng grupo, dagdag pasakit lang sa mga stakeholder at magdudulot lamang umano ng korapsiyon ang hakbang na ito ng LTO sa halip na pagluluwag sa sistema ng vehicle registration at renewal ng driver’s license.

Ayon kay Ariel Lim, president at national convener ng National Public Transport Coalition (NPTC), nagpadala na sila ng demand letter sa LTO na copy furnished ang Office of the President, Senado at Kamara para suspendihin ang operasyon ng LTMS.

“We will file a case against the LTO this month. We will ask for the issuance of an injunction against the LTMS,” naunang sinabi ni Lim kaugnay sa ginawa nilang aksyon laban sa LTO.

Naniniwala ang lider ng NPTC na ang implementasyon ng LTMS ay nagdulot lamang ng mas maraming problema sa public transport operators at drivers lalo na sa mga walang kaalaman sa technical o paggamit ng computer na mga tsuper at operator.

Alinsunod kasi sa proseso sa ilalim ng LTMS para makapag-apply online ng mga kailangan sa LTO ay kailangan pa umanong gumastos ang mga driver at operator ng dagdag P100-P200 sa mga taga- LTO o fixer para gumawa ng kanilang account at magrehistro online.

Ibig sabihin hindi serbisyo sa publiko ang hangad ng LTMS kundi para kumita.

Mukhang may punto ang transport group dahil base sa usapan, ang pagbabayad sa mga transaksiyon sa LTMS ay magagawa lamang sa pamamagitan ng Pay Maya na may dagdag charges sa mga driver at operator na P75 bilang service fee.

Dapat makita ng OP o mismong ni PBBM, Senado at Kamara ang negatibong epekto ng programang ito ng LTO.

Lalo lamang nitong kinukunsinti ang korapsiyon imbes na mawalis dahil sa diretsahang proseso ng aplikasyon sa LTO at hindi na dumadaan pa sa mga portal na halata namang sasahod lang mula sa pinaghirapan ng mga motorista.

***

Tama lang ang ginagawa ng Bureau of Customs (BOC) na pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa mga pinagsususpetsahang sangkot sa iligal na pagpasok ng mga produkto sa bansa.

Sa tingin nga ng marami, kasama na ang mga ordinaryong tao, hindi matitigil ang ismagling, lalo na ang illegal drugs at produktong agrikultura, kung walang mapaparusahang ismagler.

Hindi sapat ang pagkumpiska lang sa mga kontrabando.

Ang kailangan ay mabulok sa kulungan ang mga taong mapapatunayang lumalabag sa ating mga customs laws, rules, and regulations.

Kaya nga umani ng papuri ang BOC, na pinamumunuan ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio, dahil sa pagsasampa ng 65 criminal complaints laban sa mga pinagsususpetsahang ismagler.

Karamihan sa mga kaso (49), na isinampa sa Department of Justice (DOJ), ay may kinalaman sa ismagling ng mga produktong agrilkultura, ayon sa isang BOC press statement.

Ang remaining cases ay involved ang fuel/oil products, pagkain, sigarilyo, general merchandise at used clothing o ukay-ukay.

Sinabi ni Rubio, na anak ng Batac, Ilocos Norte kagaya ni dating AFP Chief of Staff at Senador Rodolfo “Pong” Biazon, na ang pagsasampa ng 65 complaints “is a strong message to smugglers.”

Dagdag pa ni Commissioner Rubio, ang mga illegal activities ng mga ismagler “will not be tolerated.”

“We will not hesitate to take legal actions against those who will seek to violate our laws and jeopardize the welfare of our nation,” ipinangako pa ng top honcho ng ahensya.

Ang anak pala ni Senador Biazon, na produkto ng elite Philippine Military Academy, na si Ruffy ay nagsilbi din sa “snake-infested waterfront”  bilang customs chief.

***

Kamakailan ay isang warehouse sa Guiguinto, Bulacan ang pansamantalang sinaraduhan ng mga taga-Bureau of Customs (BOC) at Philippine National Police (PNP).

Nakita kasi dito ang “stash of alleged smuggled Smart Televisions and computer system units” nang inspeksyunin nila itong bodega.

Bago nito ay nakatanggap ang BOC ng derogatory information tungkol sa nasabing bodega – ang ECOM Electronics Reconditioning Services na nasa Guiguinto, Bulacan.

Agad namang nagpalabas ng Letter of Authority (LOA) si Commissioner Bienvenido Y. Rubio para inspeksyunin ang warehouse.

Ang nagsagawa ng inspection ay isang composite team ng personnel mula sa CIIS-Port of Manila, CIDG-PNP, ESS-POM, Legal Service, FED-POM, Legal Service at RCMG.

Nakita pa sa nasabing bodega ang mga makinang ginagamit sa lamination, mga kahong gamit sa packaging at raw materials para sa reconditioning at repair.

Ang iba’t bang electronic products ay nagkakahalaga ng mahigit na P20 milyon.

Inutusan ng BOC ang may-ari ng nasabing warehouse na magpakita ng mga importation documents o proof of payment of taxes ng mga produktong nakita sa bodega.

Kung walang maipakitang  dokumento ay isa-subject sa seizure and forfeiture proceedings ang mga produkto dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act.

Tama ‘yan para matigil ang mga iligal na aktibidad ng nga tiwaling negosyante.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).

Leave A Reply