Banner Before Header

Rep. Elago, et. al., “kinaladkad” sa Korte Suprema

'Writ of Habeas Corpus' at 'Writ of Amparo' hiniling na pagbigyan ng korte

0 836
NAGPASAKLOLO na sa Korte Suprema ang isang ina matapos ang patuloy na pagtanggi ni Kabataan party-list representative, Sarah Elago at mga kasamahan nito sa “progresibong kilusan” na ilabas ang kanyang dalagitang anak.

Sa tulong ng kilalang abugado na si Atty. Ferdinand Topacio at ng ‘League of Parents of the Philippines,’ naghain ng ‘Writ of Habeas Corpus’ at ‘Writ of Amparo’ sa SC si Mrs. Relisa Lucena, ina ni Alicia Jasper (AJ) noong Mayo 8, 2020.

Sa petisyon, hiniling ni Lucena na utusan ng SC si Elago at ang mga lider ng ‘Anakbayan’ sa pangunguna ni Alex Danday, chairman, na ilabas na si AJ.

Edad 16-anyos si AJ na estudyante sa Far Eastern University sa Maynila, nang ‘ma-recruit’ ng Anakbayan noong 2018.

Sumunod na taon ay makailang beses na umalis ng kanilang bahay si AJ upang lumahok sa mga aktibidades ng Anakbayan na sinasabi naman ng Sandatahang Lakas (AFP) na isa sa mga ‘front organization’ ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Huling nakita ni Lucena—subalit hindi niya nakasama—si AJ nang iprisinta ang dalagita sa publiko ng mga maka-kaliwang grupo at ng Commission on Human Rights (CHR) sa isang ‘press conference’ noong Agosto 2019.

Bago ang paghahain ng petisyon, sinabi ni Lucena sa mga panayam ng media na makailang beses na siyang “nakiusap” sa mga kasamahan ni AJ na “ibalik” na siya sa kanyang pamilya subalit hindi ito pinansin ng grupo ni Elago.

Ang ‘writ of habeas corpus’ ay isang kautusan mula sa korte na nag-aatas sa mga awtoridad na katulad ni Elago na “ilabas” at iharap sa korte ang isang tao na tinutukoy ng petisyon.

Sa kabilang panig, ang writ of amparo isa pa ring pamamaraan upang matiyak ng korte na hindi nalalabag ang seguridad, buhay at mga karapatan ng isang tao na tinutukoy sa petisyon.

Sa panig naman ng Anakbayan, sinabi nito sa korte sa inahin nitong sagot noong Mayo 30 na “hindi nawawala” si AJ, bagaman wala rin silang inilabas na patunay hinggil dito.

Tinangka rin ng grupo na ilihis ang usapin sa pagsasabing ang petisyon ng pamilya Lucena ay “pakana” lamang ng ‘National Task Force to End Local Communist Armed Conflict’ (NTF-ELCAC) na hindi naman partido sa petisyon.

Ang NTF-ELCAC ay binuo ni Pang. Duterte bilang mekanismo para sa ‘Whole of Nation approach’ sa paglaban sa mga komunista.

Si Lucena ay aktibo ngayon bilang isa sa mga lider ng LPP at ng ‘Hands Off Our Children’

Ang mga ito ay samahan ng mga magulang na ang mga anak ay nahikayat umanib sa mga grupong katulad ng Anakbayan, ‘League of Filipino Students’ (LFS), ‘College Editors’ Guild of the Philippines‘ (CEGP) at iba pang mga “progresibo” at mga “makabayan” na mga organisasyon.

Batay sa datos ng AFP at NTF-ELCAC, sa kalaunan ay humantong sa pagiging mga kasapi ng ‘New People’s Army (NPA) ang mga nahikayat ng mga nasabing organisasyon.

Karamihan din sa kanila, na pawang mga dating estudyante, ay “umuwing patay” sa kanilang mga tahanan matapos mapaslang sa engkuwentro sa mga pulis at sundalo.

Mula sa pagiging aktibista, anang AFP, ang mga ‘na-recruit’ ay humantong sa pagiging mga armadong terorista.

Ang NPA ang armadong puwersa ng CPP at nakalista bilang ‘terrorist organization’ sa Estados Unidos, Europa at sa Pilipinas.

Leave A Reply