DUMARAMI na ang kumukwestyon sa liderato ng Department of Transportation (DOTr) sa pamumuno ni Secretary Jaime Jimenez Bautista dahil sa palpak na serbisyo at hindi matigil na alingasngas ng katiwalian sa hanay ng kanyang mga opisyal at maging sa mga kinuha niyang ‘consultants’ sa loob ng kanyang tanggapan.
Sa pinakahuling insidente ng kapalpakan, muling naputulan ng suplay ng kuryente ang buong NAIA Terminal 3 nitong Lunes, Labor Day, dahilan upang muling makasenla ang ilang operasyon nito kasama na ang ‘inbound’ at ‘outbound flights’ at muling pagka-stranded’ ng libo-libong pasahero.
Sa isang pahayag, iritableng kinastigo ni Sen. Jinggoy Estrada ang pamunuan ng NAIA at DOTr dahil hindi na umano “natuto” ang mga ito sa unang insidente ng power failure sa NAIA noong Bagong Taon kung saan libo-libong pasahero at daan-daang biyahe ng mga eroplano ang nakansela.
“Hindi pa ba tayo nadala? To the concerned aviation and transportation officials, have you had not enough yet,” ani Jinggoy.
Pinansin pa ng mambabatas na sa imbestigasyon ng Senado sa power failure sa NAIA noong Bagong Taon, nagbigay na ng rekomendasyon ang mga mambabatas upang hindi na maulit ang insidente sa ilalim ng Senate Committee Report 39 subalit malinaw aniya na walang ipinatupad sa mga ito ang liderato ni Bautista.
Sa isa namang ‘White Paper’ na kumakalat ngayon sa Internet at social media hinggil sa estado ng DOTr sa ilalim ni Bautista, idinetalye ang mga kapalpakan ng departamento mula sa nangyaring brownout sa NAIA hanggang sa sumasamang operasyon ng MRT, LRT at kahit ng PNR, dahilan upang maperwisyo ang libo-libong pasahero.
Kinastigo rin si Bautista sa umano’y “pagkunsinti” nito sa mga miyembro ng kanyang sariling ‘Advisory Council’ na hayagan umanong nakikiaalam sa operasyon ng mga ‘line agencies’ katulad ng Land Transportation Office (LTO) at Land Registration and Franchising Regulatory Board (LTFRB), dalawang ahensiya ng DOTr na notoryus sa anomalya at katiwalian.
Ayon pa sa nasabing ulat, isang retiradong ‘police general’ ang hayagan umanong nag-uutos sa mga opisyal ng LTO at LTFRB na gumawa ng mga proyekto na puwede nilang pagkakitaan ni Bautista.
May mga ulat din umano na sa halip na sa kanyang tanggapan, nakita si Bautista na nakikipag-usap sa mga may transaksyon sa kanyang opisina sa isang kilalang golf course sa Metro Manila.
Binatikos din si Bautista dahil mistula umano itong “sunod-sunuran” sa isa niyang undersecretary na may bahid din ng katiwalian sa iniwang puwesto sa isang‘government financial institution.’
Nakapagtataka umano ang malapit na relasyon ni Bautista sa kanyang diputado kahit alam umano ng kalihim ang masamang rekord nito kung saan nasampahan pa ito ng kasong katiwalian sa Ombudsman.
Batay pa rin sa ulat, kinukinsinti umano ng kalihim ang mga ginagawa ng kanyang undersecretary katulad ng pagiging “abogado” sa mga may transaksyon sa kanilang tanggapan at sa mga line agencies ng DOTr.
Kabilang sa akusasyon laban sa umano’y ‘favorite official’ ni Bautista ay ang pagsisinungaling sa nilalaman ng kanyang ‘SALN’ (statement of assets, liabilities, and net worth) kung saan hindi isinama ang ilang mga ari-arian katulad ng mga bagong bili nitong mga ‘SUVs.’
“Itinatago” rin umano ng nasabing DOTr exec ang bago niyang bahay sa isang eklusibong subdivision sa Quezon City na inilagay sa pangalan ng kanyang asawa noong dalaga pa ito.