HANGGANG ngayon dear readers ay patuloy ang harassment, pagtataboy sa ating mga mangingisdang Pilipino na ginagawa ng mangingisdang Chinese sa dati nang pangisdaan natin noon pa man sa teritoryo ng karagatan sa West Philippine Sea (WPS).
Eh, mukhang hindi kumikilos ang ating pamahalaan sa ginagawang ito ng mangingisdang Chinese.
Kailan tayo kikilos ang laging tanong ni Philippine Maritime Law Expert Prof. Jay Batongbacal sa ginagawang pag-angkin ng China sa teritoryo natin sa WPS, kung wala na at ang kamay ay nakagapos?
Nagagawa ito dahil lagi na, kasama ang mga barkong Chinese at patrulya ng Chinese Coast Guard sa ating karagatan — na patunay na ang pagkakaibigang alok ng China sa atin ay ano pa nga ba?
Paimbabaw, panlilinlang, sabi nga, iba ang buka ng bibig, sa galaw ng kamay.
Kaya nga sa tuwina pag iniinterbyu si Prof. Batongbacal ng media ang kanyang sinasabi ay dapat ang kalayaan ay lagi nang iginigiit, ipinaglalaban at ipinagtatanggol.
“Kung tahimik ka lang dahil takot ka ay hindi ka independent. Takot ka,” sabi ni Prof. Batongbacal.
Pero ang laban natin sa lakas militar at nabal ng China: tiyak ang ating pagkatalo, kasi mahina tayo, kasi wala tayong ikakaya kung sakaling magkagiyera — na sana ay hindi mangyari.
Di ba laging sinasabi ni Prof. Bataniogbacal , kahit ano ang mangyari, kahit pa tagilid sa labanan, hindi dapat isuko at hindi dapat na ibigay na lamang ang ating karagatan sa WPS, at hindi dapat itigil ang paggiit sa ating soberanya.
“Despite all the challenges, despite the disparity in power … “Never give up, never surrender,” sabi nga palagi ni Bationgbacal.
Mali nga naman dear readers ang sabihing madalas ng iba na wala tayong magagawa.
“Wala tayong magagawa. Eh, gigiyerahin na nga tayo still ang sinasabi ng ibang ewan ay wala tayong magagawa sa lakas ng China, ano ba yan?
Nasa atin ang ganap, atin at walang pingas na karapatan sa teritoryo sa WPS,
Noong Hulyo 14, 2021, sa makasaysayang pagdiriwang sa ating panalo sa award na ibinigay ng Permanent Court of Arbitration (PCA) under the United Nations Covention on Law of the Sea (UNCLOS) ay ipinaliwanag pa nga dati pa ni Prof. Bationgbacal na tayo, atin, tanging Pilipinas lamang ang may likas na angking karapatan at soberaniya sa WPS.
Pilipinas lamang, hindi China, hindi ang iba pang bansa ang may hawak na karapatan, kapangyarihan sa nasasakop na mahigit na 200 nautical miles exclusive economic zone (EEZ) sa karagatan ng WPS.
Noon pa man ang Pilipinas ay kumikilos at gumagalaw sa karagatan nang ayon sa desisyon ng award ng PCA.
Pero ang China — sa kabila ng hindi na mabilang na protest letter — ay hindi natitinag sa pagkilos na angkinin ang sadyang atin noon pa man.
Kundi ito pambabraso, ano ang matatawag sa ginagawa ng China tulad ng harassment at patuloy na pagpapalakas sa itinayo nitong base militar sa nabal sa mga isla sa Spratleys.
Wag na natin asahan pa na susunod ang China sa award ng PCA, piryud.
Tama ang ikinikilos ng butihing Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ngayon sa paraang naiisip upang igiit ang ating karapatan sa mga isla at teritoryo sa WPS.
Kung hindi kaibigan ang China, ano ang dapat na gawin?
Hindi tayo dapat natatakot, di po ba dear readers?
Umaasa tayo, bukod sa diplomasya ay may iba pang paraan na maaaring gawin ang sambayanang Pilipino laban sa sigalot sa WPS.
Sa mga susunod na araw, lilinaw kung ang takot ay maging tapang sa paggiit sa ating karapatan bilang isang malaya, nagsasariling bansa.
Atin laging tandaan mga masugid nating tagasubaybay na ang kakambal ng takot ang pagkabusabos!
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).