PINALAYA ng isang huwes sa Indiana, USA, ang isang 32-anyos na ginang na inaresto matapos patayin ang kanyang 2-buwan na sanggol habang lango ito sa shabu (methamphetamine hydrochloride).
Sa Telegram Channel post noong Abril 20, 2024, ni Seymour Hersch—ang independent journalist na nagbisto sa ginawang pagbomba ng Estados Unidos sa Nord Stream gas pipelines noong 2022— ibinahagi nito ang kumalat sa social media sa Estados Unidos, partikular sa “X” (dating Twitter) at One America News Network (OANN) kung saan pinalaya ni Judge Mark Stoner ang akusadong si Dacia Lacey matapos umanong mabigo ang prosekusyon na patunayang ‘guilty’ sa kapabayaan si Lacey kaya namatay ang anak nito (‘not guilty of neglect resulting to death’).
Una nang inamin ni Lacey na tinakpan niya ng unan ang mukha ng kanyang 2-buwan na anak upang tumahimik ito sa pag-iyak at makatulog naman siya. Aminado rin si Lacey na isa siyang adik sa shabu at “bangag” nang mangyari ang insidente.
Ayon naman kay Judge Stoner, nangyari ang insidente dahil isang “masamang magulang” (‘bad parent’) si Lacey.
Sa kabila nito, sinisi naman ni judge ang prosekusyon matapos mabigong patunayan na “sinadya” ni Lacey na patayin ang sanggol.
Batay pa rin sa mga ulat, matagal nang may panawagan ang mga pulis sa Indianapolis upang sibakin na sa pagiging huwes si Judge Stoner dahil sa mga kontrobersiyal nitong hatol.
Ayon sa Retired Police Officers Association ng Indiana, dapat nang umalis o sibakin si Stoner sa puwesto nito.
Una nang binatikos ng samahan si Stoner matapos nitong palayain ang isang may kapansanan sa pag-iisip na nakapatay ng pulis. Ayon kay Stoner, hindi na dapat ikulong ang suspek dahil ‘time served’ na ang kanyang kustodiya sa ilalim ng pulisya.
Comments are closed.