TAMA. Mabuti naman at inaamin mo na, Mayora Honey Lacuna, na kung ngayong Enero ang eleksyon, si ex-Mayor Isko Moreno ang mananalo sa karera ninyo sa Manila Cityhall.
Ilang survey na — Social Weather Station (SWS), Pulse Asia, OCTA Research, at iba pang survey firms at kahit ang survey na ginawa sa mga opisyal at kawani ng Manila City government– si Isko pa rin ang itinitibok ng kanilang puso.
At ikaw po, Mayora Honey, mismo sa iyong bibig ay sinabi mo, you are not surprised kung matabunan ka ng bulto-bultong balota na ang pangalan at numerong nakasulat na ibinotong alkalde sa Mayo 13, ay si Yorme Isko.
Aminin mo ito, kasi noong Oktubre at Nobyembre 2024, muli kang natabunan ng nakasisindak na laki ng lamang sa survey ni Yorme.
Pinakamalaking kubra ng tiwala kay Yorme Isko ay noong isang taon, sabi ng OCTA Research polling data, na nagrehistro si Isko ng 86 percent, kumpara sa nakubrang 8 percent ni Lacuna.
Eto ang lumalatay sa balat na sabi ni CJ Hirro, a Filipino writer and news presenter nang kanyang isalang sa timbangan ang bigat o gaan ng mga botong makukuha ninyo sa eleksiyon sa Myo 13. 2025.
Sa ini-release noon ng Peanut Gallery Media Network (PGMN), pinansin ang bigat ng nakamamanghang tiwala ng mga botante sa pagbabalik ni Yorme sa Cityhall.
Hindi kasi mabubura, nakaukit sa puso ng mamamayang Manilenyo ang performance ni Isko sa lungsod na noong 2019-2022, sa panahon pa naman ng pandemyang COVID-19, nagawa ni Isko ang hindi nagawa ng ibang mayor at mga lokal na lider sa bansa.
Kaya noon ay kumalat sa social media at maging sa pahayagan, at radio-TV broadcast ang biro na kung pwede raw ipahiram muna si Isko na pansamantalang gawing mayor o gobernador ng mga residenteng taga-probinsiya.
Yung housing crisis sa Maynila na nasolusyonan ni Yorme, mga benepisyo para sa edukasyon ng mga Batang Manilenyo, ang mga programang pinakikinabangan ng mga seniors, solo parents, PWDs at iba pang sektor, pati ang kalinisan ng siyudad, nagmarka ito sa mga konkretong lansangan, at higit sa lahat, sa puso at isip ng lahat!
Hindi ito maitatanggi ni Mayora Honey na nagawa ni Isko pagkat noon, siya ang bise-alkalde ni Yorme Isko: kataksilan sa sarili niya kung lahat ito ay sasabihin niyang hindi totoo.
***
Narito nga pala ang resulta ng latest survey ng OCTA Research ngayong Enero 06, 2025.
Umukit si Yorme ng 74 porsiyento at ang pumapangalawa na si Sam Versoza ay nagrehistro lamang ng 15 porsiyento.
Kay Mayora, nakakaiyak naman kasi 9 porsiyento lang ang nakuha niya, eh siya ang nasa cityhall at hawak niya ang kabang-yaman na obvious ay nagagamit niya sa pagpapabango ng kanyang pangalan sa mamamayan at botante ng Maynila.
At kahit pagsamahin pa ang 2 porsiyento nang iba pang kandidato, kasama ang kay Verzosa at kay Lacuna, hindi makasasapat para matabunan ang lamang ni Isko.
Lalabas kasi na sa kabuuan 26 porsiyento lang ang pinagsamang suporta sa lahat ng mga kalaban ni Isko kumpara sa kanyang 74 suporta..
Kaya ang advise ko sa kanilang lahat, “itaas” na ang mga kamay, at ihagis na ang puting tuwalya at sabihin na, “We surrender. Suko na kami!”
Walang duda naman, landslide victory ito kay Yorme sa May 2025 at wala ni isang political expert ang magsasabi na may pag-asa pa si Mayora na manalo versus Yorme.
Base sa pagtantiya, ang 70 o 80 porsiyento nang may gusto kay Isko ay katumbas ng 600K hanggang 800K na boto!
Sino ang makalilimot sa nasaksihang malasakit ni Yorme sa Manilenyo? Sinabi rin niya noon:
“Kapag may utang na loob ka kasi, ako kasi tinatanaw ko ’yon panghabang buhay, yung bigat na pinagkakautangan mo ng utang na loob isang pamilya o yung isang mamamayan nagbigay sa’yo ng pagkakataon.
“Mahal ko ang mga taga Maynila, nung pandemic pagsara hindi ako umuwi. Three months ako nag stay sa city hall, hindi ko nakita yung pamilya ko. That’s how I loved Manila… the people of Manila to the point that it came at the expense of my family.”
May maipakikita bang ganitong rekord ang nagnanais na talunin si Isko Moreno?
May resibo ba silang maipakikita na ang sariling pera sa alkansiya ay ginagamit o nagamit nila para sa pangkalahatang kapakanan ng mamamayang Manilenyo?
Mula sa sariling lukbutan, mahigit sa P100-milyon ang ibinigay na donasyon ni Isko mula sa mga tinanggap na endorsement mula sa mga nagtiwalang kompanya.
Hindi biro ang P100-M na sana ay ginastos ni Yorme para sa sarili, pero ibinigay niya sa mga sinalanta ng bagyo, sa mga nasunugan at mga biktima ng sakuna at sakit.
Nakita ng Manilenyo at ng buong mamamayang Pilipino kung paano tinulungan ni Isko ang katulad niyang mahirap upang makaangat sa buhay at makapagmalaki na sabihin: Dahil kay Yorme, nakatayo kami, nakabangon, at ngayon, malakas at matatag ang kabuhayan naming!
Kaya patuloy ang sigaw, ‘Babalik na uli ang Ama ng Maynila at muli, matutupad ang pangakong pag-unlad.’
Manila will be great again.
Isko will be back to make Manilenyo happy again!
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).
Comments are closed.