MAY mga makabayang Filipino pa ba sa panahong ito?
Opo, meron pa naman. Marami pang makabayang Filipino, milyon-milyon sila na kahit hirap sa buhay, patuloy na nagtatrabaho, nagsusumikap na makamtam ang pangarap na mahango sa kamangmangan at kahirapan ang kanilang mga pamilya.
Marahil ang tamang tanong: May makabayan pa bang tao sa gobyerno o may makabayan bang oligarko na nagssasabing sila ay Filipino at mapagmahal sa mamamayang Filipino?
Kung mayroon man, mabibilang sa daliri sa isang kamay ang mga multi-bilyonaryong Filipino na sa halip na magkawanggawa, sila pa ang nagpapahirap sa mga naghihirap nating mga kababayan.
Ang nakalulungkot, may mga taong gobyerno na sumumpa na ipagtatanggol, tutulungan ang publikong kanila umanong “pinaglilingkuran,” pero kung magpakita man ng pagkamakabayan ay pakitang-tao, lalo na sa panahon ng halalan, at kung magbibigay ng tulong, mas ang atensiyon ay publisidad, at pagmamapuri sa sarili.
Tignan ang rekord ng mga kaso sa mga hukuman, sa Ombudsman at Sandiganbayan: Ang mga nasasakdal sa malalaking katiwalian, pandarambong, karumaldumal na krimen ay mga taong masasalapi, may malalaking impluwensiya, mga tanyag sa lipunan at mga opisyal o kawani ng pamahalaan.
Hindi sa paglaban sa gobyerno maipakikita ang pagkamakabayan, ito ay magagawa sa pagiging madisiplina at pagiging masunurin sa batas, at sa matiyagang pagtatrabaho para sa sariling kagalingan ng pamilya.
***
Korapsiyon: ito ay isa sa malaking problema sa maraming bansa, kabilang ang Pilipinas at hindi kulang, marami-rami na ring batas, mga kilusan at mga ‘taskforce’ na naitatag upang mabawasan ito, kungdi man mapuksa.
Maraming solusyon na inihahain upang labanan ang korapsiyon, pero parang kulang pa rin.
Ang nangyayari kasi, ang mga taong may tungkuling labanan ang korapsiyon ay kulang sa kakayahan at implementasyon o kaya ay kasabwat ng mga tiwali; wala ring kapangyarihan ang mamamayan na maging kalahok sa pagsusuri, pag-uusig at pagpaparusa sa mga korap.
May mungkahing baguhin ang sistema ng gobyerno, at gawin itong Federal at magkaroon ng ‘jury system’ kung saan ang taumbayan ang may kapangyarihang tumimbang sa mga impormasyon, ebidensiya at mga pahayag ng testigo upang mausig ang mga nasasakdal at magpanukala ng parusa sa kanila kung kailangan.
Sa maraming pagkakataon, nakatago, hindi bukas at malinaw sa publiko ang mga gawain ng gobyerno, lalo na sa pagsasapubliko ng mga impormasyon at mga desisyon at aksiyon ng mga halal at hinirang sa posisyon sa lokal at pambansang pamahalaan.
‘Transparency’ at mabilis na pagkuha, paghawak ng mga impormasyon, dokumento, ebidensiya laban sa mga tiwali, korap at mga mandarambong sa Pilipinas na mangyayari lang kung mayroon tayong ‘Freedom of Information Law’ (FOI). Malaking tulong ito upang mapigilan ang mga opisyal at kawani ng gobyerno sa paggawa ng mali at matiyak na sila ay maparurusahan.
Marami nang panukalang batas tungkol sa FOI pero sa mga nagdaan at kahit sa kasalukuyang Kongreso at Senado, hindi ito makapasa, bakit kaya?
Mabibigat na parusa ang kailangan laban sa korapsiyon; hindi lamang pagbawi sa ninakaw, pagkumpiska sa iba pang iligal na ari-arian, kundi kamatayan ang ipataw na parusa dahil sa pagtataksil sa tiwala ng taumbayan.
Matalas na pangil ng batas laban sa mga tiwali, at ang pagkakaloob ng kapangyarihan sa taumbayan –tulad ng jury system at ang ibang hakbang — ay magpapasigla at muling bubuhay sa naglalahong ugaling makabayan ng mga Filipino.
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).
Comments are closed.