Bagong prangkisa ng ABS-CBN, tagilid sa Kongreso
Kabayan partylist Rep. Ron Salo, binawi ang suporta para sa bagong prangkisa
WALANG katiyakan na muling mabibigyan ng prangkisa bilang ‘broadcast network’ ang ABS-CBN, batay sa paunang ‘canvass of votes’ ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sa talaan, nakakuha lang ng 25 boto pabor para sa bagong prangkisa ang kumpanya, kumpara sa 57 boto na umaayaw dito. Mayroon namang 10 ‘unsure votes’ o mga mambabatas na wala pang pinal na desisyon sa isyu.
Sakali mang pumabor pa rin sa ABS-CBN ang 10 mambabatas, hindi pa rin ito sapat upang makuha ang mayorya ng mga mambabatas.
Nabawasan pa ang suporta ng kumpanya ng mga Lopez sa Mababang Kapulungan matapos iatras ni Kabayan partylist representative, Rep. Ron Salo ang kanyang ‘sponsorship’ sa HB 6901, isa sa may 13 panukala para sa bagong prangkisa ng ABS-CBN.
Sa kanyang ‘social media post’ noong Lunes, Hulyo 6, 2020, sinabi ni Salo na binabawi na niya ang suporta sa ABS-CBN matapos itong mabigo na mapatunayang mali ang mga bintang dito ng pang-aabuso, hindi pagbabayad ng tamang buwis, paglabag sa mga batas at panuntunan sa paggawa at marami pang iba.
“My party-list group deems that ABS-CBN failed to successfully rebut the long list of alleged violations. And thus, this representation cannot anymore support the grant of a new franchise to ABS-CBN,” dagdag pa ng mambabatas.
Sa kabuuan, umabot sa 12 pagdinig ang naisagawa ng pinagsanib na komite ng House Legislative Franchise at Good Government and Public Accountability.
Bukas, Hulyo 9, 2020, huling magpupulong ang komite kung saan posible na ring isagawa ang pagboto ng mga kasapi nito.
Binubuo ang House Committee on Legislative Franchise ng 46 miyembro habang katulad na bilang din ang mga ‘ex-officio members’ na inaasahang lalahok sa pulong bukas.
Sakaling matuloy ang botohan at matalo ang ABS-CBN, wala nang mangyayaring ‘second and third reading,’ ayon sa panuntunan ng Kongreso.
Sakali namang manalo sa ‘committee level’ ang ABS-CBN, iaakyat sa plenaryo ng Kongreso ang resolusyon para sa ‘second reading’ kung saan inaasahan ang isang mainit na diskusyon ng mga mambabatas.
Pansin pa ng mga sumusubaybay sa mga pagdinig, hindi rin pumabor sa ABS-CBN ang panawagan ni House Speaker Alan Peter Cayetano na ‘conscience vote’ sa hanay ng mga mambabatas sa nasabing isyu.
Anila, ang posisyon ngayon ni Cayetano ay “pagbaligtad” sa una nitong pagpipilit na mabigyan ng kahit ‘provisional franchise’ ang ABS-CBN.