NANINIWALA si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isang “eksperto” sa agrikultura ang dapat niyang italaga bilang kapalit na kalihim sa Department of Agriculture (DA) kasunod ng kanyang pagdidiin na hindi siya magtatalaga ng isang opisyal ng military sa nasabing departamento.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag kasunod ng mga panawagan sa kanya na marapat na siyang magtalaga ng permanenteng kalihim sa DA na kasalukuyan din niyang pinamumunuan.
Nang tanungin ng mga mamamahayag kung ikinokonsidera niya na magtalaga sa DA ng isang retiradong pulis o militar, sinabi ni Marcos na ang kailangan ay isang eksperto sa agrikultura.
“Agriculture is a very complicated subject. Not just anyone who ‘s good at management,” pahayag ng Pangulo.
“They have to understand the science. They have to understand the solution. They also have to understand the system. So, it’s no. So, I don’t really think that it is the right place for a military man to go.”
Sinabi ng Pangulo na ibibigay niya ang DA sa isang karapat-dapat na mamuno matapos aniyang maisakatuparan niya ang lahat ng kanyang mga mithiin.
Nauna nang nanawagan si Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III kay Pangulong Marcos na magtalaga na ng isang permanenteng kalihim sa DA upang mas matutukan at makatulong sa mga pangunahing pangangailangan sa sektor ng agrikultura.