Editor’s Note: Ang may akda ay kasalukuyang ‘Vice President for Internal Affairs, Asian Century Philippines Strategic Studies,’ nagsilbing Press Attache sa Philippine Embassy, Washington DC, USA at 2021 Laureate (Major Award) ng Association to Promote Philippines China Understanding (APCU).
SA TOTOO lang, hindi kailanman inangkin ng Tsina ang ‘nine dash line’ bilang tanging batayan ng kanyang soberanya sa pinagtatalunang panig ng SCS/WPS.
Sa simula pa lamang, binibigyang diin ng Tsina na ang pag-aari nito hindi lang batay sa mga mapang nakalagay ang nine-dash line, kundi, sa kanyang karapatan na nakabatay sa kasaysayan (‘historic rights’).
At kahit ang Arbitral Award ay sumang-ayon dito sa Paragraph 272 na nagsasabi – “Sa partikular, binibigyang diin ng Tribunal na walang anumang bagay sa Award na ito ay dapat unawain na nagkomento sa anumang paraan sa makasaysayang pag-angkin ng Tsina sa mga isla ng South China Sea.”
Ipinaliwanag ito ni Carlyle Thayer, eksperto sa geopolitics at propesor emeritus ng New South Wales Defense Academy ng Australia. Anya “Ang Tsina ang unang nagtuklas, nagpangalan, sumakop at nangangasiwa sa lahat ng mga tampok na lupa ng South China Seas.”
Dagdag pa ng tagapagsalita ng Tsina na si Mao Ning, “Ang soberanya, karapatan at interes ng Tsina sa South China Sea ay naitatag at matibay na nakabatay sa mahabang takbo ng kasaysayan at batas, na sumusunod sa UN Charter at batas-internasyonal, kabilang ang UNCLOS.”
Ang pinakahuling pagpapatibay ng batas o statutory construction ng mga makasaysayang katotohanan ay nagsisimula sa Unang Digmaang Tsino-Hapones ng Hulyo 1894 at ang Treaty of Shimonoseki ng 1895 na tumapos dito, dumaloy sa pagsiklab ng Ikalawang Digmaang Tsino-Hapones at paglahok ng Tsina sa Allied Forces sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na pinaglinaw sa Cairo Conference ng 1943 sa layuning “isasauli ng Bansang Hapon sa Tsina ang lahat ng teritoryo na ninakaw nito sa mga Tsino.”
Kinumpirma at pinalakas ng Potsdam Declaration ng 1945 ang pakay at pangakong ito; natalakay ngunit hindi nakumpleto sa Treaty of San Francisco ng 1951 pero nabuong ganap sa Treaty of Taipei noong 1952, hanggang manahin ng Peoples Republic of China ang mga kinaukulang intereses kaakibat nito sa bisa ng United Nations One-China Resolution 2758, na napanday sa pagkilala ng Pilipinas sa Tsina at mga karapatan nito sa Joint Communique ng dalawang bansa noong 1975, nang magkaroon tayo ng pormal na diplomatikong relasyon.
Bukod dito, hindi itinatwa ng Arbitral Award ang mga karapatan ng Tsina sa ilalim ng UNCLOS, aniya (272b) –
“…ang pag angkin ng makasaysayang karapatan sa mga mapagkukunan ng pamumuhay at di pamumuhay, ay magsisilbing limitasyon ng convention (UNCLOS) sa kakayahan ng China na mag-angkin ng mga maritime zone alinsunod sa Convention, batay sa naturang mga isla.”
Samakatwid, ano pa DND Secretary Gibo Teodoro ang dapat na dalhin sa arbitration dito?
Sovereignty vs sovereignty rights
Sabi mo pa, “Sila (ang mga Tsino) ang pumasok sa teritoryo natin.” Paki-explain nga Secretary, kung paano natin naging teritoryo ang Ayungin Shoal na 105 nautical miles mula sa Palawan? Ang ating teritoryo ay nagtapos sa 12 nautical miles.
Alam nyo ba mga KaBansa, na walang “official map” ang bansang Pilipinas pero sinusubo na tayo ni Teodoro sa isang patintero na maaring lumaganap sa isang digmaan, ganoong wala tayong batayan sa lokasyon o ang eksaktong geographical coordinates, yoon pong latitudes at longitudes. Ano ang ipaglalaban ng ating mga sundalo?
Aba e hindi po uubra sa gera yang mapa na maaring makuha sa National Book Store. Lalo tayong pagtatawanan ng mundo n’yan!
Yang drawing na “West Philippine Sea” ay base sa ating EEZ. Pero ang EEZ ay iba sa teritoryo (territory) o teritoryal na karagatan (territorial sea).
Ang ating territorial sea ay may maximum na lapad na 12 nautical miles mula sa ating coastal baselines. Base ito sa batas internasyunal at UNCLOS. Kaloob nito ang soberanya, pagmamay-ari at buong hurisdiksyon sa kung ano ang nasa ilalim ng tubig, sa ibabaw ng tubig at ang “airspace” sa itaas nito.
Sa kabilang banda, ang hurisdiksyon ng coastal state sa loob ng EEZ ay nauukol lamang sa mga benepisyo sa ekonomiya mula ng likas na yaman (isda, offshore oil, at gas) sa ilalim ng tubig, ngunit hindi sa ibabaw ng tubig at ang “airspace” sa itaas nito.
Samakatuwid, walang soberanya at pagmamay-ari ang Pilipinas sa EEZ nito.
Ayungin Shoal
Sa partikular na usapin sa Ayungin Shoal, nalaman natin na hindi automatic at absoluto ang aplikasyon ng EEZ kahit na ito ay nasa loob ng 200 nautical miles mula sa baybayin ng Palawan.
Mr. Teodoro, na-arbitrate na rin ito.
Bilang tugon sa mga isinumite ng Pilipinas sa arbitrasyon [Submissions No. 14(a) to (c)] na prinoseso sa ilalim ng UNCLOS, ipinahayag ng Award sa Paragraph 1162 na ang usaping ito ay hindi sakop ng “jurisdiction” ng tribunal sa kadahilanan na sa Paragraph 1161 ay inuri nito ang Ayungin at kapaligiran nito na “quintessentially a militarized situation.”
Nakakatakot ang sitwasyon ng ating bansa ngayon dahil sa mga tanga at mangmang na nagpapatakbo ng ating gobyerno.
Mismong dating mahistradong Antonio Carpio, na “ponente” ng GR 187167, matapos ang pitong taon ay nagbago rin ang pananaw hinggil sa Ayungin Shoal.
Sa isang forum sa Manila Hotel, nagpahayag sya sa mainstream media. “Ang mga re-supply missions sa BRP Sierra Madre ay mga aktibidades na militar at ito ay labas sa saklaw ng UNCLOS at sapilitang arbitrasyon.
“Kaya para makapag sampa ng reklamo sa UN ang Pilipinas ay nararapat na lumipat sa kaugaliang sibilyan bago tayo bumalik sa Arbitral Tribunal.”
Sa naturang lugar na yan, saan dumudukot si Marcos Dayunyor ng katuwiran na hindi “poking the bear o chasing the dragon” ang basta-basta at walang koordinasyon sa Coast Guard ng Tsina sa mga resupply mission sa Ayungin Shoal?
Labag din ito sa protocol na sinang-ayunan ni Noynoy Aquino, ng kanyang defense secretary na si Voltaire Gazmin at itinuloy lamang ni Pang. Rodrigo Duterte.
Naghahanap ng “basag-ulo”
Abah, isang kolokoy dyan sa National Security Council ang nagyayabang, “Bakit tayo hihingi ng permisong pumasok dito samantalang ‘Atin Ito’?”
Sinabi na nga ni Duterte na ang China ang may hawak ng teritoryo. Hindi lamang ang mga Chinese de facto ang nago-okupa sa Ayungin, nagsasagawa pa sila ng epektibong kontrol at pagkilos doon. Hindi pa ba malinaw sa lahat ito?
Kaya bukod sa mga makasaysayang karapatan (historic rights), nakamit nila ang soberanya sa Ayungin Shoal batay din sa “customary” international law o kaugaliang batas-internasyonal.
Ang kilos ng Pilipinas ay paghahanap ng basag-ulo. Ang aksyon ng Tsina sa Ayungin Shoal ay hindi lamang sa proteksyon ng kanilang angking teritoryo kundi pagpapatupad ng batas o “law enforcement”.
Ang paggamit ng water cannon ay isang law enforcement “tool” na sang-ayon sa batas-international; itinuturing ito bilang isang kasangkapan na hindi nakakamatay o “non-lethal” (NLW) ayon sa UN General Assembly Resolution 45/166, adopted without a vote noong December 14, 1990.
Imbis itigil ang panunukso at panggagatong sa mainit na sitwasyon at palitan ng diplomasya, meron ngayong mga promotor na ipinipilit na i- reclassify ang water cannon na “armed attack” upang magamit natin ang ating Mutual Defense Treaty sa ‘Tadong Unidos. Walang hahantungan ang ideyang ito ng mga utak pulbura kundi digmaan.
Nakakatakot ang sitwasyon ng ating bansa ngayon dahil sa mga tanga at mangmang na nagpapatakbo ng ating gobyerno.