10 ‘Filipino Laureates’ sa 2022 APPCU Award

Ni: Prof. Anna Malindog Uy, (Espesyal para sa Pinoy Exposé)
ISA sa mga matibay na pundasyon na nakatulong upang mapalakas ang diplomatikong ugnayan ng Pilipinas at China ay ang matibay na pagsasamhan ng mga mamamayan (people-to-people ties) ng dalawang bansa.

Bago pa man nagkaroon ng pormal na relasyong diplomatko (‘diplomatic ties’) ang Pilipinas at China noong 1975, ang Association for Philippines-China Understanding (APCU), isang non-government organization (NGO) na nakabase sa Pilipinas, ay aktibo na sa pagsusulong ng ugnayang mamamayan sa mamamayan sa pagitan ng dalawang bansa.

Ang APCU ang natatangi at nangungunang NGO sa Pilipinas na nagsusulong ng diplomatikong relasyon na nakabatay sa kanilang mga mamamayan, magkatuwang na ugnayan at, pagkakaibigan sa pagitan ng Pilipinas at China.

Ito ay sa pamamagitan ng relasyong (a) pangkultura, akademika at pagbisita ng magkabilang bansa; (b) sisterhood sa pagitan ng kani-kanilang mga lokal na pamahalaan (‘local government units, LGUs’) at, (k) ugnayang pang-ekonomiya at pagbibigay ng hanapbuhay sa mamamayan.

Nagsimula ang APCU bilang isang simpleng samahan ng mga Tsino at mga Fil-Chinese noong 1972 at itinatag upang magbigay ayuda at tulong mula sa People’s Republic of China (PROC) para sa mga biktima ng mapaminsalang baha sa Gitnang (Central) Luzon nang nasabing taon.

Sa panahong ito, wala pang relasyong diplomatiko ang China at Pilipinas; ang kanilang naging ugnayan at pagtutulungan para sa mga biktima ng kalamidad ay ipinadaan sa konsepto ng ‘people-to-people’ o pagdadamayan at pagtutulungan ng kanilang mga mamamayan.

Dahil sa karanasang ito, napagpasyahan ng grupo na palawigin ang samahan kung saan isinama na rin ang mga miyembro ng sining, ang sektor ng negosyo, komersyo, mga mamamahayag, mga lider sibiko at at mga miyembro ng akademya.

Taong 1974, narehistro ang APCU bilang isang ‘NGO’ sa Securities and exchange Commission (SEC).

Bilang bahagi ng mga paunang proyekto at programa, bumuo ang samahan ng mga pag-aaral at pagbisita sa China. Nagsagawa rin ng mga ‘symposia’ at sariling kalatas (‘newsletter’) upang isulong ang magkatuwang na unawaan, pagkakaisa at pagkakaibigan sa pagitan ng dalawang bansa.

Ang mga programa at aktibidad na nabanggit ay agad na sinundan ng pagtataguyod ng relasyong diplomatiko sa pagitan ng Pilipinas at China noong Hunyo 1975.

Kamakailan ay muling inilunsad ang APCU sa ilalim ng pamumuno ng isa sa mga founding members na si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, bilang Chairman Emeritus, Presidential Adviser, Secretary Raul Lambino, bilang Chairman at, Mr. Jeffery Ng, bilang Pangulo.

Nakapagtayo na rin ng mga sangay sa iba pang rehiyon at lugar sa Pilipinas ang APCU, kabilang na ang Baguio, Cebu, Davao, Angeles City at Pangasinan.

Ang APPCU

Noong 2021, dalawang mahalagang proyekto ang inilunsad ng APCU upang makatulong pa sa pagsusulong ng pagkakaunawaan, pagkakaibigan at pagkakaisa ng dalawang bansa at sa mga mamamayann nito. Ang dalawang proyekto ay ang ‘Manila Forum for the Philippines-China Relations’ at, ang ‘Award for Promoting Philippines-China Understanding’ (APPCU).

Pangunahing layunin ng dalawang proyektong ito ay ang hayagang maisulong ang pagkakaibigan sa pagitan ng Pilipinas at China at pagpapalakas ng ugnayang people-to-people, kung saan ito ang naging susi ng kanilang pagkakaroon ng ugnayang ‘state-to-state’ (bansa sa bansa).

Ang APPCU ay magkatuwang na responsibilidad ng APCU at ng Embahada ng PROC sa Pilipinas.

Isinusulong nito ang matibay na ugnayan, pagkakaibigan at pag-uunawaan sa pagitan ng Pilipinas at China.

Layunin din nito na ipaabot ang pagkilala sa mga indibidwal na umukit at nagbigay kontribusyon sa pagpapaunlad at pagsusulong ng kanilang ‘bilateral relations,’ pagkakaibigan at unawaan ng Pilipinas at China sa ilalim ng kani-kanilang larangan kabilang ang midya, serbisyo publiko, humanitarian/social actions, komersyo at kalakalan, sining at kultura, akademya, makabagong komunikasyon (ICT), siyensiya, medisina at kalusugan.

May tatlong (3) kategorya ang APPCU: Ang ‘Hall of Fame Category,’ kung saan kinikilala ang estado at prestihiyo ng isang indibidwal, kasama na ang kanyang mga sakripisyo at nagawa sa mga nakalipas na panahon kalakip ang patunay ng bigat at malasakit sa mga nagawa para sa bansa.

Ang ‘Outstanding Contributions Category’ ay kumikilala sa mga indibidwal na bagaman hindi kasing-prominente nang unang kategorya ay nagsulong naman at nagpalakas sa relasyon, pagkakaibigan, kooperasyon at pagkakaunawaan ng China at Pilipinas.

Ang ikatlo ay ang ‘Major Contributions Category’ kung saan ang mga nagawa ng isang indibidwal ay nagpalago at nagkaroon ng mabuting epekto sa buhay ng piling grupo o komunidad sa pinakamababang antas ng lipunan at komunidad.

APPCU 2022 ‘Laureates’

Matapos ang matagumpay na paglulunsad ng APCCU noong Agosto 2021 (Pinoy Exposé, Agosto 2, 2021), malugod namang inihayag ng APCU at ng Embahada ng Tsina ang sampung (10) prominenteng Pilipino mula sa publiko at pribadong sektor na napili ng mga hurado para sa ikalawang edisyon ng APPCU ngayong taon.

Pinili ang mga nasabing indibidwal matapos makapasa sa ‘3-stage selection process’ ng APCU mula sa 30-katao na nominado ngayong taon.

Ang maningning at matagumpay nilang mga kontribusyon sa kani-kanilang larangan ang naging basehan upang ipagkaloob ang parangal sa bawat kategorya.

Bukod dito, nagdesisyon din ang APCU na magbigay ng natatanging parangal at pagpupugay para kay Amb. Jose Santiago ‘Chito’ Sta. Romana, 74, na pumanaw sa Anhui Province, China, noong Abril 18, 2022

Ang ‘Gawad Sultan Paduka Pahala,’ ay nilikha ng APCU bilang pagkilala sa katangi-tangi at hindi matatawarang kontribusyon ni Sta. Romana sa pagsusulong ng matibay na samahan, tiwala at pagkaka-unawaan sa pagitan ng Pilipinas at China.

MAIKLING TALAMBUHAY NG 2022 APPCU FILIPINO ‘LAUREATES’

 H.E. JOSE SANTIAGO “CHITO” L. STA. ROMANA, Special Award, Gawad Sultan Paduka Pahala

IGINAGALANG na kinatawan ng Pilipinas, ang yumaong si Amb. Jose Santiago ‘Chito’ Sta. Romana ay isang ‘activist by heart,’ na sa pamamagitan ng sipag, talino at pagpupunyagi ay nagtagumpay sa mga larangang pinasok niya. Pumanaw siya sa edad 74, habang patuloy na ginagampanan ang kanyang tungkulin bilang kinatawan ng Pilipinas sa Anhui Province, China, noong Abril 18, 2022.

Philippine Ambassador to the People’s Republic of China, Jose Santiago ‘Chito’ Sta. Romana (1948 – 2022).

Nagtapos siya ng Elementarya at Sekondarya sa De La Salle University, kung saan dito na rin niya nakuha ang kanyang degree, AB Economics at BS in Commerce noong 1970; nakuha naman niya ang kanyang graduate course sa Economics sa Unibersidad ng Pilipinas sa loob lang ng isang taon, 1970 – 1971.

Natapos naman ni Sta. Romana ang Master’s of Arts degree, International Relations, sa Tufts University, Fletcher School of Law and Diplomacy noong 1987.

Naging Professional Lecturer si Sta. Romana sa University of the Philippines Asian Center noong 2015, kung saan isa sa kanyang mga itinuro ay ang ‘Politics and Governance of China.’ Naging Trustee din siya sa ‘Philippine Rural Reconstruction Movement’ (PRRM) at sa ‘Teach for the Philippines’ mula 2016 hanggang 2022. Sa parehong panahon, miyembro rin si Sta. Romana ng Philippine Association for Chinese Studies (PACS) Advisory Board, kung saan naglingkod din siya bilangg pangulo mula 2014 -2016.

Si Sta. Romana rin ang ‘non-resident ambassador’ ng Pilipinas sa Mongolia at sa Democratic People’s Republic of (North) Korea, kasabay ng kanyang pagkatalaga bilang kinatawan ng bansa sa People’s Republic of China, mula December 2016 hanggang sa kanyang pagpanaw nitong Abril 2022.

Makailang ulit din na kinilala ang galing ni Sta. Romana bilang mamamahayag, katulad ng ‘Emmy Award, News and Documentary Category’ noong 2000, kung saan dalawang beses din siyang nominado, noong 2001 at 2006. Noong 2008, kinilala naman ng Overseas Press Club of America ang kanyang grupo dahil sa ginawa nilang pag-uulat hinggil sa mapaminsalang lindol na yumanig sa China sa nasabing taon.

Noong 2020, ginawaran naman ng ‘Presidential Award, Gawad Mabini, Rank of Dakilang Kamanong’ si Sta. Romana dahil sa kanyang mahalagang papel sa pagpapalakas ng ugnayan ng Pilipinas at China.

Nitong Abril 30, 2022, sa kanyang pagpanaw, ginawaran si Sta. Romana ni Pang. Rodrigo Duterte ng ‘Order of Sikatuna, Rank of Datu,’ isang posthumous award, bilang pagkilala sa kanyang husay at galing bilang diplomatiko.

Isa si Sta. Romana sa mga estudyanteng “aktibista” na naiwan sa China matapos ideklara ang batas militar sa Pilipinas noong 1972. Nang mga panahong iyon, tila imposible sa kanya na bumalik sa Pilipinas dahil isa siya sa mga aktibista na bukas ang kamulatan sa mga isyung pulitika at panglipunan.

Dahil walang katiyakan kung kailan siya makakauwi, nagsikap si Sta. Romana na mag-aral ng pangunahing lengguwahe sa China, ang Mandarin, sa Beijing Language Institute. Ito ang naging susi upang siya ay maging isang ‘translation editor’ para sa isang publikasyon sa Chinese Academy of Social Sciences.

Ilan sa kanyang mga naisalin sa wikang Ingles ay dalawang aklat hinggil sa ekonomiya at mga artikulo ng ilang kilalang Tsino.

Mula sa pagiging translator, natanggap si Sta. Romana sa ABC News, isang news agency ng mga Amerikano kung saan kabilang sa kanyang mga ulat ay ang krisis sa relasyon ng China at Amerika noong 1999 at 2001, ang pag-angat ng ekonomiya ng China at ang Beijing Olympics noong 2008.

Nagtrabaho siya sa ABC kasama ang mga kilalang ABC anchors na sina Peter Jennings at Diane Sawyer.

Dahil sa kanyang abilidad, mula sa pagiging correspondent, umangat si Sta. Romana bilang reporter/producer hanggang maging Beijing Bureau Chief ng ABC News. Hinawakan niya ang posisyon na ito mula 1989 hanggang sa magretiro siya noong 2010.

Sa kanyang pamamalagi, pagtatrabaho at pagpupursigi sa China ng mahabang panahon ng kanyang buhay, masasabing mas mayroong kaalaman at karunungan si Sta. Romana pagdating sa buhay sa China mula sa liderato, kultura at mamamayan nito, kumpara sa maraming Chinese at Filipino-Chinese sa Pilipinas.

Masasabi rin na ang kanyang pinakamahusay na ambag at legasiya ay ang kanyang dedikasyon upang isulong ang people-to-people interaction ng Pilipinas at China at sa pagbabahagi ng kanyang mga kaalaman at pananaw hinggil sa China.

Ngayong taon, ang Award for Promoting Philippines-China Understanding (APPCU) ay kinikilala ang husay at kontribusyon ng yumaong Amb. Chito Sta. Romana, bilang isang tulay upang mapanatili ang malusog na pagkakaibigan at pagsasamahan ng China at Pilipnas.

HALL OF FAME

Former Philippine President Joseph Ejercito Estrada

ISANG sikat na artista na naging isang matagumpay na negosyante at pulitiko, si Joseph Ejercito Estrada ang ika-13 Pangulo ng Republika ng Pilipinas.

Bilang isang aktor sa pinilakang tabing, umugit si Estrada ng pangalan sa industriya bilang isa sa mga respetado at hinahangaang artista sa kanyang panahon, bukod sa pagkapanalo ng ilang FAMAS Best Actor awards for movies at maitanghal siya bilang isa sa mga ‘Hall of Famer’ ng Pelikulang Pilipino.

Former Philippine President Joseph Ejercito Estrada

Bukod sa pelikula, kinilala rin si Pang. “Erap” ng iba’t ibang samahang sibiko dahil sa kanyang natatanging kontribusyon bilang pulitiko at lingkod-bayan.

Nagsimula ang kanyang karera sa pulitika nang siya ay mahalal bilang Mayor ng San Juan, na noon ay isa lang munisipyo sa Kalakhang Maynila.

Si Erap ang pinakamatagal na umupong alkalde ng San Juan sa kabuuang 17 taon, mula 1969-1986, nang sapilitan siyang alisin sa puwesto ng administrasyon ni Corazon Aquino.

Bagaman kilalang “miyembro ng oposisyon” at sa kabila ng popularidad noon ni Pang. Aquino, tumakbo at nanalong senador si Erap sa halalan noong 1987. Sa halalan noong 1992, tumakbo at nanalo namang Bise-Presidente si Erap.

Sa halalan para sa Panguluhan noong 1998, ‘landslide’ ang naging panalo ni Erap. Bagaman, hindi niya natapos ang kanyang 6-taong termino dahil sa mga nangyaring kaguluhan sa pulitika ng bansa noong 2001.

Itinuturing si Erap na isa sa pinaka-minahal na pangulo ng Pilipinas hindi lamang dahil sa kanyang karisma, kundi dahil itinuturing siyang “kampeon” at “Ama ng Masa” na makikita sa mga naging papel na ginampanan niya sa kanyang mga pelikula at sa pagmamalasakit niya sa kanilang interes.

Bilang Pangulo, tinutukan ni Erap ang kampanya laban sa krimen at terorismo upang magkaroon ng katahimikan sa bansa Ang kanyang liderato ay kinilala rin ng mga Kanluraning Bansa (Western countries) at maging ng China at Russia.

Noong Mayo 2020, bumisita si Erap sa China (state visit) na nagbigay-daan sa pagtatayo ng isa pang ‘Rizal Park’ sa Fujian Province, China bilang tanda ng matibay na pagkakaibigan ng dalawang bansa.

Gagawaran si dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada ng Award for Promoting Philippines-China Understanding (APPCU) dahil sa kanyang patuloy na pagsuporta sa Filipino-Chinese community dito sa Pilipinas at sa kanyang patuloy na pagkilala sa kanilang mahahalagang kontribusyon sa ekonomiya ng Pilipinas at pagbangon ng bansa. Kinikilala rin ng APPCU ang dating Pangulo sa kanyang hayagang suporta at pakikiisa sa China bilang regional partner sa Asya at ng mga kasaping bansa ng ASEAN.

Ambassador Francisco Benedicto 

SI Amb. Benedicto ay naglingkod bilang Ambassador Extraordinary and Plenipotentiary’ sa People’s Republic of China noong 2010 -2011 at isa sa mga kilala at respetadong personalidad sa Pilipinas.

Siya rin ay multi-awarded at tanyag hindi lamang sa kanyang mga naging ambag sa gobyerno kundi, maging sa kanyang mga ambag sa akademya at pagnenegosyo.

Si Ambassador Franciso Benedicto ay naglingkod sa ilalim ng anim na pangulo ng bansa, mula kay Pang. Ferdinand Marcos Sr. hanggangg kay Pang. Noynoy Aquino.

Ipinanganak at lumaki sa lalawigan ng Cebu, si Amb. Benedicto ay nagmula sa pamilya ng mga ‘business tycoons’ na nagsusulong ng mayamang kultura ng mga Filipino sa pamamagitan ng adbokasiya sa edukasyon at sa negosyo.

Siya ang kasalukuyang Founding Chairman ng Benedicto College, Inc at Chairman ng FLB Prime Holdings, Inc. Bago malipat sa gobyerno, si Amb. Benedicto rin ang dating Chairman at General Manager ng Benedicto Development Corporation at dating presidente ng B. Benedicto & Sons Co. Inc.

Ang kanyang aktibong pakikilahok sa pampublikong sektor ay nagsimula noong dekada ‘70, nang mahalal siyang pangulo ng Cebu Chamber of Commerce and Industry, na hinawakan niya ng tatlong termino, mula 1971-1974.

Kaalinsabay ng naturang posisyon, nagsilbi rin siyang presidente ng Cebu Filipino-Chinese Chamber of Commerce, Inc. ng pitong termino mula 1972 hanggang 1986; naging Regional Governor din siya ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), mula 1977-1983; at, naging presidente rin siya ng Mandaue Chamber of Commerce and Industry, Inc. sa loob ng anim na termino. mula 1980 hanggang 1986.

Ang iba pang naging posisyon ni Amb. Benedicto sa pamahalaan ay kinabibilangan ng Cebu City Planning and Development Board ng City Government ng Cebu kung saan nagsilbi siyang miyembro mula 1974-1978; Co-Chair ng Cebu Host Council, Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC), partikular para sa Senior Officials and Ministerial Meetings noong 1986.

Ang kanyang mayabong na karanasan sa pagseserbisyo sa gobyerno ay kaagapay ng iba’t ibang posisyon na kanyang hinawakan sa ilalim ng iba’t ibang liderato at administrasyon sa mga nakalipas na dekada.

Nagsimula naman ang kanyang mga misyong konsular at diplomatiko noong dekada ‘80 kung saan sa loob ng higit 25 taon, itinalaga siyang kinatawan ng bansa ng anim (6) na pangulo, simula kay Pang. Ferdinand Marcos, Pang. Corazon Aquino, Pang. Fidel Ramos, Pang. Joseph Estrada, Pang. Gloria Macapagal Arroyo at, Pang. Noynoy Aquino.

Si Benedicto ang Philippines Honorary Consul to Belgium (1982-1986); Chief of Mission and Ambassador Extraordinary and Plenipotentiary sa bansang Singapore (1986-1993) kung saan nagsilbi rin siya bilang ‘Dean, Diplomatic and Consular Corps’ sa nasabing bansa.

Itinalaga rin si Benedicto bilang kinatawan ng bansa sa South Korea (1993-1995); Brazil, kasama na ang mga bansang Venezuela, Colombia at Suriname (1996-1998); Canada (1999-2005); India at Nepal (2008-2010) at pagkatapos nito, bilang Philippine Ambassador Extraordinary and Plenipotentiary sa China, kasama na ang North Korea at Mongolia, mula 2010 hanggang 2011.

Tatlong (3) taon din na nanilbihan si Amb. Benedicto, 2005-2008, bilang ‘Undersecretary’ sa Department of Foreign Affairs.

Sa kasalukuyan, si Amb. Francisco Benedicto ay kinikilala ng Award for Promoting Philippines-China Understanding (APPCU) para sa kanyang natatanging ambag sa pagbubukas at pagsusulong ng mahusay at maayos na daan tungo sa matagumpay na kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at China.

Ang kanyang malawak na karanasan sa larangan ng edukasyon, negosyo at kalakalan, kabilang ang mga posisyon sa gobyerno at sa larangan ng diplomasya, ay nagbigay-daan upang matuklasan ang pangangailangan ng kanyang bayan at matukoy ang mga oportunidad tungo sa pagsulong ng ekonomiya sa pamamagitan ng malusog na relasyon sa China.

OUTSTANDING CONTRIBUTIONS

Wilson Lee Flores

SI Wilson Lee Flores ay isang ‘multi-awarded’ na edukador, makata, kolumnista, mahusay na tagasuri (‘analyst’) at negosyante. Bilang isang manunulat, nakapag-akda na rin si Flores ng 5 aklat.

Wilson Lee Flores

Itinuturing din ni Flores ang kanyang sarili bilang isang ‘social worker’ dahil sa kanyang mga gawaing pilantropo at pangkultura para sa mga ‘non-governmental organizations’ (NGOs) na kanyang kinaaniban.

Siya ang Honorary Chairman ng Anvil Business Club, Board Member at Chairman ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc, (FFCCCII) Public Information & Media Committee at, ‘Moderator’ ng kilalang ‘Pandesal Media Forum’ na ginaganap sa makasaysayang ‘Kamuning Bakery Café’ sa Lungsod Quezon.

Kabilang sa kanyang mga naging gawing sibiko at pangkultura ay ang donasyon ng ilang mga pampublikong eskuwelahan sa mga liblib na lugar ng bansa at bilang isang ‘anchor/moderator’ sa Pandesal Forum, isang ‘non-partisan’ media forum.

Sa kasagsagan naman ng pandemya ng COVID-19 noong 2020 kung saan inilagay sa ‘lockdown’ ang halos buong bansa, nakipagtulungan ang Kamuning Bakery Café sa pamahalaang lungsod para sa pamamahagi ng libo-libong pandesal at tinapay sa mga pagamutan ng gobyerno, sa hanay ng mga ‘medical at security frontliners’ at sa mga kanlungan ng mga walang tahanan.

Sa larangan ng panulat, nagawaran si Flores ng may 15 pagkilala mula sa respetadong ‘Catholic Mass Media Award’ (CMMA), dahil sa kanyang mga artikulo hinggil sa negosyo, ekonomiya, popular na kultura, sining at pulitika. Si Flores ang may natatanging rekord sa talaan ng CMMA na tumanggap ng pinakaraming parangal para sa isang indibidwal.

Taong 2018, ginawaran din ng Lungsod Quezon si Flores bilang ‘Most Outstanding Citizen’ kasabay ang parangal bilang ‘Manuel L. Quezon Gawad Parangal Award;’ taong 2012, ginawaran si Flores ng ‘Maestro Award’ mula sa Grace Christian College.

Ilan sa mga mahahalagang artikulo ni Flores ay may kinalaman sa pagsusulong ng mas matibay na pagkakaunawaan ng Pilipinas at China na nakatuon sa kanilang paglaban sa Kolonyalismo at naging pagtutulungan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig (World War 2).

Gumawa rin ng mga artikulo si Flores hinggil sa mga mahahalang ambag ng mga Tsino sa Pilipinas at ang naging papel ng mga ‘Chinese immigrants’ sa kasaysayan ng bansa.

Ang mga pagsasaliksik din ni Flores hinggil sa mga ninuno ni Dr. Jose Rizal mula sa Zhang-Guo Village, Jinjiang, Fujian Province, Southeast China, ang isa sa mga naging batayan upang maitayo ang monumento ng ating Pambansang Bayani sa nasabing lalawigan, matapos ang naging ‘state visit’ ni Pang. Joseph Estrada sa China noong Mayo 2020.

Ang nasabing bantayog ni Rizal ay kinikilala bilang pinakamalaking monumento nito sa buong mundo, hamak na mas malaki pa sa kanyang bantayog sa Luneta.

Ngayong taon, kinikilala ng Award for Promoting Philippines-China Understanding (APPCU) si Wilson Lee Flores bilang isa sa mga tatanggap ng parangal dahil sa kanyang di-matatawarang kontribusyon sa pagpapaunawa ng kultura ng China at ng Chinese community sa Pilipinas sa pamamagitan ng kanyang mga panulat at mga gawaing sibiko.

Rodrigo “Rod” P. Kapunan

ANG kolumnista at manunulat na si Rodrigo “Rod” Kapunan ang nasa likod ng popular na “Backbencher,” isang kolum sa Manila Standard Today. Regular din siyang nag-aambag ng mga artikulo sa China Global Edition at sa Global Times, kapwa mga publikasyon sa China na may sirkulasyon sa iba’t ibang panig ng mundo.

Rodrigo ‘Rod’ Kapunan

Nakuha ni Rod ang kanyang undergraduate degree sa Political Science at Bachelor of Laws sa University of the East. Aktibong miyembro rin siya ng Huaren Society Association of the Philippines, Inc. at ng Philippines-China Friendship Club.

Dahil sa kanyang malalim na pagkaunawa sa pulitika at sa batas, hindi naging mahirap para kay Rod na alamin ang kanyang mga hilig na matutunan hinggil sa mga usaping pulitika.

Bukas si Rod sa kanyang mga pananaw sa maraming usapin hinggil sa pulitika sa Pilipinas at sa pamahalaan bilang isang manunulat at political analyst.

Bilang kaanib ng midya, nakapag-limbag siya ng mga artikulo upang higit na mas maunawaan ang kalagayang pampulitika sa Pilipinas at ng ekonomiya.

Nakapagsulat din siya at nagbigay ng mga panayam sa isyu ng usapin sa teritoryo ng South China Sea at mga usaping may kinalaman sa ugnayan ng Pilipinas at China.

Bilang guest speaker at resource person, makailang ulit na ring tinalakay ni Rod ang mga usapin na may kinalaman sa panlabas na polisiya ng China, kabilang na ang kultura nito sa ilalim ng pamumuno ni Chinese President Xi Jinping.

Noong 2018, naging resource speaker siya sa Jinan University sa Guangzhou, China, kung saan tinalakay niya ang kasalukuyang kaunlaran ng domestic policies sa Pilipinas at ang epekto nito sa Sino-Philippine relation.

Naging resource speaker din siya sa South China Sea BOAO Sub-Forum for Asia noong 2019 na ginanap sa Hainan, China.

Masidhi ang paniniwala ni Rod sa suporta at tulong na ibinibigay ng China sa Pilipinas bilang ating kapitbahay na bansa sa Asya. Taliwas sa iniisip ng iba na bumulag sa maraming Pilipino, nakikita ni Rod na ang kooperasyon ng Pilipinas at China ay isang opurtunidad at hindi banta sa ekonomiya at seguridad ng bansa.

Bunga ng mga nabanggit, kinikilala ng Award for Promoting Philippine-China Understanding (APPCU) ang lahat ng kontribusyon at malasakit ni Rod Kapunan bilang isang manunulat, kolumnista at political analyst sa pagkakaroon ng mas matibay na relasyon ng Pilipinas at China at sa pagkilala sa mahalagang kontribusyon ng China sa paggabay sa pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas.

Mauro Gia Samonte

SI Mauro Gia Samonte ay hindi lamang kilalang kolumnista sa The Manila Times at may-akda ng mga aklat, ngunit isa rin bantog na ‘literary craftsman,’ ‘screenplay writer,’ direktor sa mga pelikula at isang bihasang mamamahayag hanggang sa kasalukuyan.

Mauro Gia Samonte

Sa mahigit 100 artikulo na isinulat niya sa kanyang kolum na may kinalaman sa China, 50 dito ay nailimbag bilang isang ‘anthology’ na may temang ‘China, The Way, The Truth and the Life.’ Ang naturang aklat ang isa sa kwalipikasyon upang maging nominado si Samonte sa APPCU Awards ngayong taon.

Ang paglilimbag ng kanyang aklat ay isa sa kanyang mga mithiin upang mas higit na maunawaan ng mas malawak na publiko ang ugnayan ng Pilipinas at China.

Sa larangan ng pelikula, inaasam ni Samonte na maging isang pelikula ang buhay ni Jose Laurel, upang aniya ay “maiwasto” ang maraming haka-haka hinggil sa tunay na kasaysayan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Pilipinas.

Sa pagsasaliksik ni Samonte, nalaman niyang ibinunyag ni Laurel ang lahat ng mga naging pang-aabuso at pagmamalupit ng mga Amerikano sa Pilipinas, sapul nang sakupin nila ito noong 1898 hanggang sa gawaran ang mga Pilipino ng “kalayaan” noong 1945.

Nais ni Samonte na “ipaalala” sa mga Pilipino na ang malawakang pambobomba ng mga Amerikano sa ilalim ni Gen. Douglas Macarthur sa “liberasyon” ng Maynila ay nagresulta sa pagkamatay ng higit 200,000 sibilyan.

Masidhi rin ang paniwala ni Samonte na ang ‘Sinophobia’ ng mga Pilipino ang dahilan sa pagkakaaroon ng ‘anti-Chinese sentiment’ ng mga Pilipino na mabilis napaniwala ng mga Amerikano hinggil sa negatibong mga bagay ukol sa mga Tsino.

Para kay Samonte, ang “pagwasak” sa kredibilidad ng mga Amerikano ang magsisilbing “susi” upang maiwasto ang maling paniwala ng mga Pilipino sa mga Tsino.

Princess Jacel H. Kiram, Sultanate of Sulu.

KATULAD ng titulo sa kanyang pangalan, si Princess Jacel Kiram ng Sultano (Sultanate) ng Sulu ay ipinanganak na may dignidad bilang anak ni Jamalul Kiram III na tinutukoy naman bilang direktang ninuno (ancestor) si Sultan ng Sulu, Paduka Batara/Pahala.

Princess Jacel H. Kiram

Nakaukit sa kasaysayan ng relasyon ng Pilipinas at Tsina ang buhay ni Sultan Paduka na unang “lider” sa hanay ng mga katutubong Pilipino na nagsagawa ng ‘state visit’ sa Beijing, China noong 1417, sa panahon ni Emperador Yongle ng Ming Dynasty.

Pabalik na si Paduka sa Sulu matapos ang halos isang buwan na pagbisita ng dapuan siya ng malubhang karamdaman at namatay sa lalawigan ng Shandong.

Bagaman nakabalik sa Sulu ang iba niyang mga anak at kasama sa pagbisita, naiwan sa China ang asawa ni Paduka, dalawa pang anak at ilang mga tauhan upang mangalaga sa kanyang puntod at bangkay.

Bilang pagkilala naman ng China sa magandang relasyon nito sa Sultano ng Sulu at sa mga katutubong Pilipino, isang bantayog ang itinayo para sa alaala ni Paduka habang ang kanyang mga naulila ay pinayagang manatili at itinuring na mga mamamayan ng China.

Hanggang ngayon, walang pagliban ang ginawang pag-aalaga at pagbibigay halaga ng pamahalaan ng China at mga mamamayan nito sa bantayog at huling hantungan ni Paduka, higit 600 na taon matapos ang kanyang pagbisita sa China.

At noong 1988, ang bantayog at musoleo ni Paduka ay idineklarang ‘National Historical Site’ ng China. Sa talaan pa rin ng China, tanging si Paduka ang unang dayuhang lider na namatay doon at pinarangalan ng China.

Ang interes naman ni Princess Jacel sa kanyang pinagmulan ay nagdala sa kanya sa kanyang mga adbokasiya hindi lamang bilang isang indibidwal, bagkus ay bilang kinatawan ng kanyang mamamayan at marangal na lahing pinagmulan.

Sa kasalukuyan, si Princess Jacel ay pangulo ng Philsilat Sports Association at Co-Founder/ President ng International Center for Peace, Reconciliation, and Development (ICPRD).

Sa kanyang murang edad, marami nang pinamunuan at hinawakang mahahalagang posisyon si Princess Jacel sa maraming samahan.

Nagtapos ng AB Disciplinary Studies sa De La Salle College of Saint Benilde sa Maynila, marami na siyang natamong pagkilala dahil sa kanyang aktibong pakikilahok sa mahahalagang misyon at aktibidad.

Isa rito ay bilang kinatawan sa 60th Year of Sulu-China Friendship celebration sa Guangxi, at bilang pinuno ng Philippine Delegation sa 19th World Festival of Youth and Students na ginanap sa Sochi, Russia noong 2017.

Sa kanyang pagpupursigi na alamin ang kanyang pinagmulan, naging instrumento si Princess Jacel na maipakita ang mga sinaunang ugnayan sa pagitan ng China at mga taga-Mindanao, partikular ang Sultano ng Sulu.

Ang kanyang pangako na paigtingin pa ang alaala ng kanyang mga ninuno ay hindi lamang nagbigay-daan sa pagtaas ng kaalaman sa kanyang mamamayan hinggil sa ugnayan ng Pilipinas at China, bagkus ay naging daan upang palakasin ang ‘people-to-people interaction’ sa pagitan ng dalawang bansa sa pamamagitan ng kaalaman at talino.

Iginagawad kay Princess Jacel Kiram ang Award for Promoting Philippines-China Understanding (APPCU) dahil sa kanyang pagsusumikap na mas mapalakas pa ang pagkakaibigan ng Pilipinas at China at sa kanyang pagpapahayag ng pasasalamat, partikular sa pagpapahalaga sa kasaysayan at alaala ng kanyang ninuno, ang Sultan ng Sulu na si Paduka Batara/Pahala.

MAJOR CONTRIBUTIONS

Paul M. Gutierrez

SI Paul ay isang multi-awarded journalist at media practitioner. Siya ay dalawang beses naging direktor at pangulo ng National Press Club of the Philippines (NPC). Sa ngayon, siya ang kalihim ng isa sa pinakamatanda, subalit, pinakamalaking samahan ng mga aktibong miyembro ng mamamahayag sa Pilipinas.

Two-term National Press Club (NPC) president & Pinoy Exposé Publisher Paul M. Gutierrez

Sumipa ang kanyang karera sa larangan ng pamamahayag noong taon 2000 nang magsilbi siya bilang ‘Editor’ ng The Pilipino Reporter, isang magasin para sa mga Filipino Overseas Workers.

Bago magsimula ang kanyang karera sa mass media, nagsilbi rin si Paul sa iba’t ibang posisyon sa pribado at publikong ahensiya at institusyon.

Naging bahagi rin siya ng Media Bureau ni dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada. Naging correspondent din si Paul ng The Daily Tribune, kung saan nakatutok siya sa mga isyung politikal.

Mula 2005 hanggang sa kasalukuyan, si Paul ay konektado sa Philippine Journalists, Inc, ang naglilimbag ng People’s Journal at People’s Journal Tonight, bilang regular na kolumnista at reporter sa Senado at Aduana.

Kabilang sa mga pagkilala na natanggap ni Paul ay ang Plaque of Appreciation na iginawad ng Region 4B Police Office noong 2006 at noong 2009 ang Most Enterprising Reporter of the Year na iginawad naman ng PJI.  Noong 2017, ginawaran siya ng Outstanding Journalist Award sa 16th MCLE Convention.

Si Paul ay isa lamang sa iilan mamamahayag sa bansa na tahasang nagpapahayag ng kanyang suporta upang palakasin ang ugnayan ng Pilipinas at China, kung saan itinatama niya ang mga maling pananaw na ginagawa laban sa China, dahil sa impluwensiya ng mga bansang Kanluran, partikular ang Estados Unidos.

Para kay Paul, “magkapatid” ang ugnayan ng Pilipinas at China dahil sa parehong pananaw sa kasaysayan at paglaban sa kanilang kasarinlan mula sa mga bansang Kanluran at Imperyalistang Amerikano.

Taong 2017 bilang pangulo ng NPC, nilagdaan ni Paul ang partnership agreement sa All-China Journalists Association (ACJA) kung saan naging bahagi ang NPC ng mas malawak na Belt and Road Initiative (BRI) ng China.

Dahil batid niya kung paano manipulahin ng Imperyalismong US at ng mga lokal na kaalyado nila ang Philippine mainstream media, itinatag ni Paul noong Mayo 2020 ang Pinoy Exposé, na ang layunin ay ibulgar ang propaganda ng mga Kanluraning bansa at upang maisulong ang mga pananaw ng China, sa paniniwalang kinakatawan nito ang mga totoong kaganapan sa mga isyu. Isinusulong din niya ang mga artikulong nagsusulong ng pandaigdigang kapayapaan at pagkakaisa.

Dahil dito, kinikilala ng Award for Promoting of Philippines-China Understanding (APPCU) ang lahat ng malasakit at ambag ni Paul Gutierrez hindi lamang sa pagpapalaganap ng kaalaman sa ugnayan ng Pilipinas at China, ngunit maging sa pagsusulong at pagpapalakas ng kanilang pagkakaibigan at pagkakapatiran.

Professor Cavin Franco Pamintuan

SI Professor Cavin Pamintuan ay isang ulirang guro sa lengguwahe (‘language teacher’). Nagsimula ang kanyang karera sa payak na paraan nang magtrabaho siya sa Super Philippines Incorporated bilang Bilingual Practitioner mula Abril hanggang Setyembre 2013.

Prof. Cavin Pamintuan

Ito ang naging daan upang kunin siya sa Confucius Institute of Angeles University Foundation bilang faculty member, mula 2015 hanggang 2017 na naging daan naman upang yumabong ang kanyang propesyon.

Mula sa pagiging faculty member, nagsilbi si Cavin bilang Administrative Officer nang naturang paaralan mula 2017-2018, at naging Assistant Director mula 2018-2019 bago siya naitalagang Philippine Director.

Ipinanganak at lumaki sa Angeles, Pampanga, nagtapos ng secondary education si Cavin sa Holy Angel University. Kumuha rin siya ng undergraduate degree ng Bachelor of Secondary Education in Filipino and Chinese Language Teaching sa Angeles University Foundation at nagtapos bilang Cum Laude noong 2013.

Nang makatapos, pinursigi naman ni Cavin ang kanyang ‘graduate studies’ kung saan nakakuha siya ng Masters in Teaching Chinese Speakers of Other Languages noong 2015 at, Doctor of Philosophy in Educational Management ngayong taong ito.

Bilang isang edukador, aktibo si Cavin sa pakikiisa sa mga adbokasiya sa pagsusulong ng lengguwahe at kultura ng China sa Pilipinas sa paaralang Sekondarya.

Naging miyembro siya ng Philippines-China Friendship Club (PCFC) at nagsulat at naglathala ng maraming pagsasaliksik at mga batayan sa mga pag-aaral (resource materials).

Ilan sa mga ito ay ang Reading Comprehension Strategy Use in Filipino and Chinese among Chinese Language Teaching Scholars of Angeles University Foundation (TESOL Online Journal); paggamit ng WeChat Application sa CLT Scholars’ Vocabulary Acquisition (2018) na inilathala sa TESOL International Journal;

The Students’ Perceptions on Mandarin Classes and their HSK (Chinese Proficiency Test) Results (2019), The Asian ESP Journal; A Communicative Analysis of Language Functions in the Chinese as a Foreign Language (CFL) Textbooks: The Case of Happy Chinese (2020) in the Universal Journal of Education Research; at,

Reducing the Impacts of Pandemic to the Chinese Language Education through Localization, International Journal of Language Education (2021).

Bukod sa pagiging Philippine Director ng Confucius Institute, aktibo rin si Cavin bilang tagapayo (consultant) sa lokal at internasyunal na mga pagtitipon sa pagtuturo ng Chinese Mandarin bilang dayuhang lengguwahe.

Kabilang dito ang mga pagpupulong na inorganisa ng Department of Education, (DepEd) bilang tagapayo para sa Development of Special Program in Foreign Language (SPFL) Curriculum Guides for Grades 7-12;

Kinatawan sa Joint Conference of Confucius Institutes in Southeast Asia na idinaos sa Laos noong November 2018; at; kinatawan sa 2019 International Chinese Language Education Conference na ginanap sa Changsha, China.

Bilang propesyunal na ‘resource speaker’ at dahil sa kanyang pagiging isang eksperto sa lengguwahe at kultura ng China, hindi naging balakid ang pandemya ng COVID-19 kay Cavin.

Sa kasagsagan ng ‘lockdown’ noong 2020, naging tagapayo at tagapagsalita si Cavin sa online forum na may temang “How to Effectively Use SPFL-Chinese Mandarin Learning Modules” na inorganisa ng DepEd, noong Oktubre 2020;

Resource Speaker, 1st International Seminar on Chinese Language Education 2020 na inorganisa ng Universitas Sebelas Maret, Indonesia, Nobyembre 2020; Consultant, Webinar Workshops on the Special Interest Program (SIP) Principles and Guidelines noon ding Nobyembre 2020; Resource Speaker sa “Pillar 4: Systems” of the Internationalization Roadmap; Sino-foreign Joint Development of Native Chinese Teachers Training noong Nobyembre at Disyembre 2020;

Consultant and Resource Speaker sa Workshops on the Development of ADM Prototype Self-Learning Modules for SPFL; Online Training-Workshop on Development of Supplemental Learning Materials for SPFL noong August 2021;

Consultant to the Workshops on the Validation of ADM Prototype Self-Learning Modules for SPFL; at, Workshops on the Finalization of ADM Prototype Self-Learning Modules for SPFL noong buwan ng Oktubre at Nobyembre 2021, ayon sa pagkakasunod.

Iginagawad ngayong taon ang Award for Promoting Philippines-China Understanding (APPCU) kay Cavin Pamintuan bilang pagkilala sa kanyang dedikasyon at adbokasiya, partikular sa pagtuturo at pagsusulong ng lengguwahe ng China sa kanyang kapwa edukador at mga estudante upang palakasin at palawakin ang ugnayang Pilipinas at China.

 Professor Celso L. Cainglet

SI Professor Cainglet ay isang akademiko at intelektuwal na bukas sa kanyang posisyon sa mga diskusyong sosyo-politikal.

Prof. Celso Cainglet

Sa kanyang mga katangiang ito, ang kanyang paglilingkod ay hindi lamang nakatuon bilang tri-media consultant, editor at socio-political analyst, ngunit mas nakatuon siya sa kanyang mga pananaw na may kinalaman sa pandaigdigang relasyon, kabilang ang mga usapin may kinalaman sa ‘West Philippine Sea.’

Mailalarawan ang kanyang propesyunal na buhay sa akademya dahil sa kanyang pagsisilbi bilang faculty member ng iba’t ibang unibersidad, kolehiyo at mga institusyon sa bansa. Sa kasalukuyan, si Prof. Cainglet ay isang Philosophy Professor sa University of the Philippines, Visayas Campus.

Bukod sa akademya, makulay din ang kanyang karera sa gobyerno at serbisyo sa mga konsultasyon (consultancy services) kung saan humawak siya ng mahahalagang posisyon sa pribado at publikong sektor.

Kabilang ditto ang pagiging Executive Director of ‘Global Filipinos’ mula 2004 hanggang 2006; Correspondence Director, Office of the President of the Republic of the Philippines, mula 2008 hanggang 2010; at, Senior Analyst at Assistant Editor in Chief ng Center for Strategy, Enterprise and Intelligence (CENSEI E-Newspaper);

Consultant, Office of the Presidential Adviser for Overseas Filipino Communities, mula 2003 hanggang 2004; consultant, Philippine Coast Guard mula 2005 hanggang 2007; at, consultant, Office of the House Speaker of the Philippine Congress mula 2019 hanggang 2020.

Nagsilbi rin si Prof. Cainglet bilang consultant sa Committee on National Defense, House of Representatives.

Sa kanyang makulay na karanasan at kaalaman, kinikilala si Prof. Celso Cainglet ng Award for the Promotion of Philippine–China Understanding (APPCU) dahil sa kanyang pagpupunyagi na maisulong ang ugnayan, pagkakaibigan at pagkakaisa sa China bilang magkapitbahay sa Asya, partikular sa usapin ng West Philippine Sea.

Para sa kanya, mayroong mahalagang natutunan sa karanasan ng mga bansang Taiwan at Vietnam, partikular sa usapin ng relasyong diplomatiko.

April Marie C. Dayap

ISANG ‘civil servant’ sa puso, naging aktibo si April sa mga gawaing pangkomunidad at mga adbokasiya upang maipaabot ang tulong at suporta sa mga kapwa Pilipino.

April Marie C. Dayap

Ipinanganak sa Davao City, nagtapos siya ng sekondarya sa Assumption College of Davao. Mayroon siyang undergraduate degree sa Economics sa Holy Cross of Davao College at Master’s in Business Administration degree sa Ateneo de Davao University.

Si April ay dating konsehala ng Davao City na nakabuo ng tatlong termino (9 na taon) kung saan nagsilbi rin siya bilang pambansang kalihim ng National Movement for Young Legislators; mula 2016-2017, naging interim Vice President at Executive Vice President si April ng nasabing organisasyon. Naging ex-officio member din si April Sangguniang Kabataan (SK) Federation sa loob ng 5 taon.

Sa kasalukuyan, si April ay nagsisilbi bilang ‘Chief of Staff’ ng Davao City Investment and Promotion Center (DCIPC). Bilang hepe ng DCIP na nagsimula niyang pamunuan noong Hulyo 1, 2019, Si April ang nangangasiwa na makahikayat ng mga pamumuhunan at negosyo sa Davao City.

Isinusulong din ni April na magkaroon ng malapit na samahan sa China sa pamamagitan ng bagong sisterhood agreement sa pagitan ng Davao City at ng Chongqing City, Southwest China na isa sa kinikilalang “100 top cities in the world.”

Dahil sa kanyang pagsusumikap at mahusay na pamamalahala, kinilala ng ilang mga lider ng China ang Davao City si April bilang “pinakamahusay” na katuwang sa kalakalan, pamumuhunan at ‘people-to-people exchanges.’

Mahalaga rin malaman na sa pamamagitan ni April bilang pinuno ng DCIP, malaki ang kanyang ambag upang mapaunlad at mapalago pa ang ‘bilateral relations’ ng Lungsod Davao at China, bukod pa sa komersyo, kalakalan, pagkakaibigan at matibay na ugnayan.

Kinikilala ng Award for Promoting Philippines-China Understanding (APPCU) ang lahat ng naiambag at kontribusyon ni April, hindi lamang sa pagpapalakas ng sisterhood cities sa pagitan ng Davao City at China, kundi ang makabagong pananaw ng mga Chinese sa mga Pilipino.

(Ang lahat ng APPCU 2022 ‘Laureates’ ay pararangalan sa isang pormal na seremonya ngayong Hunyo 10, 2022. Lahat sila ay tatanggap ng tropeo at mga patunay ng pagkilala. May nakalaan ding pabuya sa mga napili para sa ‘Outstanding at Major Contributions.’

Walang pasubali na ang nagpapatuloy na kasaysayan ng APPCU sa pagsusulong at pagpapalakas ng ugnayan at pagkakaibigan ng Pilipinas at China ay magbubukas ng mas maraming oportunidad upang mas maunawaan ang kultura ng Pilipinas at China, bukod pa sa kanilang kasaysayan at ugnayan na nais isulong ng APCU at APPCU).

Comments (0)
Add Comment