15-ANYOS NA-RECRUIT NG NPA SA N. SAMAR

NPA 'revtax collector,' kasamahan, utas; 2 anak na babae nailigtas

MULING nakumpirma ng pamahalaan ang patuloy na ginagawang ‘recruitment’ ng komunistang ‘New People’s Army’ (NPA) kahit sa mga paslit upang isabak sa kanilang armadong pagtatangka na pabagsakin ang gobyerno.

Ito ay matapos matumbok ng Philippine Army ang isa sa kanilang “postehan” sa Northern Samar noong nakaraang linggo.

Sa ulat ng 20TH Infantry Battalion, kasama sa mga nasamsam ng kanilang tropa ang isang ‘school ID’ ng isang 15-anyos na mag-aaral nang ‘Capacujan National Highschool’ matapos matagumpay na makubkob ng mga sundalo ang “postehan” ng mga NPA sa Sitio Cag-anibong, Bagacay, Northern Samar, noong Hunyo 14, 2020.

Ayon kay Lt. Colonel Juan Gullem, battalion commander, ang ID ng paslit na residente ng Bgy. Osmeña, Palapag, ay isa na namang patunay na patuloy na nilalabag ng mga komunista ang sarili nilang deklarasyon na istriktong paggalang sa karapatan ng mga paslit hindi sila puwedeng armasan upang maging mga mandirigma.

Ayon na rin sa mga naipasang kasunduan ng ‘United Nations’ hinggil sa mga karapatang pantao (‘universal human rights’) isang paglabag sa mga kasunduang ito ang ginagawa ng NPA hanggang sa kasalukuyan.

Ayon pa rin sa ipinaiiral na mga kasunduan ng ‘International Criminal Court,’ (ICC) isang ‘war crime’ ang pag-recruit ng mga paslit na may edad 15-anyos pababa para sa armadong pakikibaka.

Bukod sa school ID ng paslit, nabawi rin ng mga sundalo ang iba’t-ibang mga baril, bala, mga subersibong dokumento at mga pampasabog mula sa mga rebelde na nakatakas naman sa nasabing operasyon.

Sa bukod na operasyon noong Hunyo 20, sa Bgy. Bagacay, Palapag, iniulat din ng 20TH IB na matagumpay nilang nasagip ang dalawang kabataang babae na mga anak ng isang notoryus na NPA na napatay naman matapos makipagbarilan sa mga sundalo.

Nagsadya sa nasabing barangay ang mga sundalo at mga kaanib ng ‘Northern Samar Police Mobile Force’ upang dakpin sa bisa ng isang ‘warrant of arrest’ si Zaldy ‘Ka Podyot’ Meraya, ama ng mga dalagita.

Si Meraya ay sinasabing isang opisyal ng lokal na kilusang komunista at ‘revolutionary tax collector/finance officer’ ng NPA sa probinsiya.

Nasawi si Meraya at ang kasama nitong si Bebe ‘Kidlat’ Tobino matapos tumangging sumuko at makipagbarilan sa mga sundalo.

Ang dalawa ay kabilang sa KLG 15, Samar Regional Committee-Artic at responsable umano sa pangongotong sa mga negosyo at sibilyan sa lalawigan.

Minalas namang madaplisan sa palitan ng putok sina Jolina Meraya at kapatid nito.

Si Jolina ay estudyante sa ‘University of Eastern Philippines’ (UEP), Catarman at nahikayat maging kasapi ng ‘League of Filipino Students’ (LFS).

Kasalukuyan na silang ginagamot at nasa pangangalaga ng mga sundalo.

Comments (0)
Add Comment