NANAWAGAN ang Crime and Corruption Watch International (CCWI) sa ‘Philippine Contractors’ Accreditation Board’ na ilagay na sa ‘blacklist’ ng PCAB ay may 43 kontraktor sa Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa malulubhang paglabag sa RA 9184 o ang Procurement Law bunga ng mga proyektong inabandona, hindi natapos at may malalaking ‘slippages’ na lubhang nakasama sa interes ng publiko at ng pamahalaan.
“The same contractors/construction companies continue in their ‘merry ways’ and must have taken your good office and the DPWH for a ride with inaccurate or at best, specious justifications for abandonment of projects, slippages (and) unconscionable delays to the grave damage and prejudice of the Republic of the Philippines,” ayon sa sulat ni CCWI chairman, Carlo Magno Batalla kay PCAB executive director, Atty. Herbert DG Matienzo, noong Agosto 29, 2022.
Aniya, walang naging pagbabago sa sitwasyon ng mga proyekto kabila ng ‘show cause order’ na una nang inilabas ng PCAB laban sa mga nasabing kontraktor.
“Thus, instead of having been blacklisted and rendered ineligible from participating in any competitive bidding of government projects, it’s business as usual for these contractors/construction companies.
“They remain unmoved and unperturbed by the massive hemorrhage of scarce government funds during these difficult times,” dagdag pa ng CCWI chairman.
Bago ito, dalawang sulat na ang naipadala ng CCWI sa PCAB, noong Pebrero 15, 2022 at Abril 22, 2022, hinggil sa mga nasabing kontratista na bagaman may mga paglabag sa RA 9184 ay patuloy pa rin nabibigyan ng malalakign proyekto sa DPWH.
Sa pagtaya pa ni Batalla, nakopo ng 43 na inirereklamong mga kontraktor ang higit 1,500 kontrata sa DPWH na nagkakahalaga ng lampas P500 bilyon.
Ang CCWI ay isang anti-corruption civil society organization (CSO) na nabigyan ng akreditasyon bilang ‘observer’ sa mga bidding sa DPWH noong 2021, sa termino ni Secretary Mark Villar.
Karamihan, ani Batalla, sa mga kuwestyunableng proyekto ay matatagpuan sa Mindanao at Bicol region.
Idiniin pa ni Batalla na ang ulat sa mga nasabing proyekto ay makikita mismo sa ‘website’ ng DPWH.
Kasama sa 43 kontratista na dapat umanong malagay sa ‘blacklist’ ng PCAB ay ang ‘Vicente T. Lao Construction,’ na inireklamo na rin ng CCWI sa DPWH, Malakanyang at Ombudsman dahil sa mga “salto” nito sa mga naibigay na proyekto.
Sa kabila nito, patuloy pa ring nabibigyan ng mga proyekto ang kumpanya kung saan ang iba dito ay mga proyektong sa susunod na taon pa masisimulan (see also Pinoy Expose, October 17, 2022).
Batay sa probisyon ng RA 9184, may kapangyarihan ang PCAB na suspindihin at kanselahin ang lisensiya ng sino mang kontraktor na ang ‘slippages’ sa ano mang proyekto aabot mula sa 10 porsiyento hanggang 15 porsiyento.
Sa bukod na panayam, sinabi pa ni Batalla na “alam” ni DPWH secretary Manuel Bonoan— na dati na ring naupo bilang kalihim ng DPWH– ang kanilang mga reklamo subalit nakapagtataka umano ang patuloy nitong pagsasawalang kibo.
Ani Batalla, ang susunod nilang reklamo ay ipadadala na rin nila sa Senado kung saan hindi pa natatapos ang kumpirmasyon ni Bonoan sa makapangyarihang ‘Commission on Appointments’ (CA).
Libel case, ibinasura
Samantala, ikinagalak din ni Batalla ang ginawang pagbasura ng Branch 61, Naga City Regional Trial Court sa kasong ‘libel’ na isinampa sa kanya ni dating Camarines Sur governor, LRay Villafuerte, noong 2016.
Sa kanyang ‘social media post’ noong Oktubre 23, 2022, pinasalamatan din ni Batalla ang kanyang abogado na si Atty. Noe Botor na siyang humawak ng nasabing asunto.
Nag-ugat ang reklamo ni Villafuerte hinggil sa mga inilabas na anomalya ni Batalla sa panglalawigang pamahalaan ng Camarines Sur sa termino ni Villafuerte.
Bago naging respetadong ‘anti-corruption crusader,’ nagsilbi rin si Batalla bilang ‘board member’ ng Camarines Sur.