TUTOL ang halos lahat ng kongresista na maging pinuno o Speaker nila sa Kamara de Representante si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco kapalit ni Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano.
Ang “pag-angal” ng mga mambabatas ay sa kabila ng sinasabing ‘term-sharing’ ni Cayetano at Velasco na napagkasunduan sa pagbubukas ng Kongreso noong isang taon.
Sa loob ng 15 buwan, unang nagsilbing Speaker si Cayetano na magtatapos ngayong Oktubre 14; papalitan naman siya ni Velasco para sa susunod na 21 buwan hanggang sa matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022.
Ngunit hindi pa man nauupo, nagpoprotesta na ang halos lahat ng mambabatas sa Mababang Kapulungan laban sa nakatakdang pagposisyon ni Velasco dahil sa maraming kadahilanan,
Ayaw ng maraming kongresista kay Velasco dahil malayong-malayo umano siya sa kalingkingan ni Cayetano kung pamumuno ang pag-uusapan.
Sa privilege speech ni Capiz Cong. Fredenil Castro noong isang linggo, sinabi niyang ang isang naghahangad na maging Speaker ay hindi dapat nakatunganga lang at naghihintay na siya ang iluklok sa puwesto.
Masyado naman aniyang binubuwenas si Lord na umaasa lamang sa term-sharing agreement nila ni Cayetano para maging maging pinuno ng Kamara na hindi biro ang mga trabaho.
“Hindi siya nagtrabaho, hindi siya nag-ambag, hindi niya dinepensahan ang Kamara, hindi s’ya naging lider.
“Kaya paano naman niyang maasahang susundin namin siya,” ang sinabi ni Castro patungkol kay Velasco.
Sa loob ng 15 buwan aniya pa, ay walang ginawa si Velasco at pagkatapos ay biglang lilitaw sa Kongreso para angkinin ang puwesto na para bang ipinanganak siyang maging Speaker.
Ipinunto din ng karamihan ng kongresista na walang binatbat kay Cayetano si Velasco kung karanasan ang pagtatalunan.
Noong siya’y senador, naging chairman si Cayetano ng mahahalagang komite, tulad ng blue ribbon at naisiwalat ang iba’t ibang corruption scandal; Senate Foreign Relations Committee; at, Senate Committee on Rules. Naging Senate Majority Leader rin si Cayetano.
Kaya sa Pulse Asia survey noong Disyembre ng nakaraang taon, o kulang sa anim na buwan pa lang ng kanyang pagiging Speaker, si Cayetano ang nakakuha ng pangatlong pinakamataas na rating bilang most trusted government official.
Sa panig ni Velasco, walang narinig o masasabi tungkol sa kanyang rating dahil minsan lang siya magpakita sa Kongreso.
Kaya nga tinatawag si Velasco na parang miyembro ng “Iskul Bukol” dahil sa pagiging “absentero” sa Kongreso.
Wala ring narinig kay Velasco tungkol sa pagpasa ng mga priority bill ng Pangulo, kahit suporta man lamang.
Dahil dito, umalma ang mga kongresista nang magbitiw bilang Speaker sa harap mismo ni Pangulong Duterte si Cayetano para bigyang-daan si Velasco.
Naghain ng mosyon sina Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor at Bulacan Rep. Jonathan Sy-Alvarado at tinanggihan ang pagbibitiw ni Cayetano.
Hiniling naman ni Deputy Speaker Raneo Abu na magkaroon ng voice vote pero itinuloy ng plenaryo na tapusin na ang usapin sa pamamagitan ng nominal voting.
Ang resulta, 184 miyembro ng Kamara ang bumoto para manatili si Cayetano bilang Speaker habang may isang hindi sumang-ayon.
Ultimo ang mga mambabatas na kabilang sa Makabayan bloc ay umaayaw na maging lider nila sa Kamara si Velasco.
Ang ‘Makabayan Bloc’ ay minamagaling ang sarili bilang mga taong may “prinsipyo” sa kabila ng bintang na “prente” lang ang mga kasapi nito ng Partido Komunista ng Pilipinas.
Sa kabila ng resulta ng bilangan, ipinipilit pa rin ng kampo ni Velasco na lalaban sila ng “pitpitan ng yagbols” para mapatalsik si Cayetano dahil sa kawalan ng “palabra de honor”.
Tinawag din nilang “bakla” si Cayetano sa pagiging “urong-sulong” at hindi lalaking kausap.