MULING pinatunayan ng mga senador, sa pangununa ni Senate Finance Committee chair, Sen. Edgardo ‘Sonny’ Angara at ng Liberal Party (LP) ang kanilang kawalan ng malasakit sa kapakanan ng mga mahihirap na dekada nang inaabuso ng mga komunista matapos “tagpasin” ang inilaang badyet ng pamahalaan para sa ‘Barangay Development Program’ (BDP) ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Sa pahayag ni Angara noong Nobyembre 9, 2021, mistulang “mumo” ng kanin ang itinira ng Senado sa panukalang P28.1 bilyon badyet ng BDP para sa susunod na taon matapos alisin ang P24 bilyon at ibagsak ito sa P4.11 bilyon.
Palusot pa ng mambabatas, “hindi” umano “maipaliwanag” ng task force kung saan napunta ang inilaan na P16.4 bilyon ng Kongreso para sa BDP ngayong taon, sa kabila ng katotohanan na ang lahat ng pinagkagastusan ay makikita sa ‘website’ at mga regular na pahayag sa media ni National Security Adviser at NTF-ELCAC vice chair, Hermogenes Esperon, at iba pang opisyales ng task force.
Dagdag pang palusot ni Angara, mas mainam na ibigay ang tinapyas na halaga para aniya sa pangangailangan ng mga ‘frontline health workers’ na nangangailagan din ng tulong dahil na rin sa pandemyang dala ng COVID-19.
‘Ibalik sila sa kampo ng CPP-NPA’
Sa orihinal na P28.1 bilyon panukala ng NTF-ELCAC para sa 2022, target nitong tulungan na muling maramdaman ang kalinga at malasakit ng gobyerno nang may 1,406 mahihirap na barangay sa buong bansa.
Bibigyan ng paunang P20 milyon bilang suporta ang bawat komunidad na gagastusin para sa mga kalsada, paaralan, health centers, malinis na daloy ng tubig, kuryente at mga ayudang teknikal upang matulungan ang mga residente na mabigyan ng hanapbuhay at iba pang pagkakakitaan.
Ang mga nasabing komunidad ay mga dating “balwarte” ng teroristang CPP-NPA (Communist Party of the Philippines – New People’s Army), kung saan ang mayorya ay binubuo ng komunidad ng mga katutubo (indigenous people’s communities), ang sektor na dekada nang inaabuso at pinagsasamantalahan ng mga terorista.
Kasama rin sa mga gustong matulungan ng BDP ang mga komunidad na mahirap puntahan at maabutan ng tulong ng pamahalaan dahil sa kanilang lokasyon (geographically isolated and disadvantaged areas, GIDAs).
Layunin ng BDP na tuluyang mailayo sa impluwensiya ng CPP-NPA ang mga nasabing komunidad, tungo sa pagkakaroon ng ganap na kapayapaan at pagkakaisa sa buong bansa.
Sa kasalukuyan, patuloy ang konsultasyon ng task force sa nasabing mga komunidad para sa mga proyektong nais nilang maisakatuparan na inaasahang agarang mailulunsad sa pagpasok ng susunod na taon.
Tumaas ang tiwala ng mga residente sa mga nasabing lugar sa sinseridad ng gobyerno na tumulong matapos makita ang mga pagbabago dala ng BDP sa may 822 barangay sa buong bansa na benepisyaryo ng P16.4 bilyon badyet ng programa para sa taong ito.
Bunga nito, bulto-bultong mga komunidad ang hayagan na ngayong kumokondena sa terorismo ng CPP-NPA habang ang mga matataas na lider nito ay patuloy na bumababa sa mga kabundukan matapos makumbinsi sa sinseridad ng mga proyekto at programa sa ilalim ng BDP.
Sa naging desisyon naman ni Angara—na malinaw na sumasang-ayon sa sulsol ng mga kaanib ng CPP sa Kongreso at mga kaalyado nila sa Senado sa hanay ng Liberal Party (LP)– mistulang naging “paralitiko” ang NTF-ELCAC/BDP na inaasahang muling magpapasigla sa propaganda ng CPP na walang malasakit at “peke” ang mga pangako at sinasabing kaginhawahan ng gobyerno para sa mga mahihirap.
Pangamba ng ilang opisyales ng NTF-ELCAC, hindi malayong muling “makabawi” ang CPP-NPA sa susunod na taon dahil na rin sa kawalan ng programang makamahirap ng pamahalaan na sinisimbulo ng BDP.
‘Hindi unang pagkakataon para kay Angara’
Ang “pagkatay” ni Angara sa badyet ng NTF-ELCAC ay hindi ang unang pagkakataon na ipinakita ng mambabatas na “tuta” siya ng kanyang mga kasamahan, partikular sa sulsol ni Senate Minority Leader Franklin Drilon—ang nagsisilbing “boses” ng mga interes ng CPP sa Senado.
Sa deliberasyon ng badyet ng Public Attorney’s Office (PAO) noong 2019 para sa sumunod na taon, “nakipagsabwatan” si Angara kay Drilon upang alisan ng badyet ang PAO Forensic Laboratory, bagay na mariing kinondena ni PAO chief Persida Acosta at ng publiko.
Bagaman inaprubahan ng Senate Finance Committee ang hiling na P21.7 bilyon ng Department of Justice (DOJ), kasama ang badyet ng PAO para sa 2020, nagsabwatan ang dalawang mambabatas sa panahon ng ‘bicameral conference committee’ na “magsingit” ng probisyon kung saan ipinagbawal sa PAO ang paggastos, kahit isang sentimo, para sa forensic laboratory nito, Ang nasabing probisyon ay epektibong magreresulta sa pagtigil ng serbisyo ng ahensiya sa publiko.
Ayon sa PAO, “galit” sina Angara at Drilon sa ahensiya dahil sa isinagawa nitong imbestigasyon sa mga nabiktima ng bakuna laban sa dengue (Dengvaxia) noong administrasyong Aquino na nagresulta sa mga kasong sibil at kriminal sa kumpanyang ‘Sanofi’ at mga opisyales ng nakaraang administrasyon na pawang opisyal ng LP.
Ang Sanofi, ang gumawa ng Dengvaxia, ay “kliyente” ng ‘law firm’ nina Angara at Drilon.
Nabigo naman ang maitim na balak nina Angara at Drilon laban sa PAO matapos ibasura ni Pang. Duterte ang kanilang ‘budget insertion.’