Benepisyo ng mga namatay na sundalo bubuwisan

PATULOY na umaani ng batikos at panawagan ng pagbibitiw sa puwesto ng mga nasa katungkulan ang panukalang buwisan ang benepisyo ng mga sundalong namatay habang nasa serbisyo.

Sa mga ulat, inaprubahan nitong Enero 22 ng ‘Labor Government’ ni Prime Minister Keir Starmer ng UK (United Kingdom/Great Britain) ang panukala ni Rachel Reeves, dating miyembro ng Parliamento at kasalukuyang ‘Chancellor of the Exchequer’ (Finance Secretary sa ‘Pinas), na patawan ng buwis ang ‘death in service benefits’ (DISB) nang sino mang kasapi ng militar na namatay sa sakit o aksidente habang nakabakasyon o ‘off duty.’

Sa Britanya, ang DISB ay ‘lump sum’ o ‘cash’ na nakukuha ng pamilya ng sundalo at apat na beses ang pinal na halaga batay sa kasalukuyang suweldo at benepisyo ng namatay.

Ang benepisyo ay upang maipakita ng gobyerno ang pagkilala nito sa naging serbisyo ng mga kagawad ng militar.

Ang malakas na militar ang dahilan upang maging ‘Imperyo’ (Empire) ang Britanya sa higit 400-taon, na nagtapos noong 1956, matapos ang palpak na operasyong militar ng Britanya, France, at Israel na bawiin ang ‘Suez Canal’ sa Egypt.

Sa panukala na magiging epektibo sa Abril 2027, tinatayang aabot sa 40-porsiyento nang matatanggap na halaga ng mga naulila ang kakaltasin at babalik sa gobyerno bilang buwis kung walang asawa o anak ang namatay.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Britanya na pinakialaman ng gobyerno ang benepisyo ng mga sundalo para makalikom ng buwis.

Katwiran ng gobyerno ni Starmer, may ‘overspending’ o ‘blackhole’ na £22 bilyon sa badyet ang pinalitan nitong ‘Conservative government’ at kailangan ng mga bagong buwis upang maisalba sa krisis sa pananalapi ang bansa.

Tinambakan ng Labor ang Conservative Party ni PM Rishi Sunak sa halalan noong Hulyo 2024 kung saan 412 puwesto sa 650-Parliament ang nakuha ng Labor Party.

Bago targetin ang benepisyo ng mga sundalo, inanunsiyo noong Setyembre ni Reeves ang pag-alis ng ‘winter fuel subsidy’ na ayuda ng gobyerno upang matiyak na hindi mamatay sa lamig ng panahon ang mga residente, partikular na sa mga ‘rural areas’ ng Britanya.

Sumunod na buwan, inanunsiyo ni Reeves ang “reporma” sa pagbubuwis sa mga ari-arian (inheritance tax) kung saan 40-porsiyento ang magiging buwis sa bawat ari-arian na nagkakahalaga ng higit £1 milyon pagpasok ng 2026.

Ang “masasapol” sa sinasabing “reporma” ni Starmer at Reeves ay ang natitirang ‘middle class’ at sektor ng magsasaka sa bansa.

Simula rin noong Okubre, ibinalik ang 5-sentimong “buwis” sa bawat litro ng gasolina bukod pa sa patong na 20-porsiyentong ‘value added tax’ (VAT) sa presyo nito.

Lumabas namang walang katotohanan na mayroon ngayong £22 bilyon ‘shortfall’ sa pinansiya ng Britanya.

Ayon mismo sa ulat ng ‘Office of Budget Responsibility’ (COA sa ‘Pinas), aabot lang sa £9.5 bilyon ang nasilip nitong ‘deficit’ na iniwan ng gobyerno ni Sunak.

Ang hindi naman pinagtatalunan sa Britanya ay ang bilyones na halaga ng mga armas na patuloy na ibinibigay ng UK sa Ukraine sa giyera nito laban sa Russia, sa kabila ng tumitinding krisis sa ekonomiya.

Ayon mismo sa ulat ng Britanya nitong Enero 14, 2025, nasa £12.8 bilyon na ang ayuda nito sa Ukraine sapul ng magsimula ang ‘Russia-Ukraine War’ noong Pebrero 2022.

At kahit lubog na sa krisis, nakahanda ang UK na bigyan ng taunang £3 bilyon ayuda ang Ukraine hanggang sa 2030.