NAGPANUKALA si Sen. Christopher Lawrence ‘Bong’ Go, na agarang isunod sa imbestigasyon dahil sa ‘systemic corruption’ ang Bureau of Customs (BOC) matapos ang isinasagawang imbestigasyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
“Hindi lang naman po ang PhilHealth ang may problema, alam natin na may iba pang mga ahensya dyan na kailangang ‘gamutin’ para tuluyang matanggal ang korapsyon sa kanilang sistema. Halimbawa, ang Customs (Bureau of Customs),” anang mambabatas.
Matatandaan na noong Agosto 7, 2020, pinaboran ni Pang. Duterte ang panukala ni Go na magbugo ng isang ‘special task force’ sa pangunguna ng Department of Justice (DOJ), para sa bukod na pagbusisi sa mga bintang na patuloy na malawakang korapsyon sa PhilHealth.
Kasama sa mandato ng STF ang pagsalang sa mga opisyales ng PhilHealth sa ‘lifestyle check.’
At katulad ng PhilHealth, pinansin pa ni Go na isa ang BOC sa mga ahensiya ng gobyerno na may isyu hinggil sa ‘systemic’ and deeply rooted corruption.’
Sa magkabukod na pahayag, sinabi naman ni BOC commissioner, Rey Leonardo Guerrero, at customs assistant commissioner, Atty. Vincent ‘Jett’ Maronilla’ sa Pinoy Exposé na tinatanggap ng ahensiya ang panukala ni Go.
“Okay yan (imbestigasyon),” ang maikling sagot ni Guerrero sa pahayagang ito.
“We welcome the statement,” ang reaksyon naman ni Maronilla, na opisyal ding tagapagsalita ng ahensiya.
“We are sure the good senator just wants to solve all systemic corruption across all government agencies.
“The BOC under Comm. Guerrero has been undertaking reforms aimed at better service and in ridding systemic corruption in our agency.
“If there will be an investigation, we will fully cooperate,” mensahe pa ni Maronilla sa Pinoy Exposé.
Ilan sa mga patuloy na reklamo sa Aduana ay ang pamamayagpag pa rin ng smuggling at korapsyon sa hanay ng ilang mga operatiba sa bagong tatag na ‘Inspection Unit’ at sa mga tanggapan na nasa superbisyon naman ng Intelligence Group.
Ayon sa mga impormasyon, sinasadyang “ipitin” ng mga korap sa IU/IG ang kargamento ng mga importer na ayaw magbigay ng “tara”sa kanila o kaya naman ay upang “maagaw” ang mga kostumer at maibigay sa mga importer na binibigyan nila ng proteksyon kapalit ng regular na “hatag” sa kanila.