‘Croco List’ ni Duterte, abangan bago ang Pasko—SBG

STF vs. Corruption hindi kailangan-- Gadon
INIHAHANDA na ng Malakanyang ang ‘Croco List’ ni Pang. Duterte na balak niyang isapubliko bago ang araw ng Pasko at naglalaman ng pangalan ng mga korap at magnanakaw sa gobyerno.

Ito ang pagtitiyak ni Sen. Christopher Lawrence ‘Bong’ Go, sa panayam ng media noong nakarang Nobyembre 4, 2020, habang binibisita ang mga residenteng nabiktima ng isang malaking sunog sa Sta. Mesa, Maynila.

“Alam ninyo, tuloy-tuloy po ‘yan, papangalanan ni Pangulo sa buwan na ito at sa susunod na buwan, tuwing may makakasuhan at masususpinde ang Ombudsman,” ani Go.

“Papangalanan niya po ito sa publiko para malaman po ng mga Pilipino kung sino ‘yung may mga kaso,” dagdag pa ng senador na kilalang malapit sa Pangulo.

Sa pagsisimula ng kanyang termino noong 2016, inabangan ng lahat ang tinawag na ‘Narco List’ ni Pang. Duterte na naglalaman naman ng mga pangalan ng mga indibidwal sa loob at labas ng gobyerno na sangkot sa iligal na droga.

Ang pagsugpo sa iligal na droga at paglaban sa krimen at korapsyon ang mga sentrong programa ng gobyernong Duterte upang maibalik ang tiwala ng publiko sa pamahalaan at mga opisyal nito matapos ang higit 3 dekada na pananatili sa poder ng mga Dilawan at pamilya Aquino kung saan nalugmok ang bansa sa kahirapan dahil sa walang puknat na pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga naupo sa poder ng pamahalaan.

Ang planong ‘shame campaign’ ni Pang. Duterte laban sa mga tiwali ay nagpapatuloy at walang humpay, ayon pa kay Go.

“Ngayon, kung ayaw ninyong pangalanan kayo, e ‘di wag kayong pumasok sa korapsyon dahil tuloy-tuloy po ang kampanya namin ni Pangulo laban sa korapsyon,” dagdag pa ni Go.

Anya pa, ipatatawag sa Malakanyang ngayong araw ng Lunes, Nobyembre 9, 2020, ang higit 80-katao na mga empleyado at mga dating opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na una nang sinampahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ng mga kasong kriminal at katiwalian matapos masabit ang mga ito sa ‘pastillas scandal’ kung saan hindi pa matiyak na bilang ng mga dayuhan ang nakapasok ng bansa kapalit suhol sa mga korap na empleyado at opisyal ng BI.

Sa pagsisiyasat pa ng Senado, karamihan sa dayuhan ay mga Tsino na umano’y nagbayad nang mula P10,000 bawat isa upang makapasok sa bansa.

Kabilang sa mga kinasuhan ay si dating BI operations chief, Marc ‘Red’ Mariñas, dating BI operations chief at itinuturong “utak” ng ‘pastillas syndicate’ ng mga lumabas na ‘whistleblowers’ sa eskandalo.

Ayon kay Go, ang grupo ay ipatatawag sa Palasyo upang “kausapin” ni Pang. Duterte.

Matandaan na noong nakaraang taon, higit 60 empleyado at opisyal ng Bureau of Customs (BOC) ang ipinatawag din ng Pangulo sa Malakanyang matapos namang sumabit din ang mga ito sa mga nangyayaring katiwalian sa Aduana at masampahan ng kaso sa Ombudsman.

Ikinatuwa rin ni Go na “pinagbigyan” ng Pangulo ang kanyang panukala kamakailan hinggil sa pagbubuo ng isang ‘special task force’ sa pangunguna ng Department of Justice (DOJ) na siyang mag-iimbestiga sa lahat ng reklamo at ulat ng katiwalian sa lahat ng ahensiya ng gobyerno.

Ang panukala ni Go ay matapos ang kongklusyon ng pagdinig ng Senado sa mga nabistong katiwalian sa PhilHealth na nauwi sa pagbibitiw ni PhilHealth chief executive, Ricardo Morales.

STF hindi na kailangan kung…

Para naman kay Atty. Larry Gadon, hindi na sana kailangan dahil ‘duplication’ lang ng trabaho ang binuong STF (special task force) ng Pangulo laban sa katiwalian “kung ginagawa ng Ombudsman ang trabaho nito.”

Ito ang binigyang diin ni Gadon sa ginawang media forum ng National Press Club noong nakaraang Biyernes.

Aniya pa, bilang isang ‘constitutional office,’ higit ang kapangyarihan ng Ombudsmn na mahimay ang mga kaso at reklamo ng katiwalian.

“Hindi kasi ginagawa ng Ombudsman ang trabaho nito kaya kailangan pang magbuo ng kuna ano-anong task force,” aniya pa.

Noong isang linggo, nagsampa na rin  petisyon si Gadon sa Court of Appeals (CA) na kumukuwestyon sa desisyon ng Ombudsman na huwag isapubliko ang SALN (statement of assets, liabilities and networth) ng mga opisyal ng gobyerno kung walang pahintulot ang mga ito.

Comments (0)
Add Comment