DAHIL sa mga sunod-sunod na kapalpakan, tuluyan nang “binusalan” ng Commission on Elections (COMELEC) at inalisan ng mahahalagang responsibilidad si Dir. James Jimenez, ang tagapagsalita ng komisyon at hepe ng Education and Information Department (EID)
Sa inilabas na utos ni COMELEC chair, Saidamen Pangarungan noong Mayo 6, 2022, tatlong araw bago ang eleksyon, tinanggal si Jimenez bilang tagapagsalita ng COMELEC.
Inilipat naman ang mahalagang posisyon kay Atty. John Rex Laudiangco, na direktor sa Law Division ng COMELEC.
Hindi rin kay Jimenez at bagkus ay commissioner George M. Garcia, direktang magrereport si Laudiangco, matapos ding italaga si Garcia bilang ‘commissioner in charge’ (CIC) ng departamento ni Jimenez.
Bago ito, noong Mayo 2, 2022, inatasan din ni Pangarungan si Jimenez na ibigay ang ibang trabaho ng EID kay Erwin Aguilon, isang dating mamamahayag sa radyo at pahayagan.
Partikular na inatasan si Jimenez na ibigay na kay Aguilon ang pag-aasikaso sa mga kasapi ng media na mabigyan ng ‘accreditation’ patungkol sa nalalapit na halalan.
Batay sa rekord, si Jimenez ay unang nakapasok sa COMELEC sa termino ni chairman Alfredo Benipayo, na itinalaga ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo sa posiyon noong Pebrero 19, 2001.
Bagaman umalis at napalitan si Benipayo sa COMELEC noong Hunyo 2002 at pinalitan ni Harriet Demetriou, naiwan naman sa COMELEC si Jimenez.
Sunod-sunod na sablay
Ayon sa mga impormante, tuluyan nang nadismaya kay Jimenez ang liderato ni Pangarungan dahil sa sunod-sunod na kapalpakan nito sa kanyang trabaho.
Ilan lang sa mga ito ay nang makumbinsi niya si Commissioner Socorro Inting, na pumasok sa isang kasunduan ang COMELEC sa Rappler Philippines bilang ‘media partner’ noong nakaraang Pebrero.
Pinalagan naman ng mga samahan ng media ang nasabing kasunduan sa pangunguna ng National Press Club of the Philippines (NPC) at kahit ng Office of the Solicitor General (OSG) na naging dahilan upang makaladkad ang COMELEC sa Korte Suprema matapos maghain ng petisyon laban sa ahensiya at Rappler ang OSG.
Nakansela naman ang debate ng mga presidential candidates na inorganisa ng COMELEC para sa mga presidential candidates noong isang buwan dahil pa rin umano sa isang kasunduan na inihanda ni Jimenez.
Lumabas na walang pondo ang kinuhang ‘private sector partner’ ni Jimenez para bayaran ang gastusin sa inorganisang debate at lumabas na may kaugnayan pa pala kay dating senador Bam Aquino, ang campaign manager ni Vice President Leni Robredo.
Marami rin sa mga ‘media outfits’ na kumukuha ng accreditation sa COMELEC para sa ‘coverage’ ng halalan ang nagreklamo sa mabagal na proseso nang tanggapan ni Jimenez, dahilan upang italaga ni Pangarungan si Aguilon na ito na ang mag-asikaso sa mga pangangailangan ng mga kasapi ng media.
Diretso sa basurahan
Samantala, ibinasura na rin ng COMELEC ang tatlo pang nakambinbin na ‘disqualification case’ laban kay dating senador, Ferdinand ‘Bongbong/BBM’ Marcos Jr., na patuloy pa ring nangunguna sa ‘partial and unofficial count’ ng mga boto.
Sa buod ng desisyon ng COMELEC en banc na inilabas nitong Martes, Mayo 10, 2022, ibinasura ang mga reklamo dahil sa kawalan ng sustansiya (‘lack of merit’). Wala rin umanong mga bagong argumento na inilatag ang mga ‘petitioners’ upang kumbinsihin ang komisyon na baguhin ang mga unang desisyon ng First Division at Second Division.
Kung babalikan, 3 ang ‘DQ’ (disqualification case) ni Marcos habang isa naman ay kaugnay ng kanyang paggamit sa Partido Federal ng Pilipinas (PFP) bilang ‘chairman’ at opisyal na kandidato ng partido.
“A careful review of the Motions for Reconsideration reveals that they failed to raise new matters that would warrant the reversal of the Assailed Resolution,” anang desisyon.
Ang mga kaso ni Marcos ay may kinalaman sa bintang na hindi niya binayaran ang kanyang income tax mula 1982 hanggang 1985.
Ang mga nasabing petisyon ay una nang ibinasura ng dalawang dibisyon ng komisyon noong Pebrero at Marso subalit umapela pa rin ang mga nagreklamo.
Ayon pa sa opinyon ni Commissioner Marlon Casquejo, “teorya” lang ng mga nagpetisyon ang posisyon ng mga ito na hindi dapat payagang makatakbo sa eleksyon si Marcos dahil sa mga naging usapin sa kanyang pagbabayad ng buwis.
Ikinatuwa naman ng kampo ni Marcos ang naging pinal na desisyon ng COMELEC.
“We have always believed that the poll body will stay true to its mandate to deliver a fair, honest and credible elections, including the dismissal of unmeritorious and politically-motivated petitions such as these,” ayon sa pahayag sa media ni Atty. Vic Rodriguez, ang chief of staff at tagapagsalita ni Marcos.
“The unanimous En Banc decision has proven, once and for all, that no amount of undue political pressure can weaken the resolve of the honorable Commission to be on the side of truth and justice,” dagdag pa ni Rodriguez.