‘Don’t me! (Huwag ako!)– Sen. Bong Go

‘Away’ nila ni Mayor Sara, hindi totoo
MULING idiniin ni Senator Christopher Lawrence ‘Bong’ Go, ang kanyang desisyon na hindi siya tatakbong pangulo sa halalan sa susunod na taon kasabay nang pagdidiin na “wala” silang ano mang “away” ni Davao City Mayor Sara Duterte, taliwas sa ipinalalabas na intriga sa midya ng ilang grupo.

“I am still not interested. Nakatutok ako sa aking tungkulin bilang senador upang tulungan ang bansa na malampasan ang krisis na ating hinaharap.

“Bakuna muna bago pulitika. Mas mabuti unahin niyo na muna yung mga interesado na tumakbong Pangulo,” ani Go sa inilabas na pahayag noong Agosto 24.

Muling idiniin ni Go ang kanyang posisyon isang araw matapos kumpirmahin ni Cabinet Secretary Karo Nograles na “pumayag” nang maging bise-presidente si Pang. Rodrigo Duterte kay Go, bilang pagbibigay-daan sa ipinasang resolusyon ng PDP-Laban noong Agosto 5, 2021, kung saan isinulong ang tambalang ‘Go-Duterte’ sa 2022 elections.

Makailang ulit nang sinabi ni Go na bagaman “nagpapasalamat” siya sa tiwalang ibinibigay sa kanya ng kanilang partido at ng publiko, mas nais pa niyang siya na lang ang “huli” sa mga pagpipilian ng PDP-Laban na ilalabang pangulo sa susunod na taon.

“Ukol naman sa endorsement ng PDP-Laban, nagpapasalamat ako sa tiwala ng aking mga kapartido for considering me and President Rodrigo Duterte as their possible standard bearers in the 2022 elections. Ngunit hindi pa rin nagbabago ang isip ko. Hindi talaga ako interesado,” said Go.

“Unahin niyo na lang ang mga may gusto talagang tumakbo bilang Pangulo. Kung ako tatanungin ninyo, mas gugustuhin ko na ako’y tahimik na nagseserbisyo para sa kabutihan ng kapwa ko Pilipino bilang inyong senador,” paliwanag ni Go.

Aniya pa, ang kanyang binabanggit na ‘continuity’ sa pamamalakad ng gobyerno ay patungkol sa mga positibong nagawa ni Pang. Duterte sa bansa at labas dito ang pagpili sa kanya bilang kandidatong pangulo.

“Pagdating sa usapin ng susunod na eleksyon, ang pangunahing konsiderasyon ko naman talaga mula noon hanggang ngayon ay ‘continuity.’

“Kung papaano maipagpapatuloy ang mga magagandang pagbabago na nasimulan ni Pangulong Duterte, lalo na ang kampanya laban sa kriminalidad, korapsyon at iligal na droga.

Si Sen. Christopher ‘Bong’ Go, kasama sina Davao City Mayor Sara Duterte at Pang. Duterte. Aniya, wala silang away ni Mayor Inday, taliwas sa ipinapakalat na intriga ng ilang grupo (photo credit: SBG office).

“At kung papaano rin maipagpatuloy ang pagkakaroon ng isang gobyerno na may malasakit sa kanyang mamamayan para maiahon ating bansa mula sa krisis na ito,” ani Go, patungkol sa pandemyang dulot ng COVID-19.

“Iyon ang aking konsiderasyon sa pagpili ng susunod na mamumuno sa ating bansa. Importante na may katimbang si Pangulong Duterte na kayang ipagpatuloy ang mga nagawa niya. Iyan ang continuity na sinasabi ko,” ani Go.

“Pero please lang, huwag lang ako.”

Walang ‘away’ kay Mayor Sara

Itinuwid din ni Go ang mga lumabas na intriga sa midya na may “away” o “alitan” sila ni Davao City mayor, Sara Duterte/

“Nagkakausap naman kami ni Mayor Sara. Wala kaming isyu sa isa’t isa. Kung anong pagmamahal ko sa tatay, ganun din po ang pagmamahal ko sa mga anak. Alam ni Pangulong Duterte ‘yan,” ani Go.

“Nangako ako sa kanya na sasamahan ko siya habambuhay. At isa sa mga ipinagbilin niya sa akin ay huwag kong pababayaan ang mga anak niya kung wala na siya sa mundong ito,” pagbubunyag pa ng mambabatas.

“Unang-una, nais kong klaruhin na silang mag-ama ang nag-uusap tungkol sa pulitika. Kung ano ang usapan nilang magtatay, nasa sa kanila na po iyon. Pero tulad ng sinabi ko noon, anuman ang magiging desisyon nila, susuportahan ko,” pagtatapos ni Go.

Comments (0)
Add Comment