‘DRUG TRAFFICKING’ SILAT SA BOC, PDEA

'US dollars' nakumpiska sa NAIA
NAGING matagumpay ang ginawang ‘controlled delivery operation’ ng BOC-Clark at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos masundan ang pagbiyahe ng iligal na droga mula sa Clark Airport, Pampanga, hanggang sa isang bahay sa Majayjay, Laguna.

Sa ‘accomplishment report’ na natanggap ni Customs Commissioner Rey Leonardo ‘Jagger’ Guerrero, isang ‘parcel’ mula sa Germany na idineklarang ‘gifts, letters and photos’ subalit naglalaman ng higit 4.5 gramo na ‘Kush Marijuana’ ang dumating sa Clark Airport kamakailan.

Sa halip na agarang kumpiskahin, nagkasundo ang BOC-Clark at PDEA-Region 3, na “sundan” ang kargamento matapos itong lumabas sa Clark upang maaresto ang tatanggap nito.

Noong Hulyo 3, 2020, “nagbunga” naman ang “pagtitiyaga” ng mga awtoridad matapos magtapos ang kanilang pagsunod sa kargamento sa isang bahay sa Majayjay, Laguna, kung saan agarang inaresto ang suspek na hindi ibinigay ang pangalan.

Bagaman maliit ang halaga ng iligal na droga, sinabi ni BOC spokesman, Atty. Vincent ‘Jett’ Maronilla, na napatunayan ng operasyon na puwedeng magtagumpay ang pagtutulungan ng BOC at PDEA pagdating sa ‘controlled delivery operation.’

Bukod sa marijuana, nakakuha rin ng mga ‘ drug paraphernalia’ ang mga awtoridad

Sa nakaraang karanasan ng BOC at PDEA noong 2017 sa termino ni Comm. Nicanor Faeldon, “palpak” ang isang malaking transaksyon ng iligal na droga na natagpuan sa isang warehouse sa Valenzuela City, matapos hindi sumunod sa ‘protocol’ ang BOC sa ‘controlled delivery operation.’

Sa NAIA, binigo naman ng BOC ang tangkang pagpupuslit ng US$57,000 cash sa isa pa ring ‘air parcel’ galing sa Amerika na idineklarang ‘personal documents.’

Ang naturang halaga (katumbas ng higit P776,000) ay nadiskubre matapos ang idaan sa ‘X-ray examination at ‘physical examination’ ang nasabing kargamento.

Samantala, 4 na bagong ‘firetruck’ ang tinanggap ng Aduana bilang “donasyon” mula sa San Miguel Corporation (SMC) noong Hulyo 9, 2020.

Pormal na tinanggap ni Enforcement Security Service (ESS) director, Yogi Filemon Ruiz sa isang simpleng seremonya ang donasyon mula kay Cecile L. Ang, isa sa mga ‘trustee’ ng San Miguel Foundation, at, Kin Lichauco, executive director.

Ang modernong firetrucks ay gawa ng ‘Firewolf Industries at may 6,000 liter capacity.

Comments (0)
Add Comment