Higit P1 bilyon ‘tongpats’ sa QC procurement ibinisto

Nangyayari rin kaya sa ibang panig ng bansa?
UMAPELA si Anak Kalusugan partylist representative, Mike Defensor sa mga lokal na pamahalaan sa buong bansa na huwag samantalahin ang kaluwagan sa ‘procurement process’ ng mga LGUs dahil sa pandemyang dala ng COVID-19, matapos ibulgar ang aniya’y katiwalian sa mga ginawang procurement ng pamahalaang lungsod ng Quezon na umano’y umabot na sa higit P1 bilyon.

Sa ginanap na ‘virtual zoom forum’ ng ‘Meet the Press/Report to the Nation’ media forum ng National Press Club (NPC) noong Biyernes, Agosto 20, 2021, ipinakita ni Defensor ang kopya ng isang ‘PO’ (purchase order’) ng Quezon City kung saan nagbayad ng kabuuang P49.240 milyon ang Lungsod Quezon sa ‘Strength Medical and Drug Supply,’ isang ‘single proprietorship’ na umano’y may tanggapan sa Novaliches, Quezon City.

Ang transaksyon sa ilalim ng PO Number 2012367 at may petsang Disyembre 21, 2020.

Ang nasabing PO ay lumalabas na pirmado ni Mayor Joy Belmonte patungkol sa pagbili ng Quezon City LGU ng 400,000 piraso ng ‘face shield’ sa halagang P67.50 bawat isa (P27 milyon) 32,000 piraso ng ‘disinfectant spray’ sa halagang P695 bawat isa (P22.240 milyon).

“Eh, noong Disyembre (2020), P5 na lang ang presyo ng face shield,” pansin pa ng mambabatas.

Ayon pa kay Defensor, batay sa mga dokumentong ibinibigay umano sa kanya ng mga ‘well-meaning employees’ sa Quezon City Hall, “mahigit” isang bilyong piso ang kanilang nasilip na ‘tongpats’ sa mga transaksyon ng administrasyon ni Belmonte.

Pangamba pa ni Defensor, maaring may mga katulad na pangyayari sa iba pang mga LGUs sa iba pang panig ng bansa.

Si Anak Kalusugan partylist Rep. Michael Defensor sa media forum ng National Press Club, Agosto 20, 2021.

“This should not happen in the whole country. Sa gitna ng pandemya, maraming gutom, maraming naghibhirap, huwag naman po,” dagdag pa niya.

“Kung ganito ang nangyayari sa lahat ng LGUs, government agencies, delikado ang pondo natin,” ani Defensor.

Partikular sa Quezon City, naniniwala si Defensor na “walang alam” ang COA Central Office matapos aniyang ideklara pang ‘outstanding’ ang administrasyong ni Belmonte sa mga ulat ng COA na nakatalaga sa lungsod.

“Pati COA Quezon City, ipapatawag ko (para maimbestigahan sa Kongreso). To be fair, walang alam ang COA central office sa mga nangyayari at balita ko pa, ‘natataranta’ na ang COA Quezon City dahil lahat ng dokumento, hinihingi na ngayon ng COA main,” paliwanag pa ng mambabatas.

Aniya pa, marapat lang na silipin din ng COA Central Office ang mga gastusin ng mga LGUs at ang mga ulat na natatanggap nito sa iba’t-ibang COA field offices.

May ‘gut feel’ ako na because of the emergency… I hope not, but people are taking advantage in their procurement, kaya grabe ang sitwasyon.”

Idinagdag pa ni Defensor na kahit sa pagbili ng mga de-latang pagkain, “mas mura” pa ang presyo ng mga ito sa ‘Puregold’ at mga grocery store sa lungsod kumpara aniya sa binayaran ng Quezon City LGU.

“Kung nangyari ito sa buong bansa, hindi naman ito dapat,” aniya pa.

Tiniyak din ni Defensor na kukuwestyunin nila ang COA hinggil sa mga nasabing kontrobersiya sa sandaling humarap na ang mga opisyal nito sa pagsisimula ng pagdinig ng Kongreso sa pambansang badyet sa mga susunod na araw.

Kasama sa tinatalakay sa pagdinig ang panukalang badyet para sa susunod na taon ng bawat ahensiya, kasama na ang COA.

Comments (0)
Add Comment