KWF sinuportahan ng NTF-ELCAC kontra CPP propaganda

Sen. Rissa Hontiveros, binatikos din
SUPORTADO ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang ipinalabas na desisyon na pirmado ng dalawang komisyuner ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) hinggil sa pagpapatigil sa paglilimbag at pagkakalat ng mga aklat at mga babasahin na may “nilalamang politikal, subersibo at mga malikhaing akdang may subliminal na idelohiyang naghihimok at/o nakapag-uudyok na labanan ang pamahalaan.”

Ayon kay Piskal Floremer Chris Gonzales, tagapagsalita ng NTF-ELCAC Legal Affairs Cluster, mali ang paratang ng ilang grupo na ang desisyon ng KWF ay nagbabadya sa pagkamatay ng pagpapaaral (‘death of scholarship’) sa bansa.

Ani Gonzales, mas nararapat na tawaging ang pagkamatay ng panlilinlang ng komunistang teroristang grupo at radikalisasyon sa balatkayo ng mga gawang pagpapaaral ang ibubunga ng desisyon ng KWF.

Bunga nito, sinabi pa ni Gonzales na ang matapang na aksyon ng KWF ay dapat nang asahan na hindi magiging katanggap-tanggap sa mga grupong nagsusulong ng paglaban sa pamahalaan.

Batay sa KWF Memorandum 2022-0663 na may petsang Agosto 9, 2022, inatasan ang iba pang mga opisyales ng komisyon na huwag nang ilimbag at ipamahagi ang mga natukoy na babasahin kasama ang mga nasa imprenta o pangangalaga ng yunit ng publikasyon ng komisyon.

Ang pagpapatigil sa pagpapakalat ng mga babasahin ay upang maiwasan ding makasuhan ang KWF ng paglabag sa Seksyon 9 ng RA 11479 (Batas Laban sa Terorismo) hinggil sa panghihikayat sa terorismo.

Ang MB 2022-0663 ay pirmado nina komisyuner Carmelita Abdurahman at Benjamin Mendillo.

Sa pagrepaso ng KWF ang mga paunang limbag na aklat na nagdadala ng mensahe ng panghihikayat na labanan ang pamahalaan o nagsusulong sa teroristang adyenda ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP/CPP) ay ang mga sumusunod:

Teatro Politikal Dos ni Malou Jacob; Kalatas: Mga Kuwentong Bayan at Kuwentong Buhay ni Rommel B. Rodriguez; Tawid-diwa sa Pananagisag ni Bienvenido Lumbrera (na isang Pambansang Artista– editor); Ang Bayan, Ang Manunulat at ang Magasing Sagisag sa Imahinatibong Yugot ng Batas Militar, 1975 -1979 ni Dexter B. Cayanes; May Hadlang ang Umaga ni Don Pagusara; at, Labas: Mga Palabas sa Labas ng Sentro ni Reuel M. Aguila.

Sa panayam naman ng CNN Philippines kay KWF tserman, Arthur Casanova nitong Agosto 12, 2022, ipinagtanggol nito ang desisyon na ipalimbag at ipakalat ang mga nasabing babasahin dahil dumaan umano ang mga ito sa tamang proseso ng pagrepaso.

Hindi rin umano siya kinausap nina Abdurahman at Mendillo bago nila inilabas ang MB 2022-0663.

Sa kasunod namang memorandum, sinabi pa nina Abdurahman at Mendillo na pumasok si Casanova sa pagpapalimbag ng mga kontrobersiyal na babasahin na walang awtorisasyon ng buong komisyon.

Ipinahiwatig naman ni Casanova na ang kontrobersiya ngayon sa KWF ay isang pakana upang sirain ang kanyang pagkatao at madiskaril ang mga reporma at pagbabago na isinusulong niya umano sa KWF. Nakahanda rin umano siyang sagutin ang lahat ng isyu sa tamang lugar.

Subalit, para kay dating NTF-ELCAC spokesperson Marie Lorraine Badoy, ang aksyon ni Casanova ay nagbibigay ng bahid ng ligalidad sa mga subersibong at kontra-gobyernong mga babasahin.

Samantala, sa bukod na pahayag nitong Agosto 10, 2022, binatikos din ni Gonzales si Sen. Rissa Hontiveros, ang tumatayo ngayong lider ng Partido Liberal (LP) sa ginawa nitong pagkondena sa pagkaaresto nitong Agosto 8, 2022, kay Walden Bello sa kasong ‘cyberlibel.’

Si Bello ay dating kasamahan ni Hontiveros sa Akbayan at ngayon ay tumatayong lider ng grupong Laban ng Masa at talunang kandidato sa pagka bise-presidente sa halalan nitong Mayo 9, 2022.

Si Bello ay dinakma ng mga pulis matapos umakyat sa korte ang kasong cyberlibel na isinampa sa kanya ni ex-Davao City PIO Jefry Tupas at maglabas ng kaukulang ‘warrant of arrest’ ang korte ng Davao City.

Ayon kay Gonzales, dapat alalahanin ni Hontiveros na ang ginawa nitong pagkondena sa pagka-aresto ni Bello batay sa umiiral na ligal na proseso ay direktang pang-iinsulto ng senadora sa sistema ng hustisya sa bansa.

Bilang isang piskal, sinabi pa ni Gonzales na masakit sa kanya ang mga naging patutsada ni Hontiveros na aniya ay isa ring aroganteng opisyal  ng gobyerno na walang galang sa mga ligal na proseso.

“When you said that you condemn the arrest of Walden Bello, you have directly insulted the justice system of this country.

“As a prosecutor, I take offense in your irresponsible act of condemning the arrest of an accused whose case underwent due process.

“You manifested an unwarranted and unjustified arrogance and lack of respect for the legal processes of this country.

Dapat na rin umanong itigil ni Hontiveros ang panglilinlang sa publiko dahil pinaghahalo ng senadora ang karapatan sa pamamahayag at kalayaang batikusin ang gobyerno at ang kasong cyberlibel.

“Do not confuse cyberlibel with the reasonable and proper exercise of freedom of expression nor the right of a citizen to criticize the government. These are two different things Madame Senator.

“Walden Bello was arrested for the charges of cyberlibel by virtue of a court issued warrant of arrest. Do not confuse the facts,” diin ni Gonzales.

Comments (0)
Add Comment