PORMAL na ihahayag nina Senate President Vicente Sotto at Senator Panfilo Lacson ang kanilang pagtakbo sa mas mataas na posisyon sa susunod na taon habang lumilinaw na rin ang desisyon ni Sen. Emmanuel ‘Manny/Pacman’ Pacquiao na sumabak rin bilang kandidatong pangulo.
Sa panayam ng media kay Sotto noong Sabado, Hulyo 10, 2021, sinabi nitong pormal nilang isasapubliko ni Lacson ang kanilang desisyon sa Agosto 5, 2021, kung saan inaasahang magdedeklara bilang kandidatong pangulo si Lacson habang bise-presidente naman si Sotto.
“Ang plano namin ni Sen. Lacson, officially mag-a-announce kami sa August 5, tentatively, August 5 ang target.
“Meron lang mga consultations pa kaunti na aasikasuhin. Plano naming mag Visayas, baka next week eh,” anang Pangulo ng Senado.
Sinabi pa ni Sotto na “napagkasunduan” na rin nila ni Lacson at Pacquiao na parehong tatakbo bilang pangulo ang dalawa.
“Meron, meron kaming ugnayan kay Sen. Pacquiao, hindi kami naghihiwalay-hiwalay. Mahaba pa yan, basta ang usapan namin, si Sen. Pacquiao at si Sen. Lacson, parehong magfa-file,” ani Sotto sa tanong ni DWIZ veteran Senate reporter, Cely Bueno.
Idinagdag pa ni Sotto bagaman naiipit siya sa sitwasyon, magbibigay siya ng pinal na desisyon kung kanino titiket sa buwan ng Oktubre, sa panahon ng ‘filing of candidacy’ para sa pambansang halalan.
Sa kasalukuyan, aktibo na sa pangangampanya sina Lacson at Sotto, kung saan marami na silang napuntahang lugar sa mga rehiyon sa Luzon upang “pulsuhan” ang mga lokal na opisyal at publiko sa kanilang tandem.
Hindi naman makapangampanya si Pacquiao dahil sa patuloy nitong paghahanda sa Estados Unidos para sa kanyang ‘world welterweight championship fight’ laban kay Errol Spence ang kampeon sa dibisyon ng World Boxing Council at International Boxing Federation (WBC/IBF).
Ipinagyabang pa ni Sotto na batay sa kanilang mga konsultasyon sa ngayon, “mas nagugustuhan” ng mga taga-probinsiya ang kanilang mga iniaalok na plataporma, kumpara sa mga programa proyekto ng administrasyong Duterte.
“… ibang iba ang dating sa kanila (publiko) ng programa ng gobyerno, at gustong-gusto nila yung programa na ino-offer namin, sinasabi kong solusyon,” banggit pa ng mambabatas.