HINDI na nagpaawat at bagkus ay diretsahang binansagan na “gago,” “bobo,” “bugok” at “tonto” nang kilala at respetadong ‘evangelist’ na si Eliseo ‘Bro. Eli’ Soriano ang mga kumakalaban sa gobyerno, partikular na ang Communist Party of the Philippines at New People’s Army (CPP-NPA) at ang kanilang lider na si Jose Maria Sison.
Hindi rin nakaligtas sa batikos ni Bro. Eli maging ang mga opisyales ng University of the Philippines (UP), Polytechnic University of the Philippines (PUP) at iba pang mga eskuwelahan na naging “breeding ground” ng dalawang teroristang grupo.
Si Bro. Eli ang kinikilalang lider ng religious group na ‘Members of Church of God International’ (MGCI).
Ang kanyang programa sa radyo at telebisyon na ‘Ang Dating Daan’ (ADD), ay kinilala bilang ‘longest running religious program’ sa kasaysayan ng bansa.
Bukod sa ADD/MGCI, nasa ilalim rin ng kanyang pangangasiwa, sa tulong ng respetadong newsman at broadcaster na si ‘Kuya’ Daniel Razon, ang UNTV.
Popular ang programa ni Bro. Eli, na palaging libong katao ang nakasubaybay, dahil direkta niyang sinasagot, batay sa Bibliya, ang ano mang tanong sa kanya ng kahit sino man, basta may kinalaman sa relihiyon at tamang pananampalataya.
Ang malalim na pag-unawa ni Bro. Eli sa Bibliya ay sinasabing dahilan upang iwasan siyang makadebate ng mga lider ng iba pang samahang relihiyoso sa loob at labas ng bansa.
Subalit, sa kanyang programa noong Pebrero 1, 2021, nauwi ang diskusyon sa pulitika.
Ito ay matapos isang kabataan at umano’y “lider estudyante” sa PUP-Sta. Mesa, at nagpakilalang si ‘Rona Esmedia’ ang nagtanong kay Bro. Eli hinggil sa pagkansela ng gobyerno sa ‘UP-DND Agreement’ (na nilagdaan noong 1989) at sa napabalitang katulad na plano ng gobyerno na tapusin na rin ang mga katulad na kasunduan sa iba pang unibersidad katulad ng PUP.
Bilang lider-estudyante, binanggit din ni Esmedia ang umano’y “pangamba” ng mga estudyante sa ‘red-tagging’ na ibinibintang sa militar at umano pa ay naglalagay sa panganib sa kanilang buhay.
“Dapat po ba kaming lumaban against po dun sa red-tag allegation laban sa amin o dapat po ba kaming magpasakop (sa gobyerno),” ang tanong ni Esmedia na isa rin umanong “born-again Christian.”
Ayon naman kay Bro. Eli, “walang dapat ikatakot” ang mga estudyante, kasabay ng pahayag na “nagtataka” rin siya sa sobrang “kalayaan” (“liberty”) ng mga estudyante ngayon na “puwede nang magdadaldal at sumigaw laban sa gobyerrno.”
Kasunod nito ay diretsahang tinawag ni Bro. Eli na “mga gago” ang mga namumuno sa mga eskwelahan katulad ng UP at PUP “na lumalaban sa gobyerno.”
Aniya pa, kaya naging “breeding ground” ng NPA ang mga unibersidad ay dahil sa mga kasunduan nilagdaan katulad sa UP at PUP.
“Mga gago lahat yan, patawarin ninyo ako,” ani Bro. Eli.
“Bakit ka manghihingi ng ‘accord’ na hind kayo puwedeng pasukin, bakit hindi puwedeng pumasok ang pulis? Wala namang martial law?
“Kaya nga naging breeding ground ng mga gagong NPA… yang kasaysayan ng NPA na ‘yan, wala namang ginawang mabuti yan eh.”
Aniya pa, kaya “walang magaling” na presidente ng bansa para sa mga NPA at wala nang ginawa kundi ang “pambubuwisit” sa gobyerno, ay upang isulong ang “ambisyon” ni CPP-NPA founder, Jose Maria Sison, na maging presidente.
Para kay Bro. Eli, “frustration” ni Sison ang maging pangulo ng bansa. “‘Yung bugok na ateyistang (atheist) yun na walang Diyos.”
Para pa rin kay Bro. Eli, alam din niya ang “kalakalan” sa UP dahil pinsang-buo niya si Emmanuel Soriano na presidente ng unibersidad mula 1979 hanggang 1981.
Paalala pa ni Bro. Eli sa mga “namumuno” sa UP, PUP at sa mga kabataan na palaging tumutuligsa sa pamahalaan na may mas “mataas” pang gobyerno sa administrasyon ng mga nabanggit na unibersidad at ito ay ang gobyerno ng Pilipinas.
“Dapat alamin mo, may gobyerrno ang buong Pilipinas, nasa ilalim ka noon, bakit mo ipagbabawal na mag-interfer sa gobyerrno mo, samantalang ikaw ay nasa mababang kalagayan.”
Kinuha rin ni Bro. Eli ang “kahulugan” ng salitang “gago” sa mismong diksyunaryo na inilimbag ng UP kung saan nakasulat na ang “gaga” (gago kung lalaki) ay isang taong “mahina ang ulo o walang talino.”
“Kaya ang presidente ng UP na lumalaban sa gobyerno, ayaw nang gobyerno… gago kayong lahat—ayon sa inyo. Eh, mahina ang ulo ninyo!”
Ayon pa kay Bro. Eli, “gago” rin ang mga kabataan na sumasapi sa NPA dahil sinasayang nila ang mga sakripisyo ng kanilang mga magulang na “nagtitiis” upang mapag-aral sila sa “pinakamataas na institusyon sa Pilipinas.”
Binatikos din ni Bro. Eli ang mga NPA na tinawag niyang mga “demonyo” at “walanghiya” na pumapatay sa mga sundalo na nagdadala ng ayuda sa mga biktima ng COVID-19.
Malaking pagkakamali rin umano ang ginawang pagpapalaya ni Pang. Corazon Aquino noong 1986 sa mga lider-komunista katulad ni Sison na aniya ay naging dahilan upang muling makapagpalakas ang CPP-NPA at ang “tinarget” pa ay ang UP.
“Dapat nga d’yan kay Sison, binitay ‘yan,” ayon pa kay Bro. Eli.