HINDI dapat magposturang “lider” ng PDP-Laban si Sen. Manny ‘Pacman’ Pacquiao matapos kumpirmahin ni PDP-Laban vice chairman at Department of Energy (DOE) secretary, Alfonso Cusi, na wala pang “basbas” o hindi pa kinikilala ng liderato ng partido ang posisyon nito bilang ‘acting president’ ng kanilang samahan.
Sa ginanap na ‘Meet the Press/Report to the Nation’ media forum ng National Press Club (NPC) noong Biyernes, Hulyo 2, 2021, ipinaliwanag ni Cusi na kailangan pang dumaan ni Pacquiao sa “proseso” ng PDP-Laban bago pormal na kilalanin bilang totoong presidente ng partido.
Naging acting president si Pacquiao ng PDP-Laban matapos magbitiw sa posisyon si Sen. Aquilino ‘Koko’ Pimentel noong Disyembre 202 kung saan agad nitong itinalaga ang Pambansang Kamao bilang kapalit niya sa puwesto.
Ayon pa kay Cusi, mas mainam para kay Pacquiao na “isumite” ang kanyang sarili sa desisyon ng PDP-Laban National Council at sa General Assembly nito kung nais ng mambabatas na irespeto at sundin ng buong kasapian ang mga desisyon at sinasabi nito patungkol sa mga usapin at isyung kinakaharap ng kanilang partido.
Gaganapin naman ang pagpupulon ng National Council sa Hulyo 16 at ang General Assembly sa susunod na araw, bagaman hindi nabanggit ni Cusi kung saan lugar nila ito idaraos.
“Mas mabuti kung dumating siya (Pacquiao),” ani Cusi, bagay na may kalabuang mangyari dahil abala si Pacquiao sa ngayon sa paghahanda sa kanyang napipintong laban sa darating na Agosto 21, 2021, kay WBC/IBF welterweight champion, Errol Spence.
Matatandaan na bilang pag-astang lider ng partido, mariing kinastigo ni Pacquiao si Cusi sa isang press conference sa kanyang bahay sa Forbes Park, Makati City, noong nakaraang Marso matapos mapabalita na isa ang kalihim na humihikayat kay Pang. Duterte na tumakbong bise-presidente sa 2022 elections.
Sa nasabing pagharap sa media, binanatan ni Pacquiao si Cusi dahil umano sa maaga nitong “pamumulitika.”
Sa media forum naman noong Biyernes, nilinaw ni Cusi na “alam” ng liderato ng partido ang kanyang mga ginagawa bilang vice chairman sa ano mang bagay na may kinalaman sa pulitika.
Hindi na rin umano niya sinagot ang mga naging pagbanat ni Pacquiao sa kanya, sa paniwalang hindi lang ito nabigyan ng tamang payo ng kanyang mga ‘advisers.’
Ayon pa sa kalihim, may tamang lugar upang mapag-usapan ang ano bagay na may kinalaman sa pulitika at ito ay ang kanilang national council bilang patutsada pa rin sa Pambansang Kamao na sa press release at press conference idinaraan ang kanyang mga sentimyento.
Naniniwala rin si Cusi na buong supporta ang ibibigay ng PDP-Laban sa kandidatura ni Pang. Duterte bilang bise-presidente batay sa ginagawa nilang konsultasyon sa iba’t-ibang panig ng bansa.
“Overwhelming” umano ang panawagan at suporta ng partido sa pagtakbo ni Pang. Duterte bilang bise-presidente.
Sa kanyang pahayag naman noong Hulyo 1, 2021, mistulang nagbago na ang isip ng Pangulo na magpahinga na sa pulitika matapos sabihin na kinokonsidera na rin nito ang pagtakbo bilang ikalawang pangulo ng bansa sa darating na halalan.