NILINAW ng Commission on Elections (Comelec) at ni Biñan City, Laguna, congressional candidate, Michael Gerard Tomas Ponce Yatco, mas kilala bilang ‘Pareng Mike Yatco,’ na ‘fake news’ ang kumalat sa lungsod na diskwalipikado siya bilang kandidato sa nasabing posisyon sa halalan ngayong Mayo 9, 2022.
Agad na kumalat ang nasabing “balita” matapos katigan ng Comelec First Division noong Enero 26, 2022, ang isang petisyon na alisin sa listahan ng mga kandidato si Yatco na makakalaban ni dating mayor at ngayon ay incumbent congresswoman, Marlyn Belizario ‘Lenlen’ Alonte.
Agad namang naghain, noong Enero 30, 2022, ng kanyang apela sa Comelc en banc si Yatco na hanggang ngayon ay wala pa ring inilalabas na desisyon.
Patunay na hinabing kasinungalingan ang balitang ‘disqualified’ na si Yatco ay ang mismong talaan ng mga opisyal na kandidato na inilabas ng Comelec kung saan, hanggang ngayon, makikitang si Yatco ang opisyal na kandidato ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) ni leading presidential candidate, former Sen. Ferdinand ‘BBM/Bongbong’ Marcos Jr., habang si Alonte naman ang opisyal na kandidato ng PDP-Laban.
Makakalaban naman ng kanyang kapatid na si Donna Yatco, kandidato ng Nacionalista Party (NP), sina incumbent mayor, Atty. Walfredo ‘Arman’ Dimaguila (PDP-Laban) at, Joaquin ‘Bobet’ Javier Borja (PFP).
Sa panayam ng media, nilinaw din ni Comelec spokesman, James Jimenez, na hindi inaalis na kandidato sa Kongreso si Yatco.
Sa bukod namang panayam ng media, idiniin ni Yatco na “mahaba” pa ang proseso bago siya ma-disqualify sa halalan at kung kailangan, handa silang idulog hanggang sa Korte Suprema ang nasabing usapin, batay pa rin sa itinatakda ng mga batas.
Kinuwestyon din ni Yatco ang batayan ng reklamo na hindi siya rehistrado bilang botante ng Biñan City at ang kredibilidad ng nagreklamo na isang empleyado bilang ‘traffic enforcer’ sa Biñan City Hall.
Bukod sa “taal” na residente ng Biñan City ang mga Yatco, ibinulgar pa niya na inaasahan na niya ang maruming taktika ng kanilang mga kalaban kaya kumuha na siya ng sertipikasyon sa Comelec noon pang buwan ng Setyembre 2021, bilang rehistradong botante ng lungsod, halos isang buwan naman bago niya isinumite sa Comelec ang kanyang kandidatura.
Naniniwala rin ang kayang kampo na “nadamay” siya sa ‘personal bias’ ng nagretirong First Division chair na si Commissioner Rowena Guanzon, laban kay BBM dahil isang partido lang sila.
Kung matandaan, gumawa ng eskandalo si Guanzon sa Comelec bago ito nagretiro noong Pebrero 2, 2022, matapos ibulgar ang kanyang sariling opinyon na madiskwalipika si BBM bilang kandidatong pangulo. Ginawa ni Guanzon ang panggugulo upang katigan ng kanyang mga kasamahan sa komisyon ang kanyang opinyon.
Pag-angat sa kategorya ng Biñan Hospital, prayoridad
Sa kanyang talastasan sa media, ibinulgar pa ni Yatco na “wala” talaga siyang balak na pumasok pa sa pulitika subalit nabagabag ang kanyang kalooban sa nakikitang paghihirap ng kanyang mga kababayan, partikular na sa usapin ng kalusugan at kabuhayan.
“Wala talaga akong balak; nag-aaway pa nga kami ng mga kapatid ko dahil sa pulitika. Subalit, nang makita ko ang kalagayan ng aking mga kababayan, lalo ngayong pandemya, nakonsensiya naman ako.”
Nagulat din umano siya nang malaman na hanggang ngayon, nananatiling ‘primary’ lang ang klasipikasyon ng Biñan City Hospital, bagaman halos dalawang dekada na sa puwesto ang tambalang Alonte at Dimaguila sa pulitika ng lungsod.
Bunga nito, kailangan pa umanong dalhin sa malalayong ospital sa Batangas at Alabang, Muntinlupa City, ang karamihan sa mga may sakit sa Biñan dahil kulang sa mga eksperto at kagamitang medikal ang ospital ng lungsod.
Dahil sa pagod at sakripisyo ng mga pasyente at kanilang pamilya, ang ilan umano sa mga ito ay namamatay na lang pagdating sa ibang pagamutan.
‘Antagal na nila sa poder, hanggang ngayon walang pagbabago. Sakaling tulungan tayo ng ating mga kababayan na makapasok sa Kongreso, gagawin kong prayoridad ang pag-angat ng Biñan Hospital sa antas ng Secondary at Tertiary sa aking unang termino,” dagdag pa ni Yatco.