‘Panunuba’ ng Maynila, dahilan sa tambak na basura

Higit kalahating bilyong pisong utang hindi pa binabayaran
PUMALAG ang ‘Leonel Waste Management Corporation,’ sa akusasyon ng kampo ni Manila Mayor Honey Lacuna na “sinasabotahe” ng kumpanya ang kanyang administrasyon dahil sa mga nagkalat na tambak ng basura sa halos lahat ng kalye at sulok ng lungsod, simula sa panahon ng Kapaskuhan hanggang sa kasalukuyan.

Sa isang pahayag nitong Enero 6, 2025, ipinaalala ng Leonel kay Lacuna ang kanilang naging pagpupulong noong Setyembre 2024, kung saan ipinaalam ng kumpanya sa alkalde ang desisyon nitong huwag nang lumahok sa gagawing ‘bidding’ para sa  ‘garbage hauling’ ngayong 2025.

Anang Leonel, ito ay upang mabigyan ng pagkakataon ang Manila City Hall na makahanap ng ibang ‘hauler’ at mabayaran ang utang ng lungsod na umaabot sa higit kalahating bilyong piso o kabuuang P561,440,000.00

Ang opisyal na pahayag ng Leonel Waste Management kung saan binanggit ang higit P560 milyon utang ng Maynila sa kumpanya.

Sa kabila ng dambuhalang utang ng Maynila, sinabi ng Leonel na walang katotohanan na itinigil na nila ang paghahakot ng basura bago pa man natapos  kanilang kontrata sa lungsod nitong Disyembre 31, 2024.

“Our fulfillment of our obligations is well documented with timestamped and barangay certifications signed by their representatives.

“Ultimately, the residents of the City of Manila can attest that Leonel did not abandon its duty,” anang Leonel.

Mariin ding pinabulaanan ng Leonel ang akusasyon ng kampo ni Lacuna na “inabandona” (‘abandoned’) nito ang obligasyon nitong hakutin ang mga basura sa Maynila.

Anang Leonel, ang bintang ay nakasisira sa kanilang mga basurero na matapat na ginampanan ang kanilang mga trabaho hanggang sa pagtatapos ng kontrata.

Mahigpit umano ang kanilang tagubilin sa kanilang mga basurero sa kanilang naging pagpupulong noong Disyembre 23, na gawin ang kanilang trabaho dahil batid nila na magkakaroon ng ‘surge of garbage’ sa lungsod dala ng nalalapit na Kapaskuhan.

Ipinaalala rin ng kumpanya na sapul noong 1993, maayos nitong ginampanan ang obligasyon nito hindi lang sa Maynila, bagkus, sa iba pang mga lungsod at munisipalidad sa buong bansa.