INAASAHANG hindi pa matatapos ang tensyon sa pagitan ng Philippine National Police (PNP) at Sandatahang Lakas (AFP), matapos “magbanta” si Bangsamoro Autonomous Region (BAR) police regional director, P/BGen. Manuel Abu, na “kakasuhan” ang mga sundalo sa Jolo, Sulu, nang ‘obstruction of justice.’
Sa ulat ng UNTV noong Hulyo 2, 2020, apat na araw matapos paslangin ng mga kasapi ng Jolo Police Office ang apat na miyembro ng Intelligence Service Group, Philippine Army, sinabi ng opisyal na ‘obstruction of justice’ ang ginawa ng mga nagrespondeng sundalo matapos “guluhin” ang ‘crime scene.’
“Baka pakasuhan ko pa nga sila ng obstruction of justice kasi pagka-ganyan na may namatay na, hindi dapat guluhin ang encounter site. Ginulo nila,” pahayag ni Abu sa naturang panayam.
Ang apat na sundalo– Maj. Marvin Indammog; Capt. Irwin Managuelod; Sgt. James Velasco; at, Cpl. Abdal Asula, ay mga kasapi ng ISG na nakatalaga sa 9th ISU, 11TH Infantry Division.
Pabalik na sa kanilang kampo ang grupo matapos magpunta sa Bgy. Mauboh, Patikul, upang kumpirmahin ang impormasyon hinggil sa dalawang ‘suicide bombers’ ng Abu Sayyaf Group (ASG) nang parahin sila umano ng mga pulis-Jolo sa isang checkpoint.
Sa mga lumabas na ulat, alerto naman ang mga pulis sa umano’y transaksyon ng iligal na droga at napansin ang grupo ni Indammog na umano’y mga “armado.”
Nagkasundo naman ang mga pulis at sundalo na ayusin ang problema sa Jolo Police Station.
Matapos iparada ang kanilang ‘Mitsubishi Montero’ halos 50-metro sa Jolo PNP, kasunod na dumating ang mga pulis lulan ng kanilang patrol vehicle.
Ilang sandali lang ay agarang pinagbabaril ng mga pulis ang mga sundalo kung saan unang napatay si Maj. Indammog na unang bumaba ng sasakyan upang makipag-usap sa mga pulis.
Halos kasunod nito ay agarang niratrat ng mga pulis ang Montero na ikinasawi rin ng mga kasama ni Indammog.
Matapos ito ay agarang umalis ang mga pulis sa crime scene at ilang sandali pa ay dumating naman ang mga sundalo upang alamin kung ano ang nangyari.
Wala silang inabutan na kahit isang pulis na nagbabantay sa lugar ng insidente bagaman abot-tanaw ang istasyon ng Jolo PNP.
Napilitan nang umaksyon ang mga sundalo upang tingnan ang kondisyon ng kanilang mga nabaril na kasamahan.
Sa panayam pa rin ng UNTV, sinabi pa ni Abu na “masaklap” ang ginawang pagresponde ng mga sundalo at hindi na hinintay ang pagdating ng SOCO (scene of the crime operatives).
Aniya pa, posibleng hindi alam ng mga sundalo ang proseso o “baka may itinatago” ang mga ito kaya pinakialaman ang ‘crime scene.’
Hindi rin umano totoo na “tumakas” ang mga suspek na pulis; bagkus, nasa “gilid-gilid” lang ng pinangyarihan ng insidente. Hindi na umano nagpakita ang mga pulis sa “takot” na muling magkabarilan sa pagdating ng mga armadong sundalo na “galit na galit.”
Ang pagbabanta at mga tinuran ni Abu ay inaasahang lalo pang magpapagalit sa mga sundalo sa Jolo.
Una nang umalma si Philippine Army commanding general, Lt. Gen. Gilberto Gapay sa pahayag ng PNP na “misencounter” ang nangyari noong isang linggo.
Paglalarawan ni Gen. Gapay, “murder” at “rubout” ang ginawa ng mga pulis.
Aniya pa, kung totoo ang sinasabi ng PNP na “armado” ang mga sundalo, mahirap paniwalaan na wala kahit isang pulis na tatamaan sa ganting-putok ng mga biktima.
Mga beterano sa pakikipaglaban sa mga terorista ang mga nasawing sundalo.
Malakas naman ang espekulasyon na may koneksyon sa iligal na droga o sa mga terorista ang ilang pulis sa Jolo at ito ang motibo kung bakit pinatay ang mga sundalo.