PORMAL nang tinanggap ni 8-world division boxing champion, Sen. Emmanuel ‘Manny/Pacman’ Pacquiao, ang nominasyon ng isang paksyon ng PDP-Laban bilang kandidatong pangulo sa susunod na taon.
Sa ginanap na ‘national assembly’ ng PDP-Laban sa Libis, Quezon City noong Linggo, Setyembre 19, 2021, sinabi ni Pacquiao na “buong puso, buong tapang at kababaang-loob” na tinatanggap niya ang nominasyon ng asembleya na ayon pa sa kanya ay binubuo ng ‘grassroots’ ng partido.
Bagaman mga piling opisyales lamang ang pisikal na nakadalo, ipinagyabang naman ni PDP-Laban executive director, Ron Munsayac, na sinaksihan ang pagtitipon ng may 14 na ‘national councils’ ng partido at 78 ‘chapters’ sa iba pang panig ng Pilipinas.
Sa ginawa namang ‘monitoring’ ng Pinoy Exposé sa Internet, kahit ang global media— Reuters, UPI, The Guardian, CNBC, CNN, MSN, at marami pang iba—ay naglabas ng kani-kanilang ulat hinggil sa deklarasyon ni Pacquiao, patunay na siya lang ang Pilipino na kilala sa buong mundo at sinusubaybayan ng online at mainstream media, sa loob at labas ng bansa.
Kahit si Pang. Duterte ay hindi nakatitiyak na hindi makukulong sakaling manalo sa halalan ang ‘Pambansang Kamao.’
“I am a fighter and I will always be a fighter inside and outside the ring.
“Sa buong buhay ko wala akong laban na inatrasan. Dahil sa ngalan ng prinsipyo, karangalan ng bayan ay tumatayo ako, naninindigan at nakikipaglaban,” dagdag pa ni Pacquiao sa kanyang talumpati.
Unang sumabak sa pulitika si Pacquiao nang mahalal sa Kongreso noong 2010 at 2013 at nanalo naman bilang senador noong 2016.
Sa kanya pa ring talumpati, nagbabala si Pacquiao na “tapos” na ang panahon ng mga korap sa gobyerno.
“Sa mga nanunungkulan sa ating pamahalaan na patuloy na nagsasamantala at nagnanakaw sa kaban ng bayan… malapit na kayong magsama-sama sa kulungan,” aniya pa.
“Your time is up! Binigyan namin kayo ng pagkakataon, nguni’t kami ay inyong binigo.
Naghintay po kami ng mahabang panahon, ilang dekada na ang lumipas…pero wala ring nangyari.”
Kahit si Pang. Duterte ay hindi nakatitiyak na hindi makukulong sakaling manalo sa halalan ang ‘Pambansang Kamao.’
Sa panayam ng ‘AFP’ (Agence France Presse), sinabi ni Pacquiao na ‘all of us are bound by the law’ nang tanungin kung hahabulin din niya ang Pangulo dahil sa mga ibinibintang ditong mga krimen ng mga komunista at kanyang mga kritiko.
Kasalukuyang nahahati sa dalawang paksyon ang PDP-Laban kung saan ang kabilang paksyon ay kumampi naman kay Pang. Duterte at Department of Energy Secretary Alfonso Cusi.
Si Sen. Christopher ‘Bong’ Go ang nominadong kandidatong pangulo ng grupo ni Pang. Duterte at siya naman bilang bise presidente.
Ang usapin kung “sino” sa dalawang paksyon ang “lehitimo” ay nasa tanggapan na ngayon ng Commission on Elections.