HINDI alintana ni Sen. Emmanuel ‘Manny/Pacman’ Pacquiao ang kanyang naging pagkatalo kay ‘World Boxing Association’ (WBA) welterweight champion, Yordenis Ugas, noong Linggo, Agosto 22, 2021, sa kanyang ambisyon na makuha naman ang titulo bilang ‘Pangulo ng Pilipinas’ sa gaganaping pambansang halalan sa susunod na taon.
Sa panayam kay Pacquiao matapos ihayag ang ‘unanimous decision’ pabor kay Ugas, sinabi ng ‘Pambansang Kamao’ na “magdedesisyon” siya at isasapubliko ito sa susunod na linggo (pagpasok ng Setyembre) kung saan inaasahang nakabalik na siya ng bansa.
Inaasahan na ring tuluyang mahahati ang PDP-Laban kung saan tinanggal si Pacquiao bilang pangulo ng partido ng paksyon ni Pang. Duterte at Department of Energy (DOE) secretary, Alfonso Cusi, noong Hulyo 17, 2021—matapos umalis si Pacquiao patungong Amerika upang doon ituloy ang kanyang paghahanda sa kanyang laban.
Itinalaga ni Sen. Aquilino Pimentel si Pacquiao bilang kapalit niyang pangulo ng partido noong Disyembre 2020.
Comelec ang magdedesisyon
Noong Agosto 5, 2021, pormal namang isinumite ng paksyon ni Pang. Duterte sa Commission on Elections (Comelec) ang listahan ng bagong liderato ng PDP-Laban (‘Sworn Information Update Statement,’ SIUS) batay sa resulta ng kanilang asembliya noong Hulyo 17, kung saan inalis si Pacquiao at pinalitan ni Cusi bilang pangulo ng partido.
Ang desisyon kung “sino” ngayon ang “lehitimong liderato” ng PDP-Laban ay nasa kamay na ng Comelec.
Paalala ni Ron Munsayac, PDP-Laban executive director (Pacquiao/Pimentel wing), noon pang buwan ng Hulyo sila nagsumite sa komisyon ng bukod na SIUS.
Kampante naman ang grupo ni Pacquiao at Pimentel na “sila” ang kikilalanin ng Comelec batay sa naunang desisyon ng komisyon sa usapin ng liderato ng PDP-Laban noong 2019 sa pagitan ni Pimentel at Atty. Rogelio Garcia.
Sa nasabing usapin, kinatigan ng Comelec at Korte Suprema ang grupo ni Pimentel.
Sa pahayag, sinabi ni Comelec spokesman, James Jimenez, na tatalakayin at dedesisyunan ng buong komisyon (Comelec en banc) ang isyu kung sino ang “tunay” na liderato ngayon ng PDP-Laban.
Na handang lumaban bilang presidente si Pacquiao ay makikita rin sa kanyang desisyon na irehistro sa Comelec bilang ‘national political party’ ang kanyang ‘People’s Champ Movement’ (PCM), batay sa impormasyong nakarating sa PDP-Laban.
Babala ni Melvin Matibag, secretary general ng PDP-Laban (Duterte/Cusi wing), sigurado na ang ‘expulsion’ ng Pambansang Kamao sa partido sakaling ituloy nito ang pagrerehistro ng PCM sa Comelec.