Promotion scam sa PCG ibinunyag

MANILA, Philippines–Isang “sindikato” sa Philippine Coast Guard (PCG) ang nabulgar na nasa likod ng scam sa promosyon ng mga tauhan nito kahit hindi naman kuwalipikado sa posisyon.

Batay sa nakalap na dokumento ng Pinoy Expose, sangkot sa nasabing kabalbalan ang ilang matataas na opisyal ng PCG at may ilang retiradong opisyal ng Coast Guard ang sabit din sa anomalya.

Dahil dito, sinasabing nagiging malaking katatawanan ngayon ang PCG para sa ilang “uniformed services” sapagkat ang halos lahat ng na-promote sa ahensiya, bukod sa masyadong mga junior ay hindi pa kuwalipikado sa puwesto.

Sa dokumento, 9 na Rear Admirals at 14 na Commodores ang umano’y na-promote sa panahon ng nagretirong PCG Commandant Joel Garcia at ito’y taliwas sa batas, bukod sa hindi pasok sa alokasyon na deklarado ng Department of Budget (DBM).

Nabatid na ang DBM ay may alokasyon lamang na 1 Vice Admiral, 4 na Rear Admirals at 5 Commodores para sa promotion sa PCG.

Sa kasalukuyan, ang PCG ay may kabuuang 1 Admiral, 3 Vice Admirals, 10 Rear Admirals at 22 Commodores na taliwas sa Republic Act 9993, mas kilala bilang PCG Law of 2009.

Bukod pa rito, ang PCG ay kapos sa 1,600 tauhan kung kaya sa ratio at proportion nito, batay sa batas ay hindi ito maaaring magkaroon ng ganito karaming flag officers.

“Maybe, the present leadership has been afflicted by the Strella Virus. Nobody is raising the issue that it is illegal because everyone benefitted except a few who are more senior and more qualified but were not promoted because they are not close to the Commandant and were not given key positions,” ayon sa source ng Pinoy Expose.

Ayon sa source, mistula umanong sindikato kung gumalaw ang ilang nakatataas sa PCG dahil sila ang nasusunod sa promosyon o pagtatalaga ng mga tauhan, kahit pa labag ito sa batas.

Noong una umano ay hanga sila kay dating Commandant Garcia nang batikusin nito si dating Commandant Elson Hermogino sa isyu ng recruitment sa PCG sa mismong kanilang command conference at isapubliko ang kasong sexual assault at pagiging umano’y drug addict ng isang may ranggong Kapitan pero naglaho ito nang “kainin na rin ng bulok na sistema” sa Coast Guard ang opisyal.

Anang sources, ilang araw matapos maupo sa pinakamataas na posisyon ay nakitang kasa-kasama na niya si “Kapitan” sa tanggapan ng DBM para sa inila-lobby niyang karagdagang budget sa ahensiya.

Natuklasan kasi na ang inaakusahan ni Garcia na sexual offender at drug addict na si “Kapitan” ay asawa ng isang malapit na kaanak ng mataas na opisyal sa DBM.

Hindi sinabi kung naaprubahan ang hinihingi ni Commandant Garcia sa DBM pero nagulat ang marami nang kabilang pa sa na-promote si “Kapitan” bilang Commodore.

Sinasabi ring biglang nabura ang “derogatory reports” ng PCG Intelligence sa mga akusasyon kay “Kapitan”. (PE Investigative Team)

Comments (0)
Add Comment