‘Silva Files’ totoo, dapat paniwalaan—ex-CPP-NPA recruits

Faculty ng UP-Diliman, kasapi ng Partido Komunista

NAGPATOTOO ang tatlong dating estudyante na naging mga kadre ng Communist Party of the Philippines at armadong mga lider ng New People’s Army (CPP-NPA) sa ginawang paglalabas ng gobyerno sa ‘Silva Files’ na naglalaman ng listahan ng mga unibersidad at kolehiyo na nagawang pasukin ng mga komunista upang makapag-rekrut ng mga bagong kasapi para sa armadong pagpapabagsak sa pamahalaan at pagtatayo ng komunistang sistema sa Pilipinas.

Sa ginanap na ‘press conference’ sa National Press Club of the Philippines (NPC) noong Enero 27, 2021, tahasan ding sinabi nina Joy James ‘Ka Amihan’ Saguino, Ivy Lyn ‘Ka Red’ Orpin at Rey Christian ‘Ka Nads’ Sabado, na ginagamit ng mga komunista ang mga naitayo nitong samahan ng mga estudyante sa loob ng mga school campus upang malayang makapag-rekrut ng mga bagong kasapi ng CPP-NPA.

Lumabas ang tatlo upang pabulaanan ang sinasabi ng mga administrador ng mga eskuwelahan na “walang nangyayaring” rekrutment ng mga komunista sa loob ng kanilang mga campus.

Naging mainit ang isyu ng ‘CPP infiltration’ sa mga eskuwelahan, matapos wakasan noong Enero 15, 2021, ni Department of National Defense (DND) secretary, Delfin Lorenzana, ang kasunduan ng departamento sa University of the Philippines (UP) na nilagdaan ng dalawang panig noong 1989.

Batay sa kasunduan, hindi puwedeng pumasok ang mga pulis at sundalo sa bakuran ng UP ng walang pahintulot ng nasabing paaralan.

Sa kaso ni Saguino, tubong Zamboanga, naging estudyante ng UP Visayas, College of Management, sa loob ng UP campus sa Iloilo City siya narekrut bilang kasapi ng CPP.

Nagsimula umano siya bilang estudyanteng aktibista ng League of Filipino Students (LFS) noong 2007, at pagkaraan ng isang taon ay naging kasapi ng Kabataang Makabayan (KM) at naging ganap na kasapi ng CPP noong 2009.

Aniya pa, isang “malaking kasinungalingan” ang pagpipilit ni UP President Danilo Concepcion na “walang” nangyayaring rekrutment at radikalisasyon sa hanay ng mga estudyante ng UP.

UP faculty, Anakbayan spokesman, kasapi ng CPP

Ibinulgar ni Ivy Lyn ‘Ka Red’ Orpin, dating estudyante ng PUP-Sta. Mesa at naging kasapi ng CPP-NPA, na may dalawang propesor sa University of the Philippines, Diliman, Quezon City (UP-Diliman) ang aktibong kasapi ng CPP at mga umano’y nag-rekrut sa kanya sa armadong kilusang komunista (file photo).

Para naman kay Orpin, estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Sta. Mesa, Maynila, bagaman umiwas siyang sumapi sa mga organisasyong aktibista katulad ng Anakbayan, hindi niya akalain na prenteng organisasyon din pala ng CPP ang kanyang nasalihan, ang ‘Lakbay Cagayan Valley’ (Lakbay CV), noong 2010.

Taong 2011, matapos siyang pumayag maging kasapi ng KM, isinama umano siya ng kanyang mga “kolektibo” sa UP Diliman, kung saan nakilala niya ang dalawang propesor na siyang “humahawak” sa sangay ng CPP sa PUP.

(Pansamantalang hindi muna binanggit ang pangalan ng dalawang propesor habang hinihingi ang kanilang panig).

Ang dalawang propesor, isang lalaki at isang babae, ang umano’y nag-rekrut sa kanya sa CPP noong 2012, bilang “kandidatong kasapi.”

Bukod sa 38 eskuwelahan na nakalista sa Silva Files idinagdag din ni Orpin at Saguino ang Western Mindanao State University (Wemsu), Cagayan Valley State University, Nueva Viscaya State University at Isabela State University-Echague, sa mga unibersidad na napasok na rin ng mga komunista.

Dagdag pa ni Orpin, ang babaeng propesor din ang nasa likod ng pag-oorganisa sa UP ng mga organisasyon na katulad ng Lakbay CV na ang postura ay bilang mga ‘non-government/civic organizations’ na tumutulong sa mga mahihirap sa panahon ng kalamidad subalit, mga sentro ng rekrutment ng CPP sa UP.

Sa karanasan naman ni Sabado, naging daan ang kanyang pagiging kasapi ng CPP matapos siyang manalo bilang ‘student council president’ sa College of Accountancy and Finance ng PUP noong 2014, ang unang taon niya sa kolehiyo.

Tumakbo at nanalo si Sabado sa ilalim ng ‘Samasa’ (Samahan ng mga Mag-aaral para sa Sambayanan) isang partido-pulitikal sa PUP na nasa kontrol ng CPP.

Aniya pa, sa mismong ‘Office of the Student Regent’ pa siya ng PUP “iniangat” bilang “kandidatong kasapi” ng CPP noong Mayo 2015, patunay sa malalim na presensiya ng mga komunista sa paaralan.

Kinumpirma rin ni Sabado, na ang sangay ng CPP sa UP Diliman ang “gumagabay” sa kanilang mga galaw at operasyon sa PUP.

Bago naman nahuli ng militar bilang isa nang ganap na NPA sa Northern Samar noong Oktubre 3, 2019, ibinulgar pa ni Sabado na “nakasama” niya bilang NPA din si Alex Danday, ang tagapagsalita ng Anakbayan Partylist na pinangungunahan ni Rep. Sarah Elago.

Ang Anakbayan ay bahagi ng ‘Makabayan Bloc’ sa Kongreso na ang mga nakapaloob na organisasyon ay kinumpirma ni CPP founder, Jose Maria Sison, bilang mga prenteng organisasyon sa legal ng Partido.

Comments (0)
Add Comment