‘Wala nang ceasefire!’ – Duterte

Atienza, Marcoleta, nagpatutsada sa Makabayan Bloc
HINDI na dapat umasa pa ng ‘tigil-putukan’ (ceasefire) ang mga opisyal at galamay ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army (CPP-NPA), ngayong Pasko at hanggang matapos ang termino ni Pang. Duterte sa 2022.

Ito ang pagtitiyak na ginawa ng Punong Ehekutibo noong nakaraang Lunes, Disyembre 7, 2020, sa kanyang regular na pakikipagtalastasan sa sambayanang Pilipino.

“Hindi na muling magkakaroon pa ng tigil-putukan sa aking termino bilang presidente,” ani Duterte. “Patay na ang tigil-putukan” (the ceasefire is dead), madiin pa niyang pahayag.

Bago ito, una nang sinabi ng Sandatahang Lakas (AFP) na nagrekomenda na sila na huwag nang magdeklara ng tigil-putukan ang gobyerno dahil palagi na lang itong ginagamit ng mga armadong komunista upang magkonsolida ng kanilang hanay at magpalakas ng kanilang puwersa.

Ayon pa kay AFP spokesman, M/Gen. Edgard Arevalo, marami na ring insidente kung saan kahit naman may ceasefire ay hindi naman natigil ang pag-atake ng NPA sa mga puwersa at mga instalasyon ng pamahalaan.

Huling nagdeklara ng ceasefire ang Pangulo noong Marso 16, 2020, na tumagal hanggang buwan ng Abril, upang mabigyan ng pagkakataon ang lahat na magtulungan dahil sa panganib na dala ng pandemya ng COVID-19.

Sa kabila nito, hindi naman natigil sa mga opensibang militar ang NPA habang ang kanilang mga prenteng grupo sa pangunguna ng ‘Makabayan Bloc’ sa Kongreso ay hindi rin tumigil sa paggawa ng mga aksyon upang isabotahe ang mga pagsisikap ng mga ahensiya ng pamahalaan na matugunan ang pangangailangan ng mga Pilipino dahil sa pandemya at sa pinairal ng ‘lockdown’ sa buong bansa simula Marso hanggang buwan ng Hunyo.

Ibinulgar pa ni Duterte na isa sa mga dahilan kung bakit itinigil na niya ang usapang pangkapayapaan sa mga armadong komunista ay ang hirit ng mga ito sa kanya na kailangang magtayo ng “gobyernong koalisyon” na may malaking papel ang CPP-NPA sa pagpapatakbo ng gobyerno.

Sa panayam naman ng Pinoy Exposé kay Lt. General Antonio ‘Jun’ Parlade, area commander, Southern Luzon Command, sinabi nitong “maliit na sakripisyo” lang para sa mga sundalo ang paglulunsad ng sarili nitong kampanyang military laban sa mga terorista kahit sa buong panahon ng Kapaskuhan.

Sa nakaraan, sapul pa sa unang administrasyong Aquino noong 1986, “tradisyunal” na ang ginagawang deklarasyon ng ceasefire ng gobyerno at CPP-NPA sa tuwing Kapaskuhan upang mabigyan ng pagkakataon ang mga armadong terorista at mga sundalo ng pamahalaan na makauwi at makasama ang kanilang pamilya.

Patutsada ni Marcoleta at Atienza

Sa Mababang Kapulungan, kinakitaan na rin ng paghina ng impluwensiya sa hanay ng kanilang mga kapwa-mambabatas, partikular sa hanay ng ‘Party List Coalition’ ang mga kasapi ng Makabayan Bloc matapos hamunin nina Buhay Partylist Rep. Lito Atienza at 1-Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta na tuligsain ng mga ito ang CPP-NPA.

Anila pa, ang pagkondena ng Makabayan Bloc—Rep. Carlos Zarate, Rep. Eufemia Cullamat at Rep. Ferdinand Gaite ng Bayan Muna; Rep. Sarah Elago, Kabataan; Rep. France Castro, ACT-Teachers; at, Rep. Arlene Brosas, Gabriela—sa CPP-NPA at sa mga teroristang aktibidades ng mga ito ay isang paraan upang kumbinsihin ang mga Pilipino sa sinasabi ng grupo na “hindi” sila mga kasapi ng CPP-NPA, hindi mga prenteng organisasyon ang Makabayan Bloc ng CPP-NPA at wala silang kaugnayan sa mga ito.

Sa tatlong pagdinig ng Senado na natapos noong nakaraang Martes, Disyembre 8, 2020 sa isyu ng ‘redtagging’ o ang umano’y “pagbibintang” ng gobyerno sa mga organisasyong-masa na ang mga ito ay pulos prente ng CPP-NPA, hindi nagawang kondenahin ng mga opisyal ng Bayan Muna at Makabayan Bloc ang dalawang teroristang grupo.

Ayon pa nga kay Teddy Casiño, dating kongresista ng Bayan Muna at talunang kandidato bilang senador, hindi nila kailanman itinuring na”kaaway” nila ang CPP-NPA.

Ang tinuran ni Casiño ay nakintal sa isipan ng milyong Pilipino na nakatutok sa pagdinig at nagpataas sa kredibilidad ng militar at ‘National Task Force to End Local Communist Armed Conflict’ (NTF-ELCAC) na “totoo” ang matagal na nilang sinasabi na ang Makabayan Bloc ay mga prenteng organisasyon ng CPP-NPA.

Ang hamon naman ng iba pang mambabatas sa Mababang Kapulungan sa Makabayan Bloc ay lalo pang lumakas matapos kumpirmahin ng militar na isang mandirigma ng NPA ang anak ni Rep. Cullamat na napatay ng mga elemento ng Hukbong Katihan (Philippine Army) sa isang sagupaan sa Marihatag, Surigao del Sur noong Nobyembre 28, 2020.

Sa anunsisyo ng militar, basta na lang iniwan ng mga kasamahan niyang NPA ang bangkay ni Jevilyn Campos Cullamat, 22 anyos, nang makasagupa ng mga elemento ng ‘Special Forces Battalion’ sa Bgy. San Isidro, Marihatag.

Ayon sa mga mambabatas, “mahirap paniwalaan” na “hindi alam” ng Makabayan Bloc na halos ang buong pamilya ni Rep. Cullamat ay mga aktibong kasapi ng CPP-NPA.

Comments (0)
Add Comment