MAGIGING isang malaking “garison” ang Washington DC, sentro ng kapangyarihan sa Estados Unidos at “demokrasya” sa inagurasyon ni Pang. Joe Biden, ngayong Enero 20, 2021, dahil sa ipapakalat na higit 20,000 sundalo at mga kasapi ng ‘National Guards’ para lang sa nasabing okasyon.
Sa mga dayuhang ulat, nagdesisyon ang mga Amerikano sa nasabing hakbang upang maiwasan ang muling pagdanak ng dugo at malawakang gulo na sumambulat noong Enero 6, 2021, kung saan “inatake” ng mga taga-suporta ni Pang. Donald Trump ang Washington DC na nagresulta sa pagkamatay ng 5 katao, kabilang ang isang pulis, at, pag-aresto sa libong iba pa.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na mistulang manunumpa sa militar at mga sundalo ang pangulo ng Amerika at hindi sa mamamayan ng bansa.
Mabilis namang nakapasa sa Kongreso ng Amerika na kontrolado ng ‘Democratic Party,’ ang panibagong ‘impeachment’ laban kay Trump na inakusahan ng ‘inciting to insurrection’ at paglabag sa kanyang sinumpaang tungkulin.
Patuloy pa ring hindi tinatanggap ni Trump ang resulta ng ‘US presidential election’ noong Nobyembre 4, 2020, kung saan tinalo siya ni Biden, sa bintang na may nangyari umanong “malawakang dayaan.”
Sumbong pa sa kanyang taga-suporta ni Trump, lider ng ‘Republican Party,’ dapat huwag payagan ng mga Amerikano na “nakawin” ng pangkat ni Biden ang resulta ng eleksyon.
Sa “pang-uurot” pa rin ni Trump, libo-libo niyang mga taga-suporta ang lumusob sa Washington DC at sa ‘Capitol Hill,’ ang lokasyon ng Kongreso ng Amerika, upang pigilan ang ‘US Congress’ na kumpirmahin ang panalo ni Biden, tungo sa pormal na inagurasyon nito sa Enero 20, kasama ang kanyang bise-presidente na si Kamala Harris.
Bagaman tanggal na bilang presidente si Trump bago pa man dinggin ng Senado ng Amerika ang kanyang impeachment, hinimok naman sila ni Biden na ituloy pa rin ang pagdinig.
Layon naman ng proseso na tiyakin na hindi na makababalik bilang kandidato sa mga susunod na halalan si Trump at upang patibayin ang mga kasong kriminal na inihahanda laban sa kanya.
Ang natapos na halalan sa Amerika, ang ibinunga nitong gulo at kasalukuyang sitwasyon sa Washington DC, ay “nagpamulat” sa maraming tao sa buong mundo sa pagiging hungkag at peke ng ipinagyayabang ng mga Amerikano hinggil sa kanilang “demokratikong sistema” bilang “modelo” na dapat pamarisan ng lahat ng gobyerno sa mundo.