18 NPA sa Leyte, ayaw na ng gulo, sumuko na lang!

Planong ‘re-activation’ ng CPP, nabigo
UPANG maiwasan na muli silang mahimok o mapilit ng liderato ng Partido Komunista ng Pilipinas – Bagong Hukbong Bayan (CPP-NPA) na muling bumalik sa armadong pakikibaka, 18 kasapi ng teroristang grupo sa Leyte ang nagdesisyong “lumutang” at magbalik-loob na lang sa pamahalaan.

Sa ulat mula sa 8th Infantry Division sa ilalim ni M/Gen. Pio Diñoso, ang mga ‘nag-lie low’ na mga rebelde ay mula sa mga malalayong barangay sa Ormoc City.

Nagdesisyon ang grupo, kasama na ang mga organisadong masa ng CPP-NPA sa Ormoc na magtipon sa Bgy. Quezon noong Setyembre 12, 2021,  upang ibulgar ang kanilang tunay na pagkilanlan at magbalik-loob sa pamahalaan.

Sa nasabing bilang 3 ang umamin na kasapi sa sangay ng CPP at mga kasapi sa yunit milisya/milisyang bayan (YM/MB) ng NPA; 9 ang umamin na dating mga ‘full-time’ sa NPA, kabilang ang isang kasapi ng ‘Special Operations Group’ (SOG), ang kilalang ‘death squad’ ng NPA; 4 na iba pa bilang mga kasapi ng YM/MB; isa bilang organisador at kasapi ng CPP Propaganda Organizing Team (POT); at, isang dating “pasa-bilis” (liaison officer) ng mga yunit ng CPP-NPA sa probinsiya.

15 sa mga sumukong terorista ay pawang residente ng Bgy. Quezon, habang ang tatlo pa ay mga residente ng Bgy. Hugpa, San Antonio at Can-untog.

Nabatid na una nang kinausap ng grupo si Bgy. Quezon chairman, Federico Manigao, upang mamagitan sa plano nilang pagsuko.

Isa sa mga sumukong terorista ay kapatid ni Manigao.

Sa kabila naman ng masamang panahon, agad na kumilos ang 802nd Brigade at 93rd Infantry Battalion, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (CIDG-PNP), kasama ang mga sibikong organisasyon sa ilalim ng Ormoc Integrated Peace and Development Association (OIPDA), upang salubungin ang mga nagsisukong terorista sa barangay hall ng Bgy. Quezon.

Sa kabila ng bukod na mga panayam sa kanila, nagkakaisang sinabi ng mga terorista na mas pinili nilang sumuko na lang at magbalik-loob sa pamahalaan upang hindi na sila muli pang mahikayat bumalik sa armadong paglaban sa gobyerno.

Anila pa, nagtangka na ang CPP-NPA na muli silang pabalikin sa paglaban sa gobyerno sa pamamagitan ni Juanito Sellesa, aka, Tibor/Jay,’ lider ng yunit ng NPA at tubong Bgy. Luneta, Lapaz, Leyte.

Kinausap na umano sila ng suspek upang magsibalik na sa teroristang grupo.

Sa kabuuan, aabot naman sa halos 100-katao ang dumalo sa pagtitipon kung saan karamihan sa mga ito ay nabisto ring mga taga-suporta ng CPP-NPA.

Pinangakuan naman ng militar at lokal na pamahalaan ng tulong at suporta ang mga nagbalik-loob sa  pamamagitan ng iba’t-ibang serbisyong hatid ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Comments (0)
Add Comment