PUSPUSAN na ang ginagawang paghahanda ng kampo ni Manila mayoralty bet, Atty. Alex Lopez, para sa planong ‘presidential sortie’ sa lungsod ng ‘UniTeam’ ni dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong/BBM’ Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte na paunang itinakda sa darating na Pebrero 20, 2022, araw ng Linggo.
Sa panayam ng media ngayong Lunes, Pebrero 14, 2022, pinansin ni Lopez na kailangan ng mahabang paghahanda sa tuwing darating ang ‘BBM-Sara UniTeam’ saan mang lugar dahil na rin sa dami ng mga tao na gusto silang makita at ihayag ang kanilang suporta.
“Ayaw din nating mapagbintangan ng ating mga kalaban na tayo pa ang ‘pasimuno’ sa pagkalat ng COVID-19 o akusahan na ginawa natin na isang ‘super spreader’ ang okasyon,” ani Lopez.
Sa ginanap na proklamasyon ng UniTeam sa Philippine Arena sa Bulacan noong Pebrero 8, 2022,
napuno ng tao ang nasabing lugar na may kapasidad na 55,000 katao at kinilala bilang ‘world’s biggest indoor arena.’
Bukod sa dalawang nangungunang kandidato sa pagkapangulo at bise-presidente, inaasahan din na kasama ni BBM at Mayor Sara ang mga kandidatong senador ng grupo sa pagbisita sa Maynila.
Si Lopez naman ang kandidatong alkalde ng BBM-Sara UniTeam sa lungsod at patuloy pa ring nangunguna sa mga independent surveys na ibobotong mayor ng mga Manilenyo sa halalan ngayong Mayo 9, 2022.
Dahil pa rin sa banta ng pandemya, sinabi pa ni Lopez na binabalak nilang gawin ang pagbisita ng BBM-Sara UniTeam sa lugar ng Tondo “dahil isa itong makasaysayang lugar” o kaya naman ay magkaroon na lang ng motorcade sa buong Maynila.
Bago pa man ang okasyon, nananawagan na si Lopez sa mga Manilenyo na mahigpit na sundin ang mga ‘health protocols’ ng gobyerno upang maiwasan ang COVID-19 katulad ng social distancing, pagsusuot ng face mask at regular na paggamit ng alkohol.
“Alam naman natin na sa dami ng mga nagmamahal at sumusuporta kay BBM at Mayor Sara, baka hindi maiwasan ang magsiksikan kaya ngayon pa lang nakikiusap na tayo sa mga Manilenyo na magtulungan tayo.
“Gawin nating masaya pero ligtas ang ano mang pagtitipon,” dagdag pa ni Lopez.