TULOY ang muling pagmamartsa at paglulunsad ng kilos-protesta ng mga sibikong organisasyon ngayong Setyembre 8, 2021, sa Embahada ng The Netherlands sa Makati City upang ipanawagan ang pagpapauwi kay Jose Maria Sison, ang tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP).
Sa pahayag na natanggap ng Pinoy Exposé, pangungunahan ang pagkilos ng ‘League of Parents of the Philippines’ (LPP) at ng ‘Liga Independencia Pilipinas’ (LIP).
Ang LPP ay binubuo ng mga pamilya at mga magulang na ang mga anak ay nalinlang ng mga prenteng organisasyon ng CPP at naging mga aktibong armadong terorista sa bandila ng CPP-Bagong Hukbong Bayan (NPA).
Ayon kay LPP President Remedios Rosario, hindi umano ‘political refugee’ si Sison at bagkus ay isa itong lider-terorista, ayon na rin sa deklarasyon ng Anti-Terrorism Council at ng umiiral na Anti-Terrorism Law (RA 11479).
Bukod sa Pilipinas, deklarado ring terorista si Sison at isang teroristang grupo ang CPP-NPA ng Estados Unidos, European Union, Australia at New Zealand.
Ayon pa sa dalawang grupo, panahon na upang mapabalik si Sison sa Pilipinas upang panagutin sa mga malalaking krimen ng CPP-NPA sa mga Pilipino.
Isa sa mga tampok na krimen ng CPP-NPA kung saan may kinakaharap na kasong kriminal sa Manila Regional Trial Court si Sison at iba pang lider-komunista, ay ang ‘Inopacan Massacre’ na nangyari noong 1985.
Tinatayang aabot sa 100-katao ang pinaslang ng NPA sa lalawigan ng Leyte sa nasabing panahon sa hinalang mga impormante ang mga ito ng militar.
Noong nakaraang Agosto 25 at Agosto 26, 2021, naglunsad din ang LPP at LIP ng kilos-protesta sa tanggapan ng Commission on Audit (COA) upang ipanawagan naman ang pagsasagawa ng ‘audit’ sa mga prenteng organisasyon ng CPP sa Kongreso sa bandila ng ‘Makabayan Bloc.’
Hinala ng dalawang grupo, nagagastos lang ang pork barrel allocation ng Makabayan Bloc upang tustusan ang mga teroristang gawain ng CPP-NPA at sa pagpapasuweldo sa mga ‘full-time organizers’ ng mga ito.