Mag-asawa ‘binantaan’ ng Pasay City barangay chairman

PASAY City– Sa takot na may masamang mangyari sa kanilang pamilya, nagharap ng reklamo laban kay Brgy 134 Chairman Ronnie Palmos ng Zone 15, lungsod na ito, ang isang 41-anyos na ginang.

Ayon sa imbestigasyon ni police Senior Master Sargeant  Nestor Rubel, officer on case ng Pasay City Investigation and Detective Management, inireklamo ni Cresilda Supat Mendoza, residente ng  No. 2704 Cabrera St., Brgy. 134 si Palmos ng pananakot at pagbabanta sa buhay nila ng kanyang asawang si Vance Alexie Mendoza.

Ito ay matapos ‘mag-viral’ sa social media ang isang video sa hayagang paglabag ng grupo ni Palmos sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ). Sa video, nakitang nag-iinuman sa loob ng barangay hall si Palmos, kasama ang may higit 12 katao, bilang “pagdiriwang” sa kapistahan ng kanilang patron na si San Roque.

Nakita si Palmos at mga kasama na walang social distancing, walang suot na face mask at ang ilan ay nakahubad-baro pa. Ipinunto ni Mendoza na ang kanyang mga nasaksihan ay pawang paglabag sa alituntunin sa MECQ upang maiwasan ang Covid-19 pandemic.

Sa sumbong pa ni Mendoza, ikinagalit ni Palmos ang ginawa niyang pagrereport sa  pulisya sa nangyaring mga paglabag sa MECQ.

Mula noong Lunes, Agosto 17, 2020, hanggang malathala ang balitang ito, patuloy umanong nakatatanggap ang mga Mendoza ng mga pagbabanta mula sa kanilang tserman.

Wala pa rin paliwanag si Palmos hinggil sa reklamo laban sa kanya (Bambi Purisima).

Comments (0)
Add Comment