MAGANDANG balita.
Bukod sa pagdating ng mga bakuna laban sa COVID-19 ngayong linggo, patuloy ang ginagawang “pagluluwag” ng gobyerno upang mabilis na makabangon ang ekonomiya at mabigyan ng pagkakataon ang mga Pilipino na magkaroon ng mga lugar na puwede nilang puntahan at pasyalan.
Sa kanyang anunsiyo noong isang linggo, sinabi ni presidential spokesman, Harry Roque na epektibo ngayong Lunes, Pebrero 15, 2021, puwede nang magbukas ang mga sinehan, pasyalan katulad ng mga ‘theme parks’ at mga ‘tourist spots’ kasama na ang mga simbahan.
Ani Roque, ang bagong kaluwagan sa mga lugarr na “GCQ” (general community quarantine), partikular na sa Metro Manila, ay batay sa resulta ng ika-99 na pagpupulong ng ‘Inter-Agency Task Force’ (IATF) noong Pebrero 11, 2021.
Batay sa bagong regulasyon puwede na ang ’50-percent capacity’ sa mga nasabing establisyamento.
Bukod sa mga nabanggit, pinayagan na rin ang operasyon ng mga ‘driving schools’ video/interactive game arcades,’ ‘libraries, museums, cultural centers at mga event venues na may akreditasyon mula sa Departmetn of Tourism (DOT) basta susunod sa regulasyon sa 50-percent capacity at susunod sa ‘health protocols’ na aprubado ng Department of Health.
Ayon pa kay Roque, ang patuloy na pagluluwag ay nakasalalay sa mga susunod na panuntunan na ilalabas ng IATF at sa pamamatnubay ng mga lokal na pamahalaan batay na rin sa mga nauna pang regulasyon na inilabas na ng task force.