P24 milyon ‘Cocaine’ nabawi; Pinay ‘drug mule’ dinakma sa NAIA

ISANG Pilipina na hinihinalang ‘drug mule’ nang hindi pa tukoy na international drug syndicate ang hinuli ng mga awtoridad noong Huwebes, Enero 9, 2025, sa NAIA Terminal 3, matapos mabawi ang 4.754 kilos ng ‘Cocaine’ na nagkakahalaga ng higit P24 milyon sa kanyang bagahe.

Ayon kay Bureau of Immigration Anti-Terrorist Group (BI-ATG) head, Bienvenido Castillo III, agad nilang inalerto ang NAIA Inter-Agency Drugs Interdiction Task Group (IADITG) hinggil sa pagdating mula sa Sierra Leone, ng suspek na si Joy Dagonano Gulmatico, 29, sakay ng Ethiopian Air.

Ayon sa opisyal, naging kahina-hinala ang kinuhang ‘flight pattern’ ni Gulmatico, dahilan upang alertuhin nila ang mga kasamang miyembro ng task group.

Sa isinagawang eksaminasyon ng Bureau of Customs (BOC), nakita ang mga iligal na droga na nakatago sa ‘lining’ ng 4 na handbag at isang maleta na dala ng suspek.

Kasama rin sa isinagawang pagsisiyasat ang mga elemento ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Aviation Security Group (ASG) ng Philippine National Police (PNP), Terminal 3 Airport Police Department, PNP Drug Enforcement Group at National Bureau of Investigation (NBI).

Sa isinagawang pagsusuri, nakumpirmang Cocaine ang dala ni Gulmatico na agad hinuli at nahaharap ngayon sa kasong ‘drug trafficking.’

Ang insidente ay unang pagkakataon na nakahuli ng malaking bulto ng Cocaine ang mga awtoridad ngayong taon sa NAIA.

Noong Setyembre 28, 2023, dalawang babaeng pasahero mula sa Qatar via Singapore ang pinigil at hinuli rin sa Terminal 3 dahil sa pagdadala ng 43.6 kilo ng Cocaine na nagkakahalaga ng higit P76 milyon na nakita sa dala nilang mga maleta (basahin din, Pinoy Expose, September 29, 2023).